top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | July 13, 2022


KASAMA tayo sa nagdarasal sa mabilis na paggaling ni PBBM.


Kailangan siya ng bayan.


◘◘◘


SA totoo lang, ang stress ay isa sa malaking dahilan sa paghina ng immune system.


Kailangan ng Pangulo ang sapat na pahinga mula sa nakaririnding kampanya.


◘◘◘


KAHIT ang pagpili o pagbalasa sa gobyerno ay nakaka-stress.


Maaaring napapagitna rin siya sa kaliwa’t kanang rekomendasyon sa posisyon ng kanyang gabinete, siyempre, prayoridad ang makapili ng pinakamahusay at pinakamatino.


◘◘◘


BUKOD sa Department of Health, wala pang naitatalagang bagong kalihim sa Department of Energy.


May mga rekomendado kasi sa DoE na batbat ng alingasngas at alegasyon.


◘◘◘


INIREREKOMENDA ng Senado sa Ombudsman na sampahan ng kasong criminal ang nominado na idinadawit sa kaduda-dudang Malampaya deal na nagbigay ng halos 90% ng controlling stake sa negosyante.


Inirerekomenda rin na panatilihin.

ang mga alipores ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi pero sinasabing mayroon silang mga bulilyaso.


◘◘◘


PAANO lilinisin ang departamento kung mananatili sa DOE ang mga katiwaliang isiniwalat sa mga tanggapan ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC), Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), National Transmission Corporation at Malampaya?


Marami ang natutuwa sa mga naunang naitalaga ni PBBM sa puwesto ng mga kuwalipikado.


◘◘◘


PERO sa DOE ay dapat maging maingat.

Kailangan maipatupad ang isinasaad sa Memo No. 1 na nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez.

Pero, nababahala ang marami dahil may nagrerekomenda na hindi isang Career Executive Service Officer (CESO) italaga sa posisyon.


Isang napakaselan at napakateknikal na kagawaran ang DoE ay dapat masunod ang nais ni PBBM na pinakamahuhusay ang ipuwesto sa pamahalaan.


◘◘◘


MAY kutsabahan sa mataas na singil sa konsumo ng elektrisidad.


Bahagyang naibsan ang pasakit ng taumbayan nang utusan ng Energy Regulatory Board ang Meralco na ibalik sa mga subscribers ang P28.1 bilyong sobra sa singil nito sa kuryente.


◘◘◘


HUWAG muna tayo magdiwang!


Sapagkat may mas mabigat kapag pinakinggan naman nitong ERC ang tatlong higanteng korporasyon—ang Meralco, ang South Premier Power Corporation at ang San Miguel Electricity Company (SMEC).


◘◘◘


UMAAPELA ang mga ito na makahulagpos sa probisyon ng fixed price sa loob ng kanilang Power Supply Agreement (PSA).


Sa madaling salita, gusto makatakas sa pinagkasunduang pirmes na presyo ng kuryente na itinatakda ng PSA.


◘◘◘


PUMASOK sa kasunduan o kontrata ang mga generator ng kuryente, tulad ng SMEC at SPPC upang mag-supply ng power at ito ay bibilhin ng mga distribution utility, tulad ng Meralco upang i-distribute ang kuryente sa mga customers o end-users.


Ang kasunduan ng Meralco sa SMEC at SPPC ay fix-price ang per kilowatt-hour, upang maproteksyunan ang mga customer nila sa pabago-bagong presyo.


◘◘◘


ALAM natin na ang mga produktong petrolyo at coal ang kalimitang gamit na panggatong sa pag-produce ng kuryente.


At gusto ng mga korporasyon sa balewalain ang kasunduan at magtaas ng presyo.


◘◘◘


HINDI yata makatwiran ito.

Sa panahong hindi pa halos nakakatindig ang taumbayan bunga ng dagok ng pandemya, dagdag-singil ang ipapa-pasan ninyo sa kanila?


Malinaw na kasakiman ang pagpapawalambisa sa PSA na siyang nagbibigay-proteksyon mismo sa mga subscribers.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | July 3, 2022


HUMAHAKBANG tayo ngayon sa isang bagumbagong lipunan.

Masyadong malayo ang sibilisasyong Pinoy ngayon kompara nang unang maupo sa Palasyo si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.


Marami na ang nabago na malaking paghamon kay His Excellency Ferdinand R. Marcos, Jr.


◘◘◘


KUNG nahalal si Marcos, Sr. bilang pangulo noong 1965 sa gitna ng matinding krisis sa pulitika sanhi ng paglaganap ng ideolohiyang komunismo at sosyalismo sa bansa, payapa naman ngayon ang Pilipinas sa problemang ito ngayon.


Nabali na ni dating P-Digong ang komunismo sa Pilipinas at naisalong na ng Muslim ang kanilang mga armas sa Mindanao.


◘◘◘


IMBES na maubos ang panahon sa pagsagupa sa mga nagtatangkang magpabagsak sa gobyerno, makapagpopokus na ang Marcos II administration sa larangan ng ekonomiya.


Kumbaga, diretso na sa sikmura ang prayoridad ng isang bagumbagong Marcos government.


◘◘◘


NAGPA-PANIC na ang mga korporasyon sa Europe, pinangangambahang tila domino na magko-collapse ang ilang negosyo.


Ito ay dahil sa energy crisis sanhi ng embargo ng US at Europe sa ekonomiya ng Russia.


◘◘◘


NANGINGISI lang si Russia President Vladimir Putin dahil ang economic sanctions sa Moscow ay latay din naman sa buong Europe at mismo sa US at buong mundo.

Araw-araw ay naririnig ko ang awit sa simbahang Katoliko na “Walang Sinuman Ang Nabubuhay Para sa Sarili Lamang”.


No man is an island.


◘◘◘


IBIG sabihin, hindi isang isla ang US o Europe o Russia.

Lahat ng tao sa ibabaw ng lupa — ay iisa lang ang mararamdaman.


Kapag krisis sa bansa, krisis din ito sa buong daigdig.


◘◘◘


'YAN din ang prinsipyo ng “katawan”.


Ang sakit sa kalingkingan ay sakit sa buong katawan.


◘◘◘


MALINAW na damay hindi mismo ang Pilipinas sa krisis sa ekonomiya dahil sa epekto ng dalawang taong pandemic at sanctions sa Russia.

Kung hindi pinatawan ng embargo ang Russia, hindi madidispalinghado ang kalakalan sa buong daigdig.


Ganun lang kasimple!


◘◘◘


EXCITED ang lahat sa pagbabago na ipatutupad ni VP Sara sa Department of Education.


Tiyak na mararamdaman ito ng bawat pamilya.


◘◘◘


MAY tsismis na ibabasura ang Senior High School system.

Hindi ito simple, kailangan muna ang isa pang Republic Act.


Hindi ito magaan na maisasabatas — mahabang debate 'yan.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | July 1, 2022


WALA nang duda, nakabalik na ang Marcos sa Palasyo.

Ano ang kahulugan nito?


Aktwal nang nilinis ng resulta sa huling eleksyon ang “Pangalang Marcos”.


◘◘◘


VOX Populi, Vox Dei.


Ang tinig ng tao ay tinig ng Diyos!


◘◘◘


KAHIT ano ang sabihin ng mga kritiko, naniniwala ang mayorya ng mga Filipino na walang atraso ang Pamilya Marcos sa sambayanang Filipino.


Ito ay dahil sa resulta ng eleksyon.


◘◘◘


HINDI isyu ngayon ang maka-Marcos o anti-Marcos, ang isyu ngayon ay kung may kakayahan ang His Excellency Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. na ituloy ang nasimulan ng kanyang ama.

Nais nating ipaalala ang 2-tiklop na layunin nang ideklara ang Batas-Militar.


Ayon sa matandang Marcos: Una, ito ay upang sagipin ang Republika mula sa pangil ng mga rebelde; ikalawa, upang ireporma ang lipunan.


◘◘◘


MALINAW na napagot na ni P-Digong ang sesesyonista sa Mindanao at kamandar ng Partido Komunista sa Pilipinas.


Kung gayun, sa ikalawang mithiin na lamang magpopokus si P-BBM—ito ay ang maireporma ang lipunan.


◘◘◘


SIMPLE lang at hindi dapat masalimuot ang diskarte ni P-BBM.


Tinangka ni Marcos, Sr. na baguhin ang lipunan kasangga ang kanyang maybahay na si dating First Lady Imelda Marcos nang likhain ang Ministry of Human Settlement (MHS)—at ito ang naging sentro sa pagbabago ng lipunan sa panahon ng matandang Marcos.


◘◘◘


TINUTUKAN ng matandang Marcos at dating FL Imelda ang pagbabago sa lipunan ng hatiin ang sektor sa 11 pangangailangan.


Kabilang ang shelter (1) housing; water (2); energy (3); mobility (4); power (5); livelihood (6); ecology (7); health (8); education (9); sports and recreation (10); clothing (11).


◘◘◘


ANG unang Marcos administration ay masasabi nating “baranganic government”, kung saan nakaabot sa kasuluk-sulukang barangay ang serbisyo direkta mula sa Palasyo.

Unang pinababa ni Marcos ang batambatang si Ernie Maceda ng pamunuan ang PACD—Presidential Arms for Community Development.


Nang lumaon ang PACD ay naging DILG.


◘◘◘


ANG PACD fieldmen ay direktang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa mga barangay leaders kasama ang mga magsasaka.

Kasabay nito, binuo rin ang BaExt—Bureau of Animal Industry Extension workers na nag-o-organisa ng mamamayan kada barangay.


Ka-parallel nito ang mga agri-technician ng Ministry of Agriculture na siyang kumakausap ng personal sa mga barangay leaders.


◘◘◘


MASIGLA ang bawat kilos sa lahat ng barangay sa panahon ng unang Marcos administration.


Kabilang din ang mga Rural Health Workers na nagtalaga ng mga Barangay Nutrition Scholar upang bigyan ng libreng pagkain ang mga musmos at regular na timbangin upang masugpo ang malnutrisyon sa buong bansa.


◘◘◘


PINAKAMATINDI ay ang serye ng mga workshop-seminar leadership training sa lahat ng barangay sa pagbabalangkas ng Barangay Brigades.

Bago mawala sa Palasyo ang matandang Marcos, masigla ang pagkilos ng Barangay Brigades na may kani-kanyang pulutong (28- member platoon) sa kada sektor ng 11 basic needs.


Marami pa ang nakaalala ng malawakang organization activities ng barangay brigades.


◘◘◘


MARAMI ang nagdarasal na ibalik ni P-BBM—ang masiglang galaw sa 43,000 sa buong bansa.


Kasabay ng serye ng seminar-workshop-training ang pagsusulong ng Ideolohiyang Pilipino na umuugat sa kadakilaang ng Lahit Kayumanggi.


◘◘◘


KAKAMBAL ng MHS ay Kabataang Barangay na umaasiste sa organisasyon ng Barangay Brigades bilang organizer sa lahat ng sulok ng bansa.


Sa gitna nito, humugot ng higit 200 iskolar mula sa iba’t ibang ahensya at rehiyon ang MHS katuwang ang Development Academy of the Philippines (DAP), University of the Philippines (UP) at Presidential Center of Special Studies (PCSS) upang hasain sa 18-month in-campus Human Development and Community Management (HDCM) Special Course.


◘◘◘


NAGTAPOS ang mga iskolar noong Pebrero 23, 1982 at ikinalat sa buong bansa bilang catalyzer o change agent sa ilalim ng MHS.


Gayunman, noong 1986, binuwag ang MHS at hindi naipagpatuloy ang pagbabago ng lipunang huhubugin sana ng mga iskolar na may sapat karanasan at kasanayan sa “planned change”.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page