top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | September 16, 2022


ISA sa mga naghihikahos na sektor ang transportation industry.


Gumagapang sa hirap ang mga taxi drivers at operators pero hindi sila nasasaklolohan.


◘◘◘


ANG mabigat ay nakakumpitensya sila ng kontrobersyal na “Grab” dahil nagkakamal ito ng limpak-limpak pero simpleng “apps” lamang ang capital.


Sa totoo lang, binili ng Grab ang kakumpitensyang Uber upang makopo ang merkado.


◘◘◘


NGAYON, inaakusahan naman ang Grab ng “backdoor deal” dahil binili rin daw nila ang “Move It.


Ayon kay Atty. Ariel Inton, Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), maaaring makasama sa mga rider at pasahero ang nangyaring bentahan.


◘◘◘


PERO inamin ni Inton na hindi tinututulan ng LCSP ang pagpasok ng mga bagong players sa industriya.


Pero sana ay gawin ito kapag maayos nang naipatutupad ang batas at mga regulasyon pagdating sa motorcycle taxis.


◘◘◘


SA totoo lang, sangkatutak ang reklamo laban sa Grab kabilang na ang “refund”, matapos mapatunayan umano ng Philippine Competition Commission (PCC) na nagkaroon ng overpricing ang Grab.


Humigit-kumulang P25.45M ang inatasan ni PCC na i-refund ni Grab sa kanilang mga pasahero pero hindi pa rin ito naibabalik.


◘◘◘


HINILING naman ng lider ng Digital Pinoys sa Kamara at Senado na imbestigahan ang backdoor entry ng Grab sa motorcycle taxi.

Dahil mistulang monopoly, maaaring makaranas ng “overpriced” ang mga mananakay.


Naghihingalo na ang mga pasahero, sinusupsup pa ng mga buwitre ang natutuyot na dugo.


◘◘◘


DAPAT na ring imbestigahan ang mga nasa likod ng Expanded Parking Scheme.


Ibina-“bangketa” ang budget, isang modus ito, tulad sa iskandalo ng Fertilizer scam noong 2004.

Kahanay din ito ng NBN-ZTE Deal noong 2007, ang Pork Barrel Scam noong 2013, at ang Parking Scheme noong 2019.


◘◘◘


NABATID na umaabot ang nadarambong na P700 bilyon kada taon, katumbas ng 20 percent ng total budget appropriation ng bansa.


P20 sa bawat P100 ay nauuwi sa bulsa ng mga buwaya.

Ibinunyag mismo ni Sen. Alan Peter Cayetano ang bagong modus na “Expanded Parking Scheme” na minamaniobra umano ang pondo ng DPWH.


◘◘◘


SA dating porma ng parking scheme, medyo mas maliit ang halaga at madalas ay sa bicam na ito nangyayari.


Pero, ngayon — sa National Expenditure Program (NEP) pa lang ay nakasalang na ang “parking fund” bago maihain sa Kongreso.


◘◘◘


MAY mga distrito na babawasan ang allocation “by as much as 90 percent, para malapitan sila at sasabihang ibabalik ang pondo pero may favored contractor na ang mga operator na ito.


Inobasyon sa “pork barrel”?

◘◘◘


SINO kaya ang “Bagong Napoles”?


May makakasuhan kaya at makakalaboso na malalaking isda?

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 15, 2022


BALIK-ESKWELA na ang mga estudyante at titser.


Hindi pa rin humuhupa ang mga “marites” sa faculty room sa isyu ng overpriced laptop para sa mga public school teachers.


◘◘◘


POKUS kasi ang Senate Blue Ribbon committee sa isyu ng “pricey and outdated” laptop ng DepEd.

Idinepensa ng DepEd officials na hindi lang unit ang binili kundi “add-on” o software apps.


Kasama na rin umano ang technical supports.


◘◘◘


MAYROON din na replacement at extended warranty period sakaling masira ang units.

Nakahanda namang magpaliwanag ang mga kasama sa joint ventures.


◘◘◘


ANG JV ng Sunwest Construction and Development Corp., LDLA Marketing and Trading Inc. at VST ECS Philippines Inc. ang nag-secure ng kontrata.


Nilinaw ng LDLA Marketing, na nakipag-partner sa kanila ang mga corporate brands sa ICT industry tulad ng Microsoft, Dell, Cisco, FireEye, Darktrace at Informatica.


◘◘◘


MAY project ang LDLA sa Smart Campus ng Mindanao State University (MSU), kung saan mahigit 10,000 estudyante at 5,000 guro ang nabenepisyuhan ng ICT modernization program.


Bahagi rin sila ng Road Safety Interactive Center ng Land Transportation Office (LTO) at Information Technology Hub na technical database at IT infrastructure ng LTO.


◘◘◘


TALIWAS sa ilang ulat, hindi naman

“unknown” ang LDLA sa information and communications technology (ICT).


Tama lang na magkaroon ng imbestigasyon upang lumutang ang katotohanan at matukoy kung ano ang motibo ng sinasabing alingasngas.


◘◘◘


MARAMI pa rin ang nagrereklamo sa mabagal na koneksyon ng internet sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa Metro Manila lamang at karatig nakapokus ang mabilis na signal.

Pero sa mga lalawigan, kunsomido ang mga subscriber.


Halos hindi naman nakakatulong ang “third telco”.


◘◘◘


MAHALAGANG makapasok ang mga foreign investors sa internet connections, lalo na ang satellite signal.


Kailangan ang inobasyon, capital at malalaking negosyante.


◘◘◘


IBINUBUNYAG sa ilang ulat na ang Indonesia ay gumagamit ng “dummy” upang makontrol ang malalaking industriya sa bansa.


Bakit walang nag-iimbestiga?


◘◘◘


DIRETSO lang ang pagresolba sa krisis sa asukal.


Matamis na isyu 'yan.


◘◘◘


MARARAMDAMAN at matitikman natin kung totoo o hindi ang mga depensa ng mga sangkot sa importasyon.

Sa 2023 pa natin malalasahan o mararanasan ang “mapait na katotohanan”.


Puwede ring sabihin na “matamis” ang posibleng resulta ng imbestigasyon.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 10, 2022


MAHALAGANG mapasigla ang pagkilos ng mamamayan sa 43,000 barangay sa buong bansa.


Ito ang ipinatupad ni dating Pangulong Marcos sa panahon ng kanyang termino.


◘◘◘


MALAKI ang papel na ginagampanan ng DILG sa pagpapasigla sa mga barangay.


Natutuwa tayo na malamang itinalaga bilang assistant secretary si Beth De Leon na anak ni Heneral Pacifico de Leon, ang huling heneral na nanatili sa Malacañang nang kunin ng helikopter ng US si dating Pangulong Marcos noong Pebrero 25, 1986.


◘◘◘


NAUUNAWAAN ni De Leon ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga organisadong grupo sa kasuluk-sulukan ng bansa.


Mahalagang paaktibuhin at muling iorganisa ang Barangay Brigades

Nakatutok ang Barangay Brigades sa 11 basic needs.


◘◘◘


ANGKOP na angkop ang reorganisasyon ng Barangay Brigades na magsisilbing kamay ng gobyerno sa pagresolba ng krisis.


Dapat din isabay dito ang pagpapasigla ng dating Kabataang Barangay na ngayon ay kilala bilang Sangguniang Kabataan (SK).

◘◘◘


ISABAY na rin ang reorganisasyon ng 4-H Club na nasa ilalim ng Department of Agriculture; Pagasa Youth Movement Na nasa ilalim ng DSWD; at Agrarian Reform Beneficiaries Association(ARBA) at ang mismong Samahang Nayon.


Ang mga organisasyong ito ang mismong pantapat ng pamahalaan sa mga left-leaning organization.


◘◘◘


MAS mainam sana ay pamunuan ni Asec De Leon ang pagpapasigla ng mga organisasyong katuwang ng pamahalaan sa pag-unlad at pagkontra sa krisis.


Maaaring makatuwang dito ang KB-NMYC na ngayon ay kilala bilang TESDA na magbibigay ng skills training bilang main activity at programa na siyang pagtutuunan ng bawat organisasyong ito.


Magagamit naman ang KB/SK sa pagbibigay ng aktibidad sa kabataan upang maiwasan ang pagkagumon sa ilegal na droga, sugal at iba pang bisyo sa pamamagitan ng mga barangay-based sports program, leadership training, language learning at socio-cultural activities.


◘◘◘


GAMITIN ang sitwasyon sa pandemic tungo sa positibong pagkilos upang maibsan ang depresyon at stress na nararanasan sanhi ng krisis.


Napakahalaga ng papel ng DILG at barangay sa pagsugpo ng mga krisis.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page