top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | September 20, 2022


NASA Amerika na si Pangulong Marcos, Jr.

Hindi natin akalaing nakabalik sa Malacañang si Marcos, Jr.


Isang paniwalaan-dili, pero totoo at ngayon ay nasa US na ulit siya.


◘◘◘


MARAMING kakaibang pangyayari ang posibleng maganap.

Isa na ang pagbabalik sa presyong P20 kada kilogramo ng bigas.


◘◘◘


SA panahon ng Marcos, Sr. administration, direktang kinontrol ng gobyerno ang presyo at suplay ng “retail” ng bigas.

Ginawa ito sa pamamagitan ng “NGA”.


Ito ang pagbuo ng National Grains Authority (NGA)—ngayon at NFA—National Food Authority.


◘◘◘


SIMPLE lang ang taktikang ginawa ni Marcos Sr.


Hinugot niya bilang hepe ng NGA ang Bulakenyong si Jess Tanchangco.


◘◘◘


NAGLAGAY ng mga bodega ng bigas kada probinsya ang NGA.


Pinakyaw nito ang palay mula sa magsasaka sa “tamang presyo” at kiniskis o giniling sa mga NGA warehouses.


◘◘◘


OPO, may malaking bodega ang NGA sa mga strategic places.

Hindi lang 'yan, pinarami ng NGA ang kanilang personnel at nag-hire ng ordinaryong tao upang mag-REPACK.


Opo, aktwal na nag-repack ang NGA—at ibinenta ito sa merkado nang per-kilogramo, isang supot kada 5 kg; supot kada 10kg, supot kada 25kg.


◘◘◘


IBINENTA ang “repack NGA” rice sa mga palengke gamit ang NGA-accredited store kasama na ang libu-libong Kadiwa Store sa mga barangay.

Aktwal pong higit na mababa ang “NGA rice” kumpara sa commercial rice.


◘◘◘


KUNG may pondo ang TUPAD, Conditional Cash Transfer, ayuda sa drayber, ayuda sa transportasyon o obrero — eh, bakit naman hindi makakaya ang “subsidy” sa presyo ng bigas?


Hindi ba, bilhin sa maayos na presyo ang palay ng mga magsasaka—at ibenta ito sa “NFA-accredited retail store” sa halagang P20 kada kilo.


Hindi 'yan imposible.


◘◘◘


NAGAWA ng Matandang Marcos, eh, bakit hindi magagawa ng Batang Marcos?


Kailangan lamang ay magtalaga ang Malacañang ng matinong “hepe” ng ahensya na ang tutok lamang ay mamakyaw ng palay, magpa-giling nito, mag-repack at maibenta sa P20 kada kilo sa palengke at maliliit na sari-sari store.


◘◘◘


PUWEDENG magbuo ng “Presidential Arm” o Presidential Task Force ang Malacanang sa simpleng mithiin na maibenta ang bigas sa P20 kada kg sa ordinaryong tao.


Makapagbibigay pa ng libu-libong trabaho sa mga lalawigan at munisipalidad, mapapababa ang presyo at sisigla ang taumbayan.


◘◘◘


KUNG imported rice, direkta rin itong ipa-repack at ibenta nang mas mura sa ordinaryong mamamayan.


Siyempre, dapat italaga ni Pangulong Marcos, Jr ay hindi korup o mandarambong para pangasiwaan ang distribusyon ng “abot-kayang bigas”.


◘◘◘


GANYAN din sa asukal, puwedeng isabay sa “murang bigas” ang “murang asukal”—at magkasabay itong ire-repack at maibenta sa mga government-accredited store” sa mga palengke at sari-sari- store.


Simple lang, hindi ba?

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 18, 2022


INILIPAT na ni P-BBM ang hurisdiksyon ng TESDA mula sa DTI patungo sa DOLE.


Kilala ang TESDA bilang Technical Education and Skills Development Authority.


◘◘◘


SA totoo lang, ang TESDA ay binagong pangalan lamang ng dating KB-NMYC o Kabataang Barangay–National Manpower and Youth Council.


Nang mawala si dating Pangulong Marcos ay binago lamang ang pangalan ng KB-NMYC na ang main headquarters ay nasa Taguig City.


◘◘◘


ORIHINAL na nasa ilalim ng DOLE ang KB-NMYC kung saan unang tinawag itong NMYC na siyang sentro ng skills training.


Upang maparami at mapasigla ang recruitment process o magkakaroon ng massive participation ang kabataan, isinanib dito ang puwersa ng Kabataang Barangay (KB).


◘◘◘


SA panahon ni dating Pangulong Marcos, Sr. ang technical training ay nasa ilalim ng NMYC, pero ang recruitment process ay katuwang ang KB.


Sa Region 3, ang KB-NMYC ay nasa Tabang, Guiguinto, Bulacan—kung saan dito unang isinagawa ang libreng computer training sa noong huling bahagi ng dekada '70s.


◘◘◘


PINANGANGASIWAAN ni dating KB Regional coordinator Emil Mendoza, katuwang ang executive assistant niya na si Sonia Tolentino sa pagre-recruit ng kabataan sa bawat barangay sa Bulacan upang mabigyan ng libreng pagsasanay sa KB-NMYC sa Tabang.


Bukod dito, nagsasagawa rin ng “in-campus” at off-campus o mobile training ang KB-NMYC sa Bulacan.


◘◘◘


KATUWANG ng KB-NMYC sa libreng pagsasanay ang mga KB officials na nanunungkulan sa bawat bayan at barangay sa Bulacan.


Sa ngayon, walang ganyang proseso o massive implementation ng programa ang TESDA.


◘◘◘


ISA sa aktibong opisyal ng DOLE na nangasiwa sa KB-NMYC ay si Bernie Ople, kapatid ni ex-Senate President Blas Ople at ama ni Susan Toots Ople na kalihim ng Department of Migrant Workers.


Isang malaking paghamon kay Toots Ople na ibaba sa barangay-level ang serbisyo ng TESDA, kung saan makakatuwang nito ang mga LGU units sa recruitment at skills training na “barangay area” ang lugar ng pagsasanay.


◘◘◘


IMBES na lustayin sa “accredited institution” ang budget, dapat ibaba sa mga barangay ang pagsasanay.


Mas marami ang makikinabang dito at maiiwasan ang “ghost contract” sa mga kaduda-dudang skill training institution.


◘◘◘


MAS mainam din na isama sa kurso ng TESDA ang foreign language course, kung saan turuan ang kabataan na gumamit ng English, Spanish, Chinese, Nippongo at iba pang lengguwahe bilang preparasyon sa trabaho sa ibang bansa at maging sa “call center industry”.

Mas mapagbubuti ni Ople ang serbisyo ng TESDA kung makikipag-partner sila sa Sangguniang Kabataan at sa LGUs.


Isang mungkahi ito na puwedeng ipagtupad nang mabilisan at walang tse-tse-buretse.



 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 17, 2022


BUBUKSAN na ang nominasyon sa pagiging pangulo ng University of the Philippines (UP).


Ipinagdarasal nating makapili ang Board of Regents ng matapat, matalino at may mabuting track records na magiging bagong UP President.


◘◘◘


ITINUTURING na No. 1 unibersidad sa Pilipinas ang UP — malayo ang agwat sa Ateneo, DLSU at UST.


Nakasalalay ang nominasyon ng sinuman sa matinong paghahalal ng bagong UP president.


◘◘◘


MAHALAGANG maging modelo ang UP sa patas at walang kinikilingan pagpili ng bagong president.


Hindi dapat mahaluan ng maruming pulitika ang pagpili ng bagong pangulo ng No.1 unibersidad sa bansa.


◘◘◘


SA panahon ng modernisasyon, kailangan natin ang mga bagong lider na may patas na pagtrato kaninuman at may matalas na pananaw sa hinaharap.


Mahalaga rin ang sapat na karanasan sa larangan ng pagtuturo sa loob at labas ng bansa.


◘◘◘


MARAMING isyu sa UP at kailangan dito ay matapat, matalino at iginagalang na lider ng unibersidad.


Ipagdasal natin makapili ang board of regents ng lider na magpapaibayo ng integridad ng UP system upang mapahanay ito sa pinakamagagaling na unibersidad sa daigdig.


◘◘◘


PINALAKI nang todo ang badyet ng DepEd.


Sana ay magamit ito sa epektibong programa.


◘◘◘


ISANG malaking paghamon din ang seryosong pagpapaibayo ng farming industry.


Sana’y isulong ang inirerekomenda nating “massive industrialization” ng pagsasaka sa bansa.


◘◘◘


ANG pagsusulong ng industrial grade farming at ibayong pagpaparami ng suplay ng bigas at iba pang produktong agricultural.


'Yan lamang ang tanging epektibong diskarte sa pagpaparami ng suplay at direktang pagbibigay ng trabaho at pagkikitaan sa mga pobreng magsasaka.


◘◘◘


NAGBA-BACKSLIDE ang ilang kapulisan.


Naaalala natin ang husay at galing ni ex-PNP Chief Gullermo Eleazar.


◘◘◘


MAHALAGANG makabalik ang pambansang pulisya sa katinuan.


Kailangan ang malawakang balasa, monitoring at pagkilos ng pambansang pulisya.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page