top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | December 5, 2022


Alam ba ninyong magbobotohan ngayong linggo ang Board of Regents (BOR) ng University of the Philippine (UP) upang mapili ang susunod na UP president?


May 11 miyembro ng BOR—at tinukoy na ang mga nominado o aspirante sa posisyon.


◘◘◘


SA mga nagdaang buwan, may nagdududa sa kakayahan ng UP system na maging No.1 unibersidad sa bansa karibal ang Ateneo at DLSU.


Dahil d’yan, ang botohan ng BOR ay maselang isyu ngayon.


◘◘◘


KAILANGANG makakuha ng majority vote o anim na boto mula sa 11 miyembro ng BOR—upang maideklarang panalo na papalit sa outgoing UP President na si dating Kabataang Barangay Valenzuela City Federation President na si Atty. Danny Concepcion.


Tulad sa ordinaryo o tradisyunal na eleksyon, hindi maiiwasang mabahiran ng pulitika ang paghahalal sa UP President.


◘◘◘


SANA ay makalaya ang 11 miyembro ng BOR sa bahid pulitika, kung saan mayroong ding lihim na “manok” ang ilang pulitiko.


Sa kabilang panig, malakas din ang tradisyunal na impluwensya sa naturang halalan ng “fraternity o brotherhood” lalo pa’t UP ang pinag-uusapan.


◘◘◘


ALAM nating kapag ang nagdikta sa eleksyon ay “fraternity” o “pulitika”—naisasakripisyo nito ang pinakakuwalipikadong nominado.


Ang tradisyunal na impluwensya ng “fraternity” at “pulitika” sa UP system ay dapat maiwasan—at nakasalalay ito sa kamay ng 11 miyembro ng BOR.


◘◘◘


MAS mainam sana ay magkusa ang 11 BOR na talikdan ang impluwensya ng “fraternity” at “pulitika”—alang-alang mismo sa pinakamamahal nilang Unibersidad ng Pilipinas.


Mahalagang maghalal ng pinakakuwalipikadong nominado ang BOR ngayong linggo.


◘◘◘


TULAD sa tradisyunal na pagpili ng Santo Papa sa Vatican City, kailangan ang anim na boto mula sa 11 BOR bago ideklarang panalo ang nominado.


Hindi puwede ang plural vote, tulad ng boto na tinanggap ni dating Pangulong FVR, kung saan higit na marami ang hindi bumoto sa kanya, kaysa sa bilang ng direktang bumoto.


◘◘◘


KUNG sakaling sa unang bugso ng botohan ay walang kandidato na nakakuha ng sapat na anim na boto, uulitin ang pagboto hanggang sa makuha ang mayorya.


May natanggap tayong impormasyon na mahigpit ang girian ng mga nominado, kung saan lalaro sa tatlo hanggang apat na boto ang manok ng “fraternity”; tatlo hanggang apat na boto ang posibleng sumuporta sa “lihim na pulitika”—at tatlo hanggang apat na boto rin sa neutral o nominado na hindi nababahiran ng “fraternity o pulitika”.


◘◘◘


KUNG sakaling mag-deadlock at ulitin ang botohan, ipagdasal nating mamulat ang mayorya ng BOR at suportahan ang pinakakuwalipikadong kandidato na “professor emeritus” na may sapat na karanasan sa pagtuturo sa UP at sa ilang unibersidad sa ibang bansa.


May karanasan sa industriya o praktisado sa kanyang propesyon.


◘◘◘


ANO’NG ibig sabihin ng “professor emeritus”?

Sa Ggoogle, ito ang lalabas na kahulugan: “A lifelong designation that recognizes achievements of those with meritorious records”.


Sino ba sa mga nominado ang ginawaran mismo ng BOR ng “professor emeritus” ?


◘◘◘


HINDI ba dapat magkaisa ang mga taga-UP na suportahan ang may Professor Emeritus upang mapasigla at magkaroon ng ibayong inobasyon sa UP system—batay sa akademya, bihasa sa pagtuturo at pagkadalubhasa sa propesyon?


Talikdan na natin ang impluwensya ng fraternity at pulitika sa pagpili ng UP President—maawa tayo sa ating mga apo at apo ng mga apo natin na mag-aaral sa mahal nating unibersidad!

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | December 2, 2022


DISYEMBRE na.


Ngayon ay anibersaryo ng ating pinakamamahal na pahayagan, BULGAR.


◘◘◘


SAKSI ang ating pahayagan sa aktwal na kasaysayan ng bansa.


Nalampasan nito ang pinakamatinding pagsubok sa buhay—ang COVID-19 pandemic.


◘◘◘


NANANATILING No.1 ang BULGAR na mistulang may bertud at agimat.

Ang sikreto, siyempre ay ang Panginoong Maykapal at ang aktwal na suporta ng mga mambabasa at lahat ng nilalang na kaakibat ng produksyon, editorial, marketing at ngayo’y online community.


Ipinaabot natin sa inyong lahat na ating mambabasa at sa ating lahat ang MALIGAYANG ANIBERSARYO!


◘◘◘


KINALTASAN ang presyo ng produktong petrolyo.


Isang himala!


◘◘◘


IBINABABALA naman ang pagtaas sa singil sa konsumo ng elektrisidad.


Isang malaking delubyo!


◘◘◘


KAHIT ang water interruption at mataas na singil sa konsumo ng tubig ay tiyak na hindi makaliligtas sa 2023.


Bakit hindi ito ginagawan ng paraan ng mga awtoridad?


◘◘◘


WALA pang kongretong programa o diskarte ang Marcos, Jr. administration kontra sa talamak na graft and corruption.


Ang pagdarahop at kakapusan ng pondo ng gobyerno—ay malulutas, kapag ipinatupad ang seryosong programa laban sa pagnanakaw ng pondo sa gobyerno.


◘◘◘


BAKIT walang nagbabantay sa pondo ng barangay at LGUs?

Saan napupunta ang koleksyon sa pagkuha ng mga permit, bayad sa parking, palengke, talipapa at iba pa?

Bakit malayang nagti-ticket ang mga “parking boys”?


Negosyo ba ‘yan, tipong “raket”—ang koleksyon ay batay sa “quota”?


◘◘◘


KAPAG napunta mismo sa “treasury” ang koleksyon ng barangay at LGUs, bilyun-bilyong piso ang maililigtas mula sa “garapalang graft and corruption”


Dapat palakasin ang poder ng Commission on Audit!


◘◘◘


KAKAMBAL ng paglaban sa corruption ay “auditing procedures”.

Kapag tumanggap ng tongpats ang mga government auditors—hindi masusugpo ang graft and corruption.


Ganun lang ‘yan kasimple!



 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | December 1, 2022


INAAPURA na ng Marcos, Jr. administration ang paggamit ng nuclear energy.


Kung makalulusot ang pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, mapakikinabangan ito sa loob ng termino ni P-BBM.


◘◘◘


BUKOD sa BNPP, makikipag-usap din ang gobyerno sa South Korea, France, China at US upang makaangkat ng kagamitan at makinarya na magagamit sa small modular nuclear reactor.


Ibig sabihin, desidido si P-BBM na pababain ang singil sa konsumo ng elektrisidad.


◘◘◘


KAPAG bumaba ang presyo ng kuryente, aba’y awtomatik na bababa ang gastusin sa pagnenegosyo at maging gugulin sa lahat ng tahanan at negosyo.


Hindi lang giginhawa ang buhay, bagkus ay maaakit ang mga foreign investors na magnegosyo sa loob ng bansa.


◘◘◘


KUNG magtatagumpay, ang simpleng paggamit ng nuclear energy ay isa nang napakalaking achievement ng Marcos, Jr. administration.


Ipagdasal nating hindi ito mabulilyaso ng mga kritiko at tuta ng mga dayuhang kapitalista.


◘◘◘


BUMABA nang P4 ang presyo ng diesel.

Aba’y masasabay ito sa Kapaskuhan.

Magandang regalo ito sa mga motorista.


◘◘◘


BUMABA ang presyo sa world market ng petrolyo dahil nabawasan ang demand mula sa China.


Dumaranas ng malawakang lockdown sa China.


◘◘◘


INAATAKE na naman sila ng COVID at nakasarado ang maraming negosyo rito.


Unti-unti na rin nagbabaklas ng negosyo mula sa China ang mga foreign investors.


◘◘◘


TAG-ARAW na.

Ito ang tamang panahon ng paglilinis ng mga kanal laban sa matataas na baha sa panahon ng tag-ulan.


Ereng LGUs at barangay ay nagtatamad-tamad pa rin.


◘◘◘


NGAYONG tag-araw ang angkop na panahon para paghandaan ang “tag-ulan”.

Kung kailan umuulan ay saka sila gumagawa ng paraan konta baha.


Senyales ng kamangmangan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page