- BULGAR
- May 18, 2024
ni Ka Ambo @Bistado | May 18, 2024

Nagtagumpay daw ang flotilla ng mga sibilyan tungo sa West Philippine Sea.
Klap, klap, klap!
-----$$$--
ANG soberanya ay hindi naipapakita sa prusisyon o parada.
Ang soberanya ay pinatitibay ng pagdidilig ng dugo ng mga martir.
-----$$$--
MAS aantayin natin na mag-flotilla sa WPS ang magagarang kumpit ng mga Muslim.
Tiyak na hindi sila aatras sa mga panakot na barko ng mga Tsino.
-----$$$--
MAKUKULAY ang kumpit ng mga Muslim, mas magandang i-vlog ito sa buong mundo.
Hindi puwedeng pigilin ng mga Tsino ang mga Muslim, tulad din namang hindi nasakop ng sinumang dayuhan ang Mindanao.
----$$$--
DAPAT nating maunawaan kung ano ang ordinaryong kahulugan ng “bully”. Ang bully ay angkop na kataga sa mga duwag.
Parehong duwag ang mga nambu-bully at nabu-bully.
-----$$$--
MALALAMAN lamang ang matapang kapag nagkasuntukan na.
Hindi pinag-uusapan dito kung malakas o mahina, o kung may bukol o wala matapos magsuntukan.
Ang pinag-uusapan dito ay pagpaparamdam na handang “magbuwis” ng buhay ang bawat panig.
-----$$$--
KAPAG hindi natakot na mapugutan o magbuwis ng buhay ang mga mananakop tulad ng sinapit ni Magellan, doon natin matutukoy na hindi sila “nambu-bully”.
Kapag hindi natakot na magbuwis ng buhay ang sinuman na kasama sa flotilla o backers nito, iyan ang tunay na pagtatanggol sa soberanya.
----$$$--
SA sinaunang panahon, ang sinumang sundalo na umuwi nang buhay matapos ang digmaan ay isang kahihiyan sa pamilya.
Ang bangkay ng mga sundalong nasawi sa digmaan ay isang karangalan sa pamilya at sa bansa, ipinagpipiyesta ito ng 40 araw.
-----$$$--
HINDI sa debate, hindi sa dakdak, hindi sa propaganda ipinadarama ang pagdedepensa sa soberanya.
Ang pagtatanggol sa soberanya ay maaari lamang magawa sa kahandaan na magbuwis ng buhay.
---$$$--
ANG pagbubuwis ng buhay para sa soberanya ay hindi malungkot na eksena ng buhay, hindi ito isang kabiguan.
Ang pagkakaroon ng martir sa West Philippine Sea ang magpapatibay ng ating pag-angkin sa naturang teritoryo.
-----$$$--
HINDI barko-de-giyera, hindi missile, hindi armas de giyera ang ginagamit na pagdedepensa sa soberanya, bagkus ay sariwang dugo ng mga martir.
Kapag walang martir, asahan ang normal na pagdating ng mga mambu-bully.
-----$$$--
ANG gamot at pangontra sa bully ay hindi ang paghanap ng kasangga sa mga dayuhang may mas malalakas na puwersa.
Ang pinakaepektibong pangontra sa bully ay ang wagas na pagbubuwis ng buhay ng katutubong lahing naninirahan sa naturang teritoryo.
----$$$--
Kailangan natin ang maraming “Lapulapu” sa West Philippine Sea.
Mahirap bang i-memorize ‘yan?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




