- BULGAR
- Sep 22, 2025
ni Ka Ambo @Bistado | September 22, 2025

Hindi petsang bente-uno (21) de Setyembre, naramdaman ang deklarasyon ng Batas Militar ng ordinaryong mamamayan, bagkus ay petsang bente-dos (22).
Nilagdaan nang sikreto ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation 1081, at lihim itong ipinatupad sa dilim ng gabi at lihim na operasyon.
----$$$--
PETSANG bente-dos nang bumalik ang programa sa mga telebisyon at radio kung saan biglang sumungaw ang batambatang mala-tinedyer na si Francisco Tatad — ang kalihin ng Kagawaran ng Impormasyon.
Sa gitna ng pananabik, binasa ni Tatad nang pormal ang deklarasyon ng Martial Law at kung bakit ito idineklara.
----$$$--
MAKIKITA natin ang papel ng kabataan — sa magkakasalungat na panig — maka-Marcos at anti-Marcos.
Taliwas ito sa impresyon na ang hanay ng mga kabataan ay kontra-Marcos lahat.
----$$$--
Tulad ngayon, hinahamon ni dating Governor Chavit Singson ang hanay ng kabataan na pumagitna at mag-alsa laban sa pamahalaan.
Pero, siya rin ang nagsabi na ang mga kabataan ay dapat kumilos at makialam — pero siyempre, ang mga kabataan ay nag-iisip nang patas — at hindi nagpapadikta o nagpapa-brainwash sa mga pulitiko.
----$$$---
HAYAAN nating mag-isip, magsaliksik at magdesisyon ang mga kabataan — hindi natin puwedeng idikta sa kanila — kung ano ang lumalabas na impormasyon sa mainstream media at maging sa social media.
Maraming palsipikadong impormasyon sa mainstream media at maging sa socmed — at higit na nakakaunawa nito ay ang hanay ng kabataan — partikular ang Gen-Z na may tiga-tigatlong gadgets — cellphone, laptop at personal computer.
-----$$$--
MATATALINO ang mga kabataan ngayon, higit sa mga nagdaang hanay ng mga kabataan, sapagkat ang lipunan ngayon ay ibang-iba na kaysa sa nagdaang lipunan.
Huwag nating husgahan o ituring na mangmang at walang alam ang hanay ng mga kabataan — may sarili silang disposisyon, higit sa mga matatandang batbat ng korupsiyon ang kultura at nakamihasnan.
----$$$--
HUWAG basahin o ianalisa ang sitwasyon ngayon, batay sa padron o hulmahan o panukat batay sa nagdaang henerasyon.
Bagumbago na ang henerasyon ngayon.
----$$$--
SA totoo lang, sa ayaw o sa gusto ng mga nagdudunungan na “matatanda” na nag-aakalang monopoly nila ang talino, ideya o konsepto ng lipunan — lipas na lahat ‘yan.
Hindi na angkop ang mismong karanasan, edukasyon at maging ideya ng “matatanda” dahil sila ay nabuhay nang “nalublob” sa burak at mabahong lipunan ng korupsiyon.
----$$$--
WALANG malinis diyan, naglilinis-linisan lamang.
Across all levels of government — ang corruption.
Mula SK, barangay, munisipalidad, siyudad, probinsya, rehiyon, lahat ng department, Kongreso at Malacanang — ay malinaw na may bahid ng ‘korupsiyon’.
----$$$--
KAHIT magpalit-palit ng opisyal ng gobyerno at ipuwesto ang mga nagdudunung-dunungan at naglilinis-linisang kritiko at oposisyon — hindi rin masusugpo ang korupsiyon.
Ang korupsiyon ay may iba’t ibang anyo at walang kamatayan ito gaya ng “kuwentong aswang”.
----$$$--
ANG malawakang protesta ay epekto ng maniobra ng mga “lihim na kamay” na may kanya-kanyang political agenda.
Unawain natin na hindi lang ang Pilipino ang nais makontrol ang sariling gobyerno, bagkus ay maging ang mga dayuhan.
-----$$$--
MAS gusto ng mga dayuhan ay batbat ng korupsiyon ang Republika ng Pilipinas, dahil mas madali nilang madidiktahan.
Ibig sabihin, hindi lang ang mga mandarambong ang dapat iprotesta, bagkus ay maging ang panghihimasok ng mga dayuhan.
----$$$--
SAKALING mamana ni Marcos Jr. ang sinapit ng kanyang ama, hindi tayo nakakatiyak na mabubura ang korupsiyon — tulad din naman ng mga ipinangako ng grupo na nagpabagsak kay Marcos Sr. — mas naging grabe ang katiwalian — at ngayon ay nagrurok sakto sa administrasyon ng kanyang anak.
Korupsiyon ang isyu laban sa Marcos Sr. — pinalitan siya ng iba’t ibang pangulo — naresolba ba ito, o mas lumala at naging grabe?
----$$$--
NGAYON, nais pabagsakin si Marcos Jr., mareresolba ba ang corruption?Malinaw na hindi!
Eh, bakit ka nasa gitna ng kalsada?
Hindi mo sinasadya, naibuyo ka – ng mga lihim na kamay ng mga dayuhan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




