top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 28, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Inihatid na sa huling hantungan ang labi ni Pope Francis.

Nagluksa ang buong mundo, lalo na ang mga Pinoy.


----$$$--


Llamado si Cardinal Luis Antonio Tagle na maging kauna-unahang Santo Papa mula sa pinakamalaking kontinente — ang Asya.

Sa Asia, ang Pilipinas — ang tanging Catholic nation.


----$$$--


MASASABI natin ang Pilipinas, ang Israel sa Asia.

Tulad ng Israel, suportado nang todo ng US ang Pilipinas.

Iyan ba ay destinasyon o suwerte-suwerte lang?


----$$$--


HUWAG ka, tulad sa Israel, hindi natitigil ang giyera at kaguluhan — ‘yan din ba ang magiging kapalaran ng Pilipinas?

Iyan ba ay isang prediksyon?


----$$$--


HABANG nagsasagawa ng joint military exercise ang US at Pilipinas, dumikit ang flotilla ng dambuhalang aircraft carrier ng China.

Ilang saglit lang, dumating naman ang mas dambuhalang Seven-Fleet ng US.

Aktuwal na praktis ito ng mobilisasyon sa panahon ng aktuwal na digmaan.


----$$$--


NOONG World War II, halos dalawang taong naokupa ng Japanese Imperial Forces ang teritoryo ng Pilipinas.

Halos 2 taon bago nakabalik at naisalba ng US ang Pilipinas.


----$$$--


HALOS dalawang araw lang ay nakadepensa at postura na ang US aircraft carrier kontra sa aircraft carrier ng China.

Ibig sabihin, sakaling magkagiyera sa West Philippine Sea, sa loob lang ng 2 oras


— nandito sa Pilipinas ang panaklolo ng mga Kano.


----$$$--


SA totoo lang, hindi dalawang oras bago makasaklolo ang US sa ‘Pinas, bagkus ay aktuwal nang nasa loob ng teritoryo ng bansa ang kanilang puwersang military.

Nasa Pilipinas na ang 2 sopistikadong missile launcher at destroyer ng US.


----$$$--


KUNG may pinakamalaking achievement ang Marcos Jr. administration, ito ay ang postura sa pagdedepensa ng soberanya.

Maibibigay natin ang kredit sa bar topnotcher na si Defense Secretary Gibo Teodoro.

Maliban kay Gibo, mayroon pa bang outstanding cabinet member si PBBM?

Sumagot kayo.


----$$$--


TUMPAK ba ang P20 kada kilo ng bigas na ipinopropaganda upang maibsan ang krisis?

Hindi po.


Simpleng propaganda lang na sumisira sa kredibilidad ng gobyerno.


----$$$--


KAPAG nag-i-import ng bigas, kasingkahulugan niyan ay may “shortage” sa suplay.

Ang solusyon ay hindi importasyon, bagkus ay malawakang pagtatanim.


----$$$--


DAPAT ay gayahin ng Department of Agriculture ang Department of National Defense.

Kung namamakyaw ng military hardware si Gibo, dapat ay namamakyaw ng heavy equipment na pambungkal ng panot ng bundok at idle lands ang DA.

Ibig sabihin, massive ang pagbubungkal ng lupa upang maging ricelands — para magkaroon ng surplus sa suplay ng bigas tulad sa panahon ni Marcos Sr.


----$$$-


BINAWASAN ng ekta-ektaryang industrial, commercial at housing complex ang agricultural lands pero hindi nila dinagdagan ang bukirin na dapat mataniman ng palay.

Hindi mapipigil ang industriyalisasyon kaya’t ang solusyon ay gawing productive ang mga bundok na pinanot ng mga illegal loggers.


----$$$


KAPAG binungkal ang mga bundok, masisilayan natin ang napakaraming “Banawe Rice Terraces” na winasak na rin ng modernisasyon.

Mapapalitan ang “Banawe” ng higit na malalawak at matulaing mga tanawin sa Luzon, Visayas at Mindanao!

Darami ang bigas, magkaroon ng trabaho ang mga nasa liblib na pook at rural areas!


----$$$--


BOLD ang konseptong iyan, pero iyan ang aktuwal na solusyon sa isang kritikal na sitwasyon.

Kapag binungkal ang mga idle lands, magkakaroon ng trabaho ang mga magsasaka at ang mga kabataan ay gaganahang kumuha ng kursong pang-Agrikultura.


----$$$-

SA DND, dagsa ang mga kabataang nag-a-apply na maging sundalo kaya’t dapat ay dagsa rin ang mga kabataang nais maging “agriculturist”.

Mas mahirap maging sundalo, kaysa maging government field workers sa larangan ng agrikultura.


----$$$--


TAGUMPAY si PBBM sa DND, bigo siya sa Agriculture.

Mauntog sana siya at i-overhaul ang DA.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 25, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Paulit-ulit nating binabanggit sa espasyong ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng disposisyon.


Ang tunay na lider ay dapat may kakayahang magdesisyon -- anuman ang mga epekto nito sa personal niyang buhay at buhay ng malalapit sa kanya.


----$$$---


SA aktuwal, iyan mismo ang isyu sa Pasig City dahil tila hindi makapagdesisyon si Mayor Vico Sotto upang madisiplina ang mga miyembro ng city council.


Maaaring umiiwas siya na mapintasan o magtampo ang ilan niyang kagrupo.

Pero, paano naman ang kanyang mga nasasakupan?


----$$$--


SA totoo lang, mahirap maging lider at siyempre, anuman ang batikos, mahirap ang maging pulitiko.


Kumbaga, sala-sa-init, sala-sa-lamig.

Walang masusulingan — kundi ang magdesisyon.


----$$$--


HINIHILING ng mga residente ng Pasig kay Mayor Vico na kausapin at disiplinahin ang ilang miyembro ng Konseho sa siyudad.



Napapagitna kasi sa ilang kontrobersiya ang ilang opisyal ng siyudad.


----$$$--


ILAN sa mga tinutukoy dito ay kagrupo ni Sotto pero negatibo ang impresyon sa kanila ng mga residente dahil maaskad na ugali at pagkilos.


“Mayor Vico Sotto, bilang isang lider, responsibilidad mo na tiyakin na ang iyong mga kasamahan sa Konseho ay magpakita ng disiplina at respeto. Kailangan ng iyong mga konsehal ng disiplina,” payo ni  Artana sa isang post sa Facebook na “Tatak Pasig.”


----$$$--


NABABAHALA kasi ang ilang residente na maaaring maging grabe ang sitwasyon lalo pa’t nasa katindihan ng kampanyahan.


Kumbaga, kailangan nang ipakita ni Mayor Vico ang kanyang sariling disposisyon — sinuman ang maapektuhan.


----$$$--


MAY sapat pang araw bago mag-eleksyon para maiayos ang kontrobersiya sa Konseho.

Anumang desisyon at aksyon ay papabor sa lahat ng panig partikular sa mga residente ng Pasig.

Tama, malaking tama — kung may desisyon at disposisyon ang mga lider.


----$$$--


Maiinit na ang kampanya.

Sana ay mabawasan na ang kaliwa’t kanang patayan kaugnay ng eleksyon.

Disiplina at moralidad talaga ang kailangan.


----$$$---


SA kasaysayan, ngayon lamang may pinakamainit na labanan sa senatorial race at party list system.

Nagmistulang buwelo ito sa nakatakdang impeachment trial kay VP Sara.


----$$$--


KUMBAGA, preview ang resulta ng senatorial election sa magiging hatol at proseso sa impeachment court.


Kapag mas marami ang anti-VP Sara sa mananalong senador — masisibak siya.

Pero, kapag naging mayorya ng miyembro ng Senado — ay maka-VP Sara — malinaw na absuwelto siya.


Iyan ang ibig sabihin na “ang impeachment” ay isa ring “political exercise” — at hindi isang aktuwal na hukuman.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 22, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Damang-dama ang epekto ng POGO.

Kaliwa’t kanan ang krimen na dawit ang POGO operations partikular sa serye ng mga kidnapping.


----$$$--


PERO, ayon naman sa mga taxi driver at ilang negosyante — matumal ang pasok ng cash dahil nawala ang mga galanteng pasahero na nagtatrabaho sa POGO.

Partikular dito ang mga taxi driver na umiikut-ikot sa Pasay, Parañaque, Las Piñas, Makati at ilang siyudad sa Metro Manila.


-----$$$--


IBIG sabihin, may katotohanan na ang krimen na kakambal ng POGO operations.

Pero, hindi rin maikakaila na may negatibong epekto ito sa ekonomiya.


----$$$--


NAPAKARAMING condominiums, malalaking gusali at mga rental units ang bakante sa maraming lugar na malapit sa POGO operations.

Maraming negosyo ang tumumal.


----$$$---


NAPAKAHIRAP maging lider, hindi natin malaman kung titimbangin ang negatibo at positibong dala ng POGO.

Sa ngayon, mas nakikita ang negatibong epekto ng POGO — at dapat nating igalang ang desisyon ng mga otoridad.


----$$$--

SA kabilang panig, hindi lamang desisyon sa pagsasarado ang dapat ipatupad, bagkus ang implementasyon ng mga programang makakatulong sa mga nakakaranas ng negatibong epekto ng desisyon.


Kung bilyun-bilyong piso ang nawala sa merkado, ibig sabihin, bilyung-bilyong piso ang malulugi sa ilang negosyo — malalaki man o maliliit.


-----$$$--

ITIM ang ginagamit na kulay ni Sen. Imee upang makumbinse ang mga nakakaranas ng negatibong buhay na pumabor sa kanyang kandidatura.


Hindi lang kasi kawalan ng trabaho ang laganap, bagkus ay kriminalidad bunga ng pagdarahop — laganap na pagbabalik ng mga adik at pusher.


----$$$--


WALANG kongkretong programa kundi man, kapos sa publisidad ang gobyerno at pulisya kaugnay ng pagkontra sa kriminalidad.

May listahan ba ang PNP ng mga pusher at adik na nagbalik sa kalye?


---$$$--


Ilan ang naaaresto araw-araw?

Ilan ang ipinapasok na adik sa rehabilitasyon araw-araw?

Bakit walang ganyang datos na inilalabas ang PNP?


----$$$--


KUNG tama ang PNP na mag-update ng kanilang aktibidad sa publiko — bakit walang regular update ang Malacañang laban sa krimen at drug addiction?

Consistent at constant dapat ang labas ng updates sa social media at mainstream media.


----$$$--


Sistema at iskema ang kailangan ng Malacañang at PNP upang matabunan o madaig ang black propaganda ng mga kalaban ng gobyerno.

Dapat ay praktisado at beteranong media practitioner na may “wisdom” ang kailangan ng Malacañang at makatuwang ng PNP sa “media war”.

Hindi puwedeng press-release laban sa “fake news”.


----$$$--


GASGAS na ang ganyang katwiran kontra sa fake news.

Ang paglaban sa pagbaha ng fake news ay “real news” at hindi propaganda -- mga balita --bistadong press release.

----$$$--

BAGO matalo ang fake news, dapat ay maunawaan muna ang pagkakaiba ng “press release” at “real news”.

Nagkakaiba ito sa “structure” kung paano nailatag o nai-compose ang teksto.


----$$$--


ANG taktika ng gobyerno ay magpakalat ng “press release” na isinulat sa porma ng propaganda.

Napakalaking kabulastugan.


----$$$--


SAYANG ang pondo ng gobyerno sa press release.

Sa totoo lang, walang kredibilidad at hindi pinaniniwalaan ang press release.


----$$$--


KAPAG nailabas sa mainstream media ang press release, mapagkakamalang “bayad ang writer, editor at publisher” — kahit hindi totoo at tumutulong lang ang mga ito sa mga “kaibigan” kuno.


Kasabay nito, kapag inilabas sa social media ang “PR” mula sa gobyerno, mapagkakamalang “trolls” ang mga nag-post, nag-like, nag-comment at nag-share.


-----$$$--


DISPALINGHADONG porma ng teksto at konteksto ng “good news” ang ugat ng problema.

Batikang editor ang may kakayahang mag-compose o mag-convert mula sa PR release tungo sa “hard news” bago pakawalan sa mainstream media at socmed.

 

----$$$--


HINDI kuwalipikado at kapos sa karanasan sa paggawa ng “matinong balita” ang mga naitatalaga sa gobyerno.

Ang resulta, nadadaig sila ng pinaniniwalaan nilang “fake news”.


 ----$$$-


LUMANG tugtugin ang fake news — mula pa ‘yan sa panahon ng Ninos Inocentes.

Hindi lang ang Pilipinas ang may ganyang problema, maging ang buong mundo — partikular sa panahon ni Hitler.


----$$$--


ILAN ba ang naitalaga sa Malacañang na may “wisdom” upang makatuwang ni PBBM?

Ang sagot diyan — ay sagot din kung paano lalabanan ang “fake news” — na pinagdidiskitahan nila.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page