top of page
Search

by News @Balitang Probinsiya | September 5, 2024



Maguindanao Del Sur — Apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya (DI) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa lalawigang ito.


Para sa kanilang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang mga sumurender na miyembro ng DI na nakabase sa lalawigan.


Ayon sa ulat, isinuko rin sa mga otoridad ng mga terorista ang mga dala nilang mga armas at pampasabog.


Sinabi ng mga naturang miyembro ng DI na nais na nilang magbagong buhay kaya sumuko sila sa gobyerno.


Isinasailalim pa sa taktikal na interogasyon ang apat na sumukong terorista upang matiyak na bukal sa kanilang kalooban ang pagbabalik-loob sa pamahalaan.



SUNDALO NALUNOD, PATAY 


PALAWAN -- Isang sundalo ng Philippine Marines (PM) ang namatay nang malunod kamakalawa sa dagat na sakop ng Brgy. Poblacion, San Vicente sa lalawigang ito.

Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na pinangalanan ang sundalo.


Ayon sa ulat, kabilang ang biktima sa mga nagsasagawa ng special platoon training sa pamamagitan ng paglangoy sa dagat nang malunod ito.


Nabatid na lumubog sa dagat ang biktima kaya hindi agad ito nasaklolohan ng mga kapwa niya sundalo.


Agad dinala ng kanyang mga kasamahang sundalo ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.



TOP 8 MOST WANTED NASAKOTE


CAPIZ -- Isang top 8 most wanted criminal ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Calaan, Panitan sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek na 43-anyos, habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad. 


Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong murder sa lalawigan.


Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya.




NOTORYUS NA PUSHER, TIKLO 


PAMPANGA -- Isang notoryus na drug pusher ang naaresto sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. San Joaquin, Mabalacat sa lalawigang ito.

Pansamantalang hindi pinangalanan ang suspek na nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na bayan habang iniimbestigahan pa ito ng pulisya.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba sa naturang barangay na naging dahilan upang madakip ang drug pusher.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 10 gramo ng hinihinalang shabu, dalawang gramo ng marijuana at marked money sa pag-iingat ng suspek. 


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 

by News @Balitang Probinsiya | September 4, 2024



Negros Occidental — Isang 67-anyos na lolong tricycle driver ang namatay nang mabangga ng isang trak kamakalawa sa Brgy. III-Poblacion, Pontevedra sa lalawigang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Paterno Belleza, residente ng Brgy. Mandalagan, Bacolod City.


Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng trak na minamaneho ng hindi pinangalanang driver kaya nabangga ang pinapasadang tricycle ng biktima.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong isasampa laban sa driver ng trak.



2 SUNDALO, SUGATAN SA AMBUSH


CAPIZ -- Dalawang sundalo ang sugatan sa ambush ng mga komunistang New People’s Army (NPA) kamakalawa sa Brgy. Minan, Tapaz sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang dalawang sundalo ng Philippine Army (PA) na nasugatan sa ambush hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanilang pamilya ang naganap na pananambang sa dalawang kawal ng pamahalaan. 


Ayon sa ulat, nagpapatrulya ang tropa ng pamahalaan nang pagbabarilin sila ng mga NPA kaya tinamaan ng bala ang dalawang sundalong biktima.


Nabatid na agad nakaganti ng putok ang mga otoridad kaya tumakas ang mga NPA.

Ginagamot na sa ospital ang dalawang sundalo, samantalang patuloy pang tinutugis ng tropa ng pamahalaan ang mga tumakas na NPA.



MOST WANTED CRIMINAL, ARESTADO


PALAWAN -- Isang most wanted criminal ang nadakip ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa City sa lalawigang ito.

Pansamantalang hindi pinangalanan ng pulisya ang suspek habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad. 


Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong rape sa lalawigan.


Napag-alaman na may nagbigay impormasyon sa mga otoridad sa pinagtataguan ng suspek kaya agad pinuntahan at inaresto ng mga operatiba ang rapist sa naturang lugar.


Sumama naman at hindi na nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga otoridad.



2 HVT SA DROGA, TIKLO SA DRUG-BUST


SULU -- Dalawang HVT na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Tandu Bato, Luuk sa lalawigang ito.


Ang mga suspek ay kinilala ng pulisya na sina Jamih Halisan at Alwani Kabral, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa nabanggit na lalawigan.


Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na may dalang shabu ang mga suspek kaya agad nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang maaresto ang dalawang pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 21 pakete ng hinihinalang shabu sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 
 

by News @Balitang Probinsiya | September 3, 2024



Iloilo City -- Nadakip ng mga otoridad ang magtiyuhing drug pusher sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Zone 2, Brgy. Baldoza sa lungsod na ito.


Ang mga suspek ay nakilalang sina Elenito Jover, 40 at Carl Jiver, 22, kapwa residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang magtiyuhin kaya agad nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang mga suspek.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 16 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang magtiyuhing suspek na kapwa nahahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.



SMUGGLED YOSI, NAREKOBER


ZAMBOANGA DEL NORTE -- Narekober ng mga otoridad kamakalawa ang inabandonang mga smuggled cigarette sa baybaying dagat ng Brgy. Kayok, Liloy sa lalawigang ito.


Ang nasabing mga puslit na yosi ay narekober ng pulisya sa tulong ng mga residente sa naturang barangay.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na may mga kalalakihan na nagbababa mula sa bangka ng mga smuggled cigarette kaya agad rumesponde ang mga operatiba, pero nakatakas ang mga suspek.


Sa tantiya ng mga otoridad ay nagkakahalaga ng mahigit P1.7 milyon ang nakumpiska nilang smuggled cigarettes. 


Pinaghahanap na ng mga otoridad ang mga suspek upang sampahan ng mga kaukulang kaso.



3 DRUG DEALER, NASAKOTE


CAVITE -- Tatlong notoryus na drug dealer ang nadakip sa drug-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Paliparan, Dasmarinas City sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong gulang habang iniimbestigahan pa sila ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek sa buy-bust operation ng pulisya sa naturang lugar.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 100 gramo ng hinihinalang shabu, 800 piraso ng ecstasy at marked money sa pag-iingat ng mga suspek. 


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



MAG-UTOL NAGTAGAAN, KAPWA SUGATAN


AKLAN – Parehong sugatan ang magkapatid na nagtagaan kamakalawa sa Brgy. Marianos, Numancia sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng kanilang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang mga pangalan ng magkapatid na kapwa nasa hustong gulang, na nagtagaan sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang magkapatid hanggang kapwa kumuha ng itak at nagtagaan.


Napag-alaman na mabilis na nakaresponde ang mga otoridad kaya naawat ang magkapatid.


Sa ngayon ay ginagamot pa sa ospital ang magkapatid na kapwa nagtamo ng mga tama ng taga sa katawan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page