- BULGAR
- Jan 26, 2024
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Enero 26, 2024
Napaaga ang papalapit na El Niño phenomenon sa bansa kung saan ay walong probinsiya ang nakararanas na ng tagtuyot dahil sa kakulangan ng buhos ng ulan.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ariel Nepomuceno, kabilang dito ang mga probinsiya ng Apayao, Bataan, Cagayan, Cavite, Ilocos Norte, Kalinga, Palawan at Zambales.
Nauna nang sinabi ni Nepomuceno na mahigit sa 50 lalawigan sa bansa ang makararanas ng tagtuyot sa pagsapit ng Abril taong kasalukuyan.
Samantala, may ilang lugar lang umano sa Mindanao ang hindi masasapol ng tagtuyot o drought.
Ipinaliwanag naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na apektado ng El Niño phenomenon ang malawak na bahagi ng Pilipinas dahil kulang na ang pagbagsak ng ulan sa bansa.
Nagsimulang maramdaman ang El Niño sa bansa noong Hulyo 2023 kung saan ay naitala ang madalang na pagbagsak ng ulan. Sa puntong ito ay mariin tayong pinag-iingat hindi lang sa epekto ng tagtuyot kundi maging sa sunog kahit hindi naman panahon ng fire prevention month.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang nararanasang alinsangan ng panahon ay may malaking epekto sa mabilis na pagliyab ng mga bagay-bagay at nagdudulot din ito ng mabilis na pagkalat ng apoy kaya pinag-iingat ang lahat.
Ayon pa sa PAGASA, ang majority ng climate models ay nag-anunsyo na ang El Niño ay posibleng tumagal hanggang sa Marso ng 2024 at maaaring mas tumagal pa hanggang sa mga susunod na buwan.
Sana, lagi tayong maging alerto at alalahanin ang naganap na pagkatusta ng 13 estudyante sa sunog sa isang dormitoryo sa Henan province, China, kamakailan lamang.
Bagama’t sa labas ito ng ating bansa nangyari, isa itong matinding paalala na lagi tayong magdoble-ingat para maiwasan ang sunog. Kaya naman nananawagan ang PAGASA sa lahat ng ahensya ng gobyerno pati na sa publiko na gawin ang lahat ng precautionary measures laban sa epekto nito.
Magugunitang bumuo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Task Force El Niño upang tumutok sa El Niño phenomenon at para maging alerto tayong lahat laban dito.
Ito’y makaraang ianunsyo ng Department of Science and Technology (DOST) na bago pa man pumasok ang buwan ng Mayo taong ito ay mayroon nang 77 porsyento sa mga lalawigan sa buong kapuluan ang mararanasan ang epekto ng El Niño, samantalang 7 porsyento naman ang makararanas ng tagtuyot.
Tayo namang mga Pilipino bihasa tayo sa pagharap sa anumang kahirapan — maging ito ay tag-ulan, tagtuyot. Dinadamba man tayo ng sandamakmak na mga pagsubok sa buhay alam natin kung papaano ito harapin at pagkatapos ng El Niño, may darating namang La Niña — basta’t mag-ingat lang tayo palagi.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




