top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 14, 2024


Nagsimula na nga noong Martes, Marso 12, ang buwan ng Ramadan na inoobserba ng mga kapatid nating Muslim sa buong mundo.


Ang Ramadan ay ginaganap tuwing ika-9 na buwan sa kalendaryong Islam. Ito ang panahon ng pag-aayuno (sawm), pagdarasal, pagninilay, at pagbubuklod.


Itinuturing ang Ramadan na pinakasagradong buwan ng taon para sa mga Muslim. Ito ay dahil sa paniniwala na sa panahong ito inihayag ang Qu’ran — ang banal na kasulatan o Kuran – kay Propetang Muhamad na nagtatag ng Islam.


Bilang pagtalima sa pag-aayuno sa panahon ng Ramadan, ang lahat maging ang mga nakakatanda at may karamdaman, ay umiiwas sa pagkain at inumin mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Ito ay isang obligasyon para sa kanila at tinatawag naman ang kainan bago ang pagsikat ng araw na suhur.


Ginagawa rin ang pagninilay-nilay sa buwan ng Ramadan, kung saan ang mga Muslim ay nagpapakumbaba at nagmumuni-muni, at dinadama at inihahayag nila ang kanilang mga gawain at malalim na relasyon sa Diyos at kapwa.


Pero ang Ramadan ay hindi lamang tungkol sa indibidwal na pag-aayuno. Ito rin ang panahon upang magtipon at magpatibay ng mga relasyon bilang isang nagkakaisang komunidad. Nagkakaroon ng mga iftar o kainan ng komunidad, kung saan nagtitipon ang mga tao para mamahagi ng pagkain pagkatapos ng araw ng pag-aayuno. Ito ay isang pagkakataon para sa kanila na mas lalo pang mapalapit sa kanilang pananampalataya at sa isa’t isa.


Sa kasalukuyang panahon, inanunsyo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ (BDI) ang opisyal na pagsisimula ng Ramadan noong Marso 12, makaraang hindi mamataan umano ang buwan noong nakaraang Linggo ng gabi. Sa taong ito, sa Abril 9 ang tinatayang pagtatapos ng Ramadan. 


Ang BDI ay nagsasagawa ng taunang ‘moon sighting activities’ sa bansa upang obserbahan ang unang pagsilip ng crescent moon. Base ito sa nakasaad sa banal na librong Qu’ran Surah Al-Baqara, “sinumang makakita ng pagsibol ng bagong buwan sa panahon ng Ramadan ay kailangang mag-ayuno.”


Noong Marso 1, si Bangsamoro Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani, kasama ang ilang BDI ulama (body of Muslim scholars) at religious sectors, ay nagdesisyong pamahalaan ang ‘moon sighting’ ngayong taon sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang Cotabato City; Maguindanao del Norte at mga lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi; at Iligan City.


Maging ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ay nag-anunsyo noong Linggo ng gabi (Marso 10) at sa kauna-unahang pagkakataon ay pareho ang deklarasyon ng petsa ng NCMF at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagsisimula ng Ramadan.


Medyo kakaiba ng bahagya ang Ramadan kumpara sa “Mahal na Araw” ng mga Katoliko bagama’t may mga pagkakahawig pagdating sa pag-aayuno at pagpapalakas ng pananampalataya na isinasagawa sa halos sabay na panahon.


Kani-kanyang paraan ngunit ang higit na mahalaga ay nauunawaan natin ang pananampalataya ng bawat isa at nangangailangan ito ng respeto dahil puro kabutihan naman mula sa langit ang sinusunod ng bawat isa.


Ang higit na mahalaga ay nakagawa tayo ng mabuti sa ating kapwa sa halip na magsilipan kung ano ba ang dapat sundin, dahil pagkatapos ng lahat ng ito ay mangingibabaw pa rin kung sino ang gumawa ng mabuti at sumunod sa utos ng Panginoon.


Alam nating may ilang hindi kumbinsido sa pananampalataya ng bawat isa, ngunit tandaan natin na lahat ng gumawa ng mabuti ay magbubunga ng mabuti.

Ramadan Mubarak!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 11, 2024


Mas pinaigting ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kampanya laban sa sunog dahil hindi pa man dumarating ang buwan ng Marso para sa paglulunsad ng Fire Prevention Month ay sunud-sunod na agad ang naitalang sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 

 

Pangunahing sanhi ng mga insidente ng sunog ngayong 2024 ang paninigarilyo, ayon sa BFP. 

 

Batay sa datos ng BFP, nasa 191 ang naitalang insidente ng sunog na dulot ng sigarilyo mula Enero 1 hanggang Marso 1.

 

Sumunod naman dito ang open flame dahil sa pagluluto, na nasa 155 insidente. Kabilang sa mga sanhi nito ang liquefied petroleum gas o LPG, gas stove at kahoy na panggatong.

 

Nasa 144 naman ang naitalang kaso ng electrical ignition dahil sa “arcing” habang 98 ang sanhi ng overloading ng kuryente.

 

Samantala, mas mataas din ang kaso ng mga sunog ngayong taon na pumalo sa 3,044 mula sa naitala na 2,424 sa parehong panahon.

 

Umabot na sa 69 katao naman ang nasawi habang 213 ang nasugatan, bago pa sumapit ang Fire Prevention Month. 

 

Pero karamihan umano ng nangyaring sunog ay aksidente, habang may 20 insidente ang sinadya.

 

Patuloy na iniimbestigahan ang iba pang insidente ng sunog. 

 

Posibleng may kinalaman din ang napakainit na panahon, kaya mas mabilis na maglagablab ang apoy dahil umabot na sa 37 degrees Celsius ang heat index o nararamdamang init sa Metro Manila. 

 

Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, maihahalintulad sa init ng taong nilalagnat ang ganitong taas ng temperatura. 

 

Dagdag pa niya, mararanasan ang init ng panahon hanggang ikalawang linggo ng buwan ng Marso bunga na rin ng El Niño. 

 

Sa Metro Manila, makakaranas umano tayo ng ihip ng amihan, kaya medyo bababa ang ating temperatura. 

 

Kinumpirma naman ng weather bureau na magsisimula nang humina ang El Niño at magbabalik ang neutral condition sa Abril, Mayo at Hunyo. 

 

Mayroon namang 55% tsansa na magkaroon ng La Niña sa mga susunod na buwan. 

 

Sa naunang pagtaya ng Department of Agriculture, umaabot na sa P357 milyon ang pinsala sa mga pananim sa bansa dulot ng El Niño phenomenon. 

 

Sa loob ng dalawang linggo, posibleng ideklara na ng PAGASA ang simula ng dry season o summer kapag natapos na ang northeast monsoon o amihan. 

 

Napakalaki ng pagsubok na ating kinakaharap tuwing sasapit ang buwan ng Marso, kaya marapat lang na magsagawa tayo ng dobleng pag-iingat upang hindi tayo mabiktima ng nakaambang panganib tulad ng sunog. 

 

Regular na bisitahin ang mga anunsyo ng BFP. Tutal palagi naman tayong nakatuon sa social media upang malaman natin ang mga bagong anunsyo hinggil sa pag-iingat at kung ano ang gagawin sa oras na magsimula na ang sunog sa inyong lugar. 

 

Dapat sa panahong ito ay naka-install na sa inyong mga cellphone ang numero ng pinakamalapit na bumbero sa inyong lugar upang hindi na maghahanap pa sakaling magsimula ang sunog at agad na maapula ang paglaki ng apoy. 

 

Sundin din ang mga datos na inilalabas ng BFP dahil higit sa lahat ay sila ang nakakaalam ng sanhi ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at sa pinakahuli nilang anunsyo ay natukoy ang paninigarilyo na pangunahing sanhi ng sunog. 


Ibig sabihin, marami tayong kababayan na iresponsable o kulang sa pag-iingat habang naninigarilyo ay kung saan-saan lang itinatapon ang cigarette butts na may sindi pa at kapag bumagsak sa kumpol ng basura ay mabilis na nagliliyab dahil sa napakainit ng kapaligiran. 

 

Hindi ito haka-haka lang, dahil ito mismo ang lumabas sa mga imbestigasyong isinagawa ng BFP sa mga nagdaang sunog nitong mga nakaraang araw, kaya huwag natin itong ipagwalang-bahala, posibleng may madamay tayong buhay dahil lang sa simpleng kapabayaan. 

 

Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 8, 2024


Hindi natin maitatanggi na malaking bahagi ng pang-araw-araw nating buhay ay napupunta sa pagtuon sa social media at wala itong pinipiling edad dahil mula bata hanggang matanda ay parang alipin na halos nito.


Napatunayan ang labis na pagkagumon ng maraming Pinoy nang mabulabog ang marami nating kababayan noong nakaraang Martes ng hatinggabi matapos mag-shutdown ang Facebook.


Sabi ng ilang apektado, basta-basta na lamang silang na-log out sa FB o nakakuha ng mensahe na ‘your session has expired.’ Nang sinubukan nila ulit mag-log in, sinasabihan nilang mali ang kanilang password kaya’t nagpapa-change password sila.


Kahit mag-change sila ng password, hindi pa rin sila makapasok sa FB uli kaya’t paulit-ulit nila itong ginagawa.


Ang unang reaksyon ng ilan nating kababayan ay na-hack na ang kanilang account at natakot na baka utangan o hingian ng pera ang nasa kanilang friends list.


Nag-down ang FB bandang alas-11 ng gabi hanggang halos alas-2 ng madaling-araw na ayon sa datos ng Downdetector.com. pinakamaraming nag-report ng alas-11:34 ng gabi noong Martes, March 5, na mayroong 617,270.


Sa Instagram, pinakamaraming nagreklamo ng alas-11:29 ng gabi na umabot sa 95,051 ang report. Sa WhatsApp, may nagreklamo na ng alas-9:02 ng gabi pa lamang at pinakamarami ang nag-report ng alas-12:02 ng hatinggabi ng 362 indibidwal.


Ayon sa Meta na may-ari ng Facebook, naibalik ang serbisyo ng alas-2:22 ng madaling-araw ng Miyerkules. 


Malaki ang tiwala ng kumpanya na kahit hindi sila magpaliwanag ay maiintindihan sila ng mga user dahil nga sa alam nilang nakadepende na ang marami nating kababayan sa kanilang sistema.


Magkagayunman ay nagpasalamat naman ang kumpanya sa ipinakitang pasensya ng mga user habang inaayos nito ang app.


Grabe ang idinulot sa ating kaguluhan nang mag-down ang system ng Facebook, kahit hatinggabi ay nabulabog ang marami sa ating mga kababayan. Napakaraming transaksyon ang apektado — ibig sabihin ganyan na katindi ang pagkabaliw ng ating mga kababayan sa social media.


Napakarami kasi nating pinag-uusapan at ginagawa ng personal ang halos naibaling na lahat sa paggamit ng social media, kaya nang panandalian itong nawala ay buong magdamag na hindi nakatulog ang marami nating kababayan, at ang pangyayaring ito ay buong maghapon pa rin na usap-usapan kinabukasan.


Halos buong buhay natin ay iniasa na natin sa socmed, pati ang paglalambingan minsan ng mga magsing-irog ay dito na rin idinadaan, lalo na ‘yung mga may karelasyon na overseas Filipino workers (OFWs) dahil mas madalas sa dis-oras ng gabi lamang nila nakakausap.


May mga magulang na nasa ibang bansa na nagtatrabaho at sa FB o ibang social media platform na lamang pinalalaki ang kanilang mga iniwang anak.


Dumating na tayo sa puntong lahat ng galaw natin sa buhay ay kailangan na ng tulong ng social media, ultimo sa paghahanap ng mga pupuntahang lugar ay nakadepende na rito.


May mga mag-asawa nga na muntik-muntikan nang maghiwalay dahil may mga misis na halos hindi na kinakausap ang kanilang mister dahil sa mas maraming oras na ginugugol sa socmed.


Maraming mabuting dulot naman sa atin ang social media, pero tama bang halos lahat na lang ay iasa na natin sa teknolohiyang ito? Sana lang ay makatulong ito sa pag-usad ng bawat isa at hindi makabagal pa sa pag-unlad.


Sa nangyaring ito, isang maliwanag na indikasyon na matindi na ang ating pagka-depende sa social media at hindi ko alam kong positibo pa ba itong matatawag o mayroong masamang epekto.


May ilan nga tayong kababayan na kapag umalis ng bahay at naiwan ang cellphone, kahit malayo na ay bumabalik pa para kunin lang ang naiwang cellphone.


Meron namang sirang-sira ang araw kapag ang lugar na pinuntahan niya ay walang signal dahil tiyak na hindi sila maiintindihan ng nagagalit na misis kung bakit hindi sila nagre-reply.


Hindi na tayo makakaatras sa sitwasyong ito, kaya ang tanong natin sa ngayon ay kaya pa ba nating mabuhay ng walang koneksyon ng social media?


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page