top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 6, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Suportado natin ang patuloy na pagdami ng mga estudyante, magulang, guro at iba pang school personnel na humihiling na ibalik na lang sa dating June-March calendar.


Lumilipas ang mga araw, palakas kasi nang palakas ang ingay hinggil sa kagustuhan ng marami nating kababayan na ibalik na lang sa dating sistema ang panahon ng pag-aral.


Noon kasi ay nagsisimula sa buwan ng Hunyo ang pagbubukas ng klase at natatapos sa buwan ng Abril at sa pagpasok ng buwan ng Marso ay summer time – bakasyon na at maraming nasa beach resort dahil sa sobrang init na nararanasan.


Hindi tulad ngayon na ang bagong school break ay mula Hunyo 17 hanggang Agosto 25 para sa taong 2024.   


Pero sa pagpasok ng taong 2024 ay nagkaroon ng pagbabago kabilang na ang scheduled end of School Year (SY) 2023-2024 sa Mayo 31, na naglalayong ipatupad ang school break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26. 


Maging ang Department of Education (DepEd) ay nagsumite ng agresibong opsiyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM) na humihiling na ibalik na ang schedule ng klase sa dating academic calendar.


Ang hakbang ng DepEd ay dahil na rin sa palakas nang palakas na panawagan na ibalik ang April-May school break sanhi ng nararanasang init hindi lang ng mga guro, kundi ng mismong mga mag-aaral na nagdudulot na ng suspensyon ng klase at iniraraos na lamang online.


Nakapagsumite na ng sulat ang DepEd sa tanggapan ni PBBM at nakapaloob sa kanilang kahilingan ang agresibong alternatibo na pagtatapos ng School Year 2024-2025 sa Marso 2025.


Sa ganitong paraan umano ay magiging mas maiksi ang school year at tiyak na mababago rin ang break o bakasyon ng klase na malaking tulong umano hindi lang sa mga mag-aaral kundi maging sa mga guro.


Tinitingnan din ng DepEd ang bilang ng mga araw kung kinakailangan pa bang gamitin ang Sabado para sa online classes upang makumpleto ang tamang bilang ng araw ng pagpasok sa maiksing panahon.


Sa ganitong sistema nga naman ay mapupunan ang aktuwal na in-person classes -- makukumpleto na ang 165 days kumpara sa minimum required na 180 days para sa isang buong school year.


Kung maipatutupad umano ang hiling na ito ng DepEd ay magdudulot ito ng proportional vacation pay (PVP) para sa mga public school teacher.


Kumbaga, matatanggap pa rin ng mga teacher ang proportional vacation pay na ibinibigay ang dalawang buwang sahod matapos ang bawat school year – ito kasi ay kinukuwenta base sa bilang ng araw ng school days sa loob ng isang taon.


Nauna sa maraming kahilingan na ibalik na nga sa dating academic calendar, ang DepEd mismo ay nagsasagawa na ng mga hakbangin na kahit paunti-unti ay magawa na sa dating school calendar dahil nga sa napakalaking epekto nito.


Noong Pebrero ay nagkaroon ng magkakasunod na adjustments, kabilang na ang scheduled end ng School Year (SY) 2023-2024 noong Mayo 31, at ang pagpapatupad ng school break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26; na may kasunod pang SY set mula Hulyo 29, 2024 hanggang Mayo 16, 2025, ayon sa Department Order 3, series of 2024.


Malaking hamon kasi sa mga paaralan ay ang kalituhan at intindihin ang lawak o sakop ng heat index forecast mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).


Mas madalas ay naghihintay lamang sila sa kumpas ng lokal na pamahalaan at pamunuan ng paaralan na mas madalas ay nagpapatupad ng online classes base sa heat index forecasts o iba pang kalamidad.


Sana lang ay matulungan tayo ng PAGASA hinggil dito, kasi kung ikukumpara sa bagyo, nakikita natin na may mga nagliliparang bagay dahil sa malakas na hangin kaya puwede tayong umilag, pero sa init ay wala tayong indikasyon na delikado na.


Marahil, panahon na upang magkaroon tayo ng komprehensibong panuntunan na makapagbibigay ng karampatang tugon kung ano ang dapat gawin ng mga guro at mag-aaral sa panahong delikado na ang init na nararanasan. 


Wala kasi tayong panuntunan na ang inianunsiyong heat index ay may kaakibat na lugar kung saan dapat higit na mag-ingat. Kumbaga, kanya-kanyang pakiramdaman na lamang kung may mawawalan ng malay dahil sa init.


Madalas ay gabi na natin nalalaman sa balita na pumalo pala sa napakataas na antas ang init at makokomento na lamang ang ating mga kababayan ng — kaya pala.


Sana lang ay mas mabigyan tayo ng PAGASA ng detalyadong anunsiyo na may kaakibat na karampatang tugon kung anong lebel ng paghahanda ang dapat na isagawa. 

Kaya sa isang banda ay kapuri-puri rin ang ating mga guro kung paano nila naitawid ang sitwasyong ito ng walang masyadong naapektuhan sa kabila ng mataas na ulat ng mga nasawi dahil sa heat stroke.


Tulad sa pag-ulan, kapag sinabing yellow alert ay alam na natin ang gagawing paghahanda dahil malinaw sa atin ang dami ng tubig ulan na bubuhos.


Dahil sa climate change ay kakaibang init na ang ating nararanasan at mabuting nababantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa panahong ito, kaya napapanahon nang ibalik talaga sa dati  ang school calendar sa bansa.


Sa totoo lang, hindi rin naman face-to-face ang mga klase nitong mga nakaraang linggo dahil sa init. Kaya bakit hindi na lang natin ibalik sa dating schedule para hindi rin mabawasan ang mga school days na pumapasok ng pisikal ang mga bata.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 3, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kinalampag na natin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa kalagayan ng ating mga imprastraktura upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng La Niña. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, kailangang ngayon pa lamang ay matiyak na natin ang magiging sitwasyon ng ating mga kababayan at hindi ‘yung magkukumahog tayo kung nandiyan na ang kalamidad.


The rainy season is fast approaching. And we are wary of the impending La Niña phenomenon that will bring heavier rains than usual. Ngayon ang pinakamagandang panahon para siguruhin na maayos ang lahat ng mga daluyang tubig, at walang bara ang mga drainage.


Dapat ngayon pa lang, pinapanatiling maganda ang mga drainage at iba pang tributaries. Wala dapat mga bara. Kailangang klaro ang mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabaha. ‘Yung mga pumping station dapat masiguro na 100% operational. 


Noong nakaraang Marso 24, 2024, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sa oras na mapawi ang El Niño ay agad-agad na papalit ang La Niña na mayroon umanong 55% tsansa na ma-develop simula sa darating na Hunyo.


Ngayon pa lang habang ‘di pa masyadong nag-uulan, kumilos na tayo. Gawin na natin lahat ng magagawa natin para masigurong handa tayo kung sakaling dumating man ang sakuna. Take advantage of the current dry season. Hindi ‘yung nandiyan na ‘yung bagyo at saka pa lang magkukumahog kumilos.


Hindi lang ang DPWH at MMDA ang pinaghahanda natin dito, dapat bawat isa sa atin ay maghanda rin lalo na ‘yung mga barangay. Tiyakin nating malinis ang ating kapaligiran upang hindi tayo puro sisi sa oras na dumating na ang malalakas na buhos ng ulan.


Una nating linisin ang mga daluyan ng tubig ulan sa mga lugar na malapit sa mga paaralan dahil marami na ring magulang at mga estudyante ang nagtutungo sa mga iskul dahil sa nag-aasikaso ng mga papeles para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.


Maging ang mga batang walang school service ay dapat na turuan ng mga magulang kung ano ang gagawin sakaling mapagitna sa mga sitwasyon na rumaragasa ang baha.


Ganoon din sa mga guro, dapat unahin nilang paalalahanan ang mga mag-aaral kung ano ang dapat na pagkilos sa gitna ng pagbuhos ng malalakas na ulan.


Magandang magkaroon din ng ugnayan ang mga guro sa mga magulang ng mga estudyante upang sakaling dumating ang ganitong sitwasyon ay madali ang kanilang komunikasyon.


Matagal pa naman ang pagbubukas ng klase ngunit dahil sa panahon ng La Niña ay hindi imposibleng tumagal ang tag-ulan at magdulot ng mga pagbaha.


Maging ang ating mga magsasaka ay mabuting nabibigyan ng babala para alam nila kung paano paplanuhin at aasikasuhin ang kanilang mga pananim na posibleng hindi mapakinabangan kapag  rumagasa ang malalakas na ulan. 


Ipagpasalamat natin at may mga ganitong anunsiyo na ang PAGASA na napakalaking bagay upang makapaghanda ang bawat isa, at kung sa kabila nito ay mapapahamak pa tayo, walang ibang dapat sisihin kundi ang pagbalewala sa mga anunsiyo ng pamahalaan.


Samahan na rin natin ng panalangin na sana ay huwag naman tayong makaranas ng matinding kalamidad, at hindi imposibleng makamit ‘yan kung sinsero tayong magsusumamo sa Maykapal.


Sa tingin ko, kung ang lahat ng ating tinalakay ay sama-sama nating pagtutulungan, magiging maayos ang ating kalagayan habang mapayapa natin itong mairaraos ng walang mapapahamak.


Kaya muli ay binubulabog natin ang DPWH, MMDA, barangay, mga guro at mga magulang at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan na sama-sama tayong maghanda upang walang malagay sa peligro kahit isa.


Galaw-galaw na, magsimula na tayo at ipakita nating natuto na tayo sa mga nagdaan nating karanasan para hindi tayo nagsisisihan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | April 26, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Malaki ang epekto sa industriya ng mga coffee shop sa bansa ang anunsyo ng Department of Health (DOH) na huwag na munang magkape ngayong tag-init dahil posible itong magdulot ng kamatayan.


Nilinaw ng DOH na hindi nila pinagbabawal ang pagkape ng publiko pero iwasan sana ito kapag sobrang init ng panahon dahil maaari silang makaranas ng heat cramp, heat exhaustion o heat stroke.


Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, ang pag-inom ng kape, tsaa at iba pang mainit na likido ay maaaring magpahirap sa pagbaba sa temperatura ng katawan.


Ang kape aniya ay nakakabawas ng tubig sa katawan at posible pang maging sanhi ng dehydration.


Ayon sa babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mapanganib ang heat index kapag pumalo ito sa 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius.


At dahil sa labis na pagkahilig ng mga Pinoy sa kape ay lubha itong nakakaalarma lalo’t usung-uso na sa mga coffee shop na tumatambay ang marami nating kababayan.  

Kahit sa mga opisina, na karaniwang sinasagot na ng may-ari ng kumpanya ang libreng kape para sa mga empleyado ay mas marami tayong kababayan na konting kibot ay umiinom ng kape -- na lubhang napakadelikado sa panahong ito.


Nitong mga nagdaang araw ay ramdam na ramdam ang sobrang init sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit tila hindi ito alintana ng mga kababayan nating mahilig sa kape na labis na pinangangambahan ng pamahalaan.


Tumataas pa rin ang bilang ng nasasawi sa heat stroke at inaasahang patuloy itong madaragdagan kung hindi titigil sa pagkakape ang marami nating kababayan.


Alam nating masarap magkape kaya nga click na click ang mga coffee shop kahit eksaherado na ang presyo — pero kailangang malaman ng ating mga kababayan ang dulot nitong kapahamakan sa ating buhay.


Lalo na ‘yung mga mahal natin sa buhay na mga senior citizen, na kapag nagutom ay kape agad ang ating ibinibigay. Medyo bantayan natin dahil lubhang napakadelikado sa panahong ito.


Isa pa sa dapat paalalahanan ay ang mga kababayan nating dumadalo sa lamay kung saan ‘unli’ ang kape. Pakiusap na huwag ninyong samantalahin dahil baka ‘yan pa ang maging mitsa na sa susunod ay kayo naman ang paglamayan.


Malapit na naman ang tag-ulan — ito na lang ang hintayin natin para makabuwelo ang mga kababayan nating mahilig sa kape. Sa panahong malamig ang klima ay wala namang problema kahit uminom ng kape.


Ngayong napakatindi ng init ay makabubuting sundin natin ang babala ng DOH upang hindi tayo mapahamak dahil sila ang nakakaalam ng datos kaya nga ipinaparating natin sa ilan nating kababayan.


Simpleng kape lang ang usapan ngunit kung ating babalewalain ay maaari tayong makadagdag sa bilang ng mga na-heat stroke sa panahong ito ng tag-init.


Kaya nga marami ring pasok sa eskwela ang kinakansela dahil sa sobrang init na nararanasan at hindi umano rason na porke nasa loob ng shopping mall at malamig dahil aircon kaya puwedeng magkape dahil delikado pa rin.


Hindi naman siguro ikamamatay ng mga mahihilig sa kape kung pansamantalang hindi muna sila iinom nito ngayon, pero iisa ang sigurado na posible itong maging sanhi ng kamatayan kung hindi natin susundin.


Napakahilig ko ring magkape lalo pa at nakaharap ako sa laptop para magsulat pero ngayon ay iniiwasan ko na muna upang hindi tayo mapahamak.


Ito pang isa, may mga kababayan din tayong habang nagkakape ay humihithit pa ng sigarilyo — dobleng init ang idinudulot nito sa ating katawan, at kapag sumabay pa ang napakainit na panahon ay tiyak na may paglalagyan ang ating mga kababayan — lalo na ‘yung mga may edad na.


Normal na pangitain sa marami nating kababayan ang may dala-dalang inuming tubig sa panahong ito ng tag-init dahil ‘yan ang kailangan at hindi kape —‘yan naman ay kung gusto mo pang humaba ang iyong buhay.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page