top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 22, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Kaabang-abang ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na isasagawa ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM). Inaasahan natin ang mga positibong pag-uulat hinggil sa mga naisakatuparang programa, gayundin ang pagtugon ng pamahalaan sa mga suliranin at hamong kinakaharap ng bansa. 


Malaki ang tiwala ko na muling magbibigay ang Presidente ng komprehensibong ulat sa taumbayan ukol sa mga nagawa ng administrasyon sa nakalipas na taon bilang tugon sa mga isyu na nangangailangan ng agarang atensyon. Ilan diyan ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin, pagsasaayos ng sahod at trabaho, food security, pagsusulong ng katarungang panlipunan, at pagpapalakas ng ating pambansang seguridad. 


Umaasa akong magiging kalakip din nito ang mga hakbangin na gagawin pa ng ating Pangulo para sa pagpapatuloy ng kanyang mga magagandang naabot sa loob ng unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan. 


Base sa ulat na inalabas ng Pulse Asia nitong buwan ng Hunyo, 2024, ang pagpapabagal ng inflation ay nananatiling pangunahing concern ng taumbayan. Ayon kasi sa survey, 72% ng nakatatandang Pinoy ay naniniwala na ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay nangangailangan ng agarang solusyon. 


Kaya nga handa na tayo na mapakinggan ang SONA ng Pangulo upang mabatid natin kung ano ang sasabihin at plano niya ukol dito. 


Kung titingnan ang mga datos na hawak ng ating economic managers, pasok pa naman ang kasalukuyang target inflation rate na 2-4%. Ang inflation rate kasi nitong Hunyo 2024 ay nasa 3.7%, kumpara noong Hunyo 2023 na ang headline inflation rate ay nasa 5.4%. Ipinapakita nito na may ginagawa ang administrasyon. 


Kumpiyansa rin ako na tatalakayin ni PBBM ang kasalukuyang kalagayan at kung saan tayo patungo sa usapin ng food security. 


Sa loob ng nagdaang taon, nakita natin ang mga pagsisikap ng administrasyon para mapayabong ang agrikultura katulad ng pagtatalaga ng bagong kalihim sa Department of Agriculture na tututok sa sektor, pagpasa ng batas na muling bubuhay at magpapalakas sa industriya ng pag-aasin, pag-aabot ng tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda, at marami pang iba. 


Pakikinggan natin kung ano pa ang gagawin at mga ipagpapatuloy para masiguro na may sapat na pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. 


Nais din nating pasalamatan ang Pangulo dahil sa pag-apruba niya sa mga ipinasa nating batas nitong nakalipas na taon na malaking tulong sa ating mga kababayan — tulad ng pagbibigay ng  P10,000 cash sa mga senior citizens na aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95, bukod pa sa buong P100,000 kung aabot naman sa 100 years old. 


Inaprubahan ng Pangulo ang isa pa nating iniakda na Kabalikat sa Pagtuturo Act (RA 11997) na naglalayong bigyan ang mga pampublikong guro ng teaching allowance at taasan mula P5,000 patungong P10,000. 


Inaprubahan din ng Chief Executive ang isa pa nating batas na No Permit, No Exam Prohibition Act (RA 11984) na nagbabawal sa mga unibersidad na ipatupad ang “no permit, no exam” policy dahil hayagang panggigipit ito sa ating mga kababayan. 


Kasunod nito ay iniakda natin ang Free College Entrance Examinations Act (RA 12006) na aprubado na rin kamakailan ng Pangulo kung saan inaatasan ang lahat ng unibersidad na huwag nang singilin ang mga mag-aaral na nais kumuha ng entrance examination maging pribado man o pampublikong kolehiyo basta’t masunod lamang ang umiiral na requirements. 


Muli akong nagpapasalamat kay Pangulong Marcos sa pag-apruba ng mga panukala ko para isulong at palawakin pa ang katarungang panlipunan. Sana rin ay mabanggit sa SONA ang pagsasaayos ng sahod ng mga manggagawa. 


Sa huli, ito ang isa sa mga pinakainaasahan ko ay ang pagtalakay ng Pangulo sa pagpapaigting ng ating pambansang seguridad. I am confident that he will share to the Filipino people what his administration is doing to bolster national security. Eager na akong pakinggan ang sasabihin ng Pangulo ngayong Lunes, at ang mga susunod na hakbang natin tungo sa Bagong Pilipinas. 


Samantala, wala tayong dapat ipag-alala dahil sa tiniyak ng Presidential Security Command ang seguridad ni PBBM sa ikatlong SONA nito sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa Batasang Pambansa Complex ngayong araw na ito. 


Nabatid na nasa 1,400 na mga PSG personnel ang ipapakalat para sa SONA ni Pangulong Marcos. 


Bukod pa ito sa 22,000 pulis at 2,700 force multiplier na magbabantay sa SONA. 


Sa kabuuan ay inaasahang magiging matagumpay ang SONA liban sa regular na protesta na karaniwang ginagawa laban sa kahit na sinumang Pangulo na nagsasagawa ng SONA sa bansa. 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 19, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Opisyal nang idineklara ang inyong lingkod bilang bagong anak ng Tabuk City sa lalawigan ng Kalinga.


Sa Resolution No. 204, s. 2024 na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Tabuk, ang inyong lingkod ay pinarangalan na maging adopted son of the city at binigyan ng titulong “Alindayo”.


Ang naturang native name ay hango mula sa pangalan ng dating Tobog chieftain at tagapamayapa na siyang nanguna sa tribu para sa mapayapang relasyon sa iba pang katribu ng Kalinga.


Ang pamahalaang Lungsod ng Tabuk, sa pangunguna ni Mayor Darwin Estrañero at Vice Mayor Dick Bal-o, ang siyang naggawad ng karangalan sa inyong lingkod bilang adopted son ng siyudad, isang napakataas na pagkilala dahil hindi umano matatawaran ang ating dedikasyon pagdating sa serbisyo-publiko — at hindi umano tumitigil na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.


Dahil dito, lubos akong nagpapasalamat sa mga kababayan sa Tabuk City, Kalinga sa kanilang pagtanggap sa akin na adopted son. Isang malaking karangalan ito at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala.


Ang mga opisyales ng Tabuk City ay nagbigay ng cultural items sa inyong lingkod tulad ng tradisyunal na G-string, makulay na vest, sling bag, headgear ng tribal chieftain kabilang na ang pana at panangga bilang pagtanggap na isa na akong tunay na anak ng Kalinga.


Nakakataba ng puso ang pagkilalang ito na iginawad sa akin — sampu ng aking asawa at mga anak ay habambuhay naming tatanawin ang parangal at pagtanggap na kaisa nila sa kanilang tribu.


Hindi natin inaasahan ito dahil ang tanging pakay lang natin ay makapagbigay ng serbisyo-publiko hanggang sa pinakamaliliit nating kababayan – hindi lang sa Tabuk kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Dahil sa karangalang ito ay mas lalo pa nating pag-iibayuhin ang nakasanayan na paglilingkod, kung saan palagi tayong nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang lugar partikular ang mga biktima ng iba’t ibang klase ng kalamidad.


Napakataas din ng moral ng ating mga kasama sa ‘bayanihan relief’ operation na matiyagang nagsasaayos ng mga food packs at iba pang puwedeng ipamahagi sa mga nangangailangan nating kababayan.


Lalo na’t may isa na namang ganap na bagyo ang binabantayan -- na naiulat na low pressure area sa labas ng teritoryo ng bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 15, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Isang pagsaludo ang ating inihahandog kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. (PBBM) matapos natin siyang personal na makasamang pangunahan ang direktang pamamahagi ng cash assistance para sa mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya sa lalawigan ng Cavite, noong Huwebes ng umaga, Hulyo 11.


Sa isinagawang distribusyon ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and their Families (PAFFF) sa Dasmariñas City, 12,000 benepisyaryo ang nabiyayaan ng P10,000 cash assistance sa pamamagitan ni PBBM, mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Labis akong nagpapasalamat sa Pangulong Marcos sa kanyang pagmamalasakit sa ating mga kababayan dito sa Cavite, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda kabilang na rin ang kanilang mga pamilya. Damang-dama ng mga Caviteño kung paano inilapit ng Pangulo ang gobyerno patungo sa tao sa pamamagitan ng direktang pamimigay ng tulong pinansyal.


Napakaimportante ng sektor na siyang tinutumbok nitong PAFFF – ang ating mga food producer. Sila ang mga nagsisigurado na mayroong pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. Sila ang susi para tayo ay patuloy na maging sustainable sa supply ng pagkain.

Dinaluhan din ng mga kongresista ng lalawigan ng Cavite ang naturang okasyon. Sa pamamagitan nila ay naabutan ang bawat benepisyaryo ng tig-5 kilong bigas.


Hindi rin malilimutan ng mga taga-Cavite ang naging partisipasyon ng national government agencies katulad ng Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, at ng Technical Education and Skills Development Authority na dumalo sa nasabing programa.


Kung naging masaya ang aking mga kababayan sa Cavite ay higit akong naging maligaya dahil nakita ko ang taglay na kasiyahan sa kanilang mga mukha.    

Nakakataba naman talaga ng puso na ang mga kababayan nating nagsusumikap para magkaroon ng makakain ang bawat pamilyang Pilipino tulad ng bigas at isda ay sila namang napagtuunan ng pansin kahit paminsan-minsan.


Sila kasi ang sektor na wala nang iniisip araw-araw kundi ang makapaghatid ng mga huling isda sa pamilihan at makapag-ani ng dekalidad na bigas para sa bawat Pinoy.

Kaya ang pag-alalang ito ni PBBM ay isang hindi makalilimutang pangyayari sa lalawigan ng Cavite na minsan ay dinaluhan sila ng mismong Pangulo ng bansa sa kanilang buhay.


Kaya muli para kay PBBM, bilang kabahagi ng mga taga-Cavite, maraming salamat — hanggang sa uulitin!

          

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page