top of page
Search

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | June 13, 2024



Showbiz news

Ilang celebrities na rin ang pumapalaot sa kasalan, kaya’t naitanong sa showbiz couples na sina Ruru Madrid at Bianca Umali kung kailan sila magpapakasal. 


Halos six years na ring mag-on ang dalawa kaya’t naiisip ng ilang mga netizens kung sa kasalan din ba mapupunta ang kanilang  pagmamahalan?


May pressure ba sa dalawa kung balak nilang sundan sina Carlo Aquino at Charlie Dizon, na lumagay na rin sa tahimik bilang married couple?


Sagot ni Bianca, “Siguro napag-uusapan at napaghahandaan. ‘Yun na lang.”


Sabi naman ni Ruru, matagal na rin nilang pinag-iisipan ni Bianca ang kasal,


“Siyempre, dapat by now, nandu’n na ‘yung pag-iisip namin. Kasi, six years na rin kami, eh. 


“Parang ‘yung mga plano na rin namin, siyempre about sa future namin. Kaya rin namin ito ginagawa at pinagbubutihan.”


Simpleng kasal naman ang pinaplano ni Bianca. 


Aniya, “Ang dream wedding ko, simple lang actually.


“Noon, may dream setup pa ako. Pero ngayon, gusto ko lang maabutan ng lola ko. S’ya ang maghahatid sa ‘kin, dahil siya ang bumuhay sa ‘kin.”


Sagot naman ni Ruru, “Noted ako d’yan.


“Kailangan na pong ikasal. Actually, noon pa man, nakakasa na,” napapangiting pahayag ni Ruru. 


Wala pang takdang date ang nakaplanong kasalan, ayon sa dalawa.



LUMIPAD papuntang Amerika nitong June 8 (Sabado) ang aktor na si Albie Casiño para i-meet ang non-showbiz girlfriend niya na si Michellina Marie Dunton o Mickey and of course, para masilayan ang kanyang first baby na si Roman Andrew na ipinanganak nitong April 28 sa Maine, California sa USA.

Sa kanyang Instagram (IG), masayang ibinalita ni Albie na isa na siyang ama sa kanyang ibinahaging video nitong June 11 (Martes) sa San Francisco International Airport kung saa’y sinalubong siya ng kanyang mag-ina.

Agad na kinarga ng actor ang kanyang anak at makikitang excited si Albie habang panay ang halik kay Maine habang karga-karga ang kanilang baby boy. Ito rin ang unang pagkakataon na masilayan ni Albie nang personal ang anak na isinilang nitong Abril.

“A great man told me ‘Being a dad has no days off and retirement.’ I wouldn’t have it any other way. I finally got to meet my son. Hello Roman Andrew the world is yours little man,” sey ni Albie sa kanyang caption.

For personal reasons, nailihim ni Albie sa kanyang mga fans at publiko ang panibagong milestone sa kanyang buhay, pero ‘di lingid sa kanyang mga showbiz friends lalo na sa cast ng seryeng Can't Buy Me Love, ang kanyang pagiging daddy-to-be. 

Gaya ng nakasama nito sa serye na singer/actor/TV host na si Darren Espanto na nagpaabot ng kanyang mensahe, “We can finally talk about it publicly, hahaha!”

Sey naman ni Ruffa Gutierrez, “Congratulations!! Not a secret anymore, Ahia!!”

Ayon naman kay Alexa Ilacad, “Congrats, Albie!!! So happy for you, guys!”

Ilan din sa kanyang mga showbiz friends ay nagpaabot ng pagbati gaya ni Alex Castro, “Congratulations, brother. Sarap ng pakiramdam.”




 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | June 9, 2024



Showbiz news


May intriga rin ang isa sa mga artista ng Batang Quiapo na si Diwata dahil nais niyang isumbong ang umano'y pangha-harass sa kanya ng ilang MMDA traffic enforcers. 


Sabi ng “Street Food Sensation”, tanging ang kanyang paresan daw ang laging binabantayan ng mga enforcers. Ang iba niyang kakumpitensiya ay wala namang bantay.


Dahil pinupuntahan at binabantayan siya palagi ng mga enforcers, kinompronta at tinanong niya kung bakit parang ang puwesto lamang niya ang pinag-iinitan ng mga ito.

Napapansin daw niya na palaging sa kanyang puwesto sila nagmamasid at nagbabantay.


Nang hingan ng paliwanag ang mga traffic enforcers, anila’y du’n umano sila naka-assign kaya ru’n rin sila nakapuwesto. 


Nakakatanggap umano sila ng mga reklamo na dahil sa pagdagsa ng mga kumakain sa kanyang paresan, maraming mga sasakyan, jeep at mga motorcycle, maging tri-bike ang nakaparada sa kanyang puwesto na nagiging dahilan ng traffic. 


Bakit nga raw hindi ‘yung mga pagpa-park sa kanilang lugar ang kanilang sinisita?


Ayon naman kay Diwata, wala umano siyang problema sa pagpapatupad ng batas ngunit pakiusap niya sa mga enforcers, sana’y maging patas ang mga ito sa lahat ng mga nagtitinda na nakatalaga sa kanilang area at ‘di lamang ang kanyang paresan ang binabantayan.



MERCEDES, GUSTONG SAMPALIN NG FANS SA PAGIGING KABIT


Ilan sa mga inaabangang eksena sa Batang Quiapo ay ang pagiging “mang-aagaw ng asawa” ng actress na si Mercedes Cabral (bilang si Lena Cortez, isang pulis). 


Mahusay na artista si Mercedes dahil nai-portray niya nang epektibo ang pang-aagaw ng atensiyon sa asawa ni Marites (played by Cherry Pie Picache) na si Rigor Dimagiba (John Estrada). Dahil sa kanyang role bilang “kabit”, kinaiinisan lalo si Lena dahil maraming nakikisimpatya kay Marites.


Dahil sa kanyang role, maraming natatanggap na hate comments si Mercedes. Nakakarating din sa kanya ang pamba-bash ng ilang netizens para sa makatotohanang pagganap niya bilang 'kabit'.


Sa isang panayam ng ABS-CBN News sa actress, tapat naman nitong inamin na nakatanggap siya ng mga hate comments dahil sa role niyang “kabit” sa Batang Quiapo.


Aniya, “May mga tao na pinepersonal na ako. Hindi na Lena ‘yung tawag sa 'kin kundi Mercedes Cabral na. So, ako na mismo ‘yung tinitira. But mostly, sa messages ito.” 

May mga instances din umano na nakita siya nang personal na talagang galit na galit sa kanya ang mga tao.


“In person naman, ‘pag may mga nakaka-recognize sa 'kin, they say things like 'Gusto kitang sampalin kasi kuhang-kuha mo 'yung inis ko pero ang galing mo.' So, kapag nakakarinig ako ng mga ganu’ng bagay, that is a huge compliment for me,” ani Mercedes. 


“Ibig sabihin, nagagawa ko nang maayos ‘yung trabaho ko. Nagagawa ko nang maayos ‘yung assigned character sa 'kin.” pahayag ng aktres.


Alam naman daw niya na minsan ay apektado siya sa mga bashers na may sinasabing  negatibong komento laban sa kanya.


“As an actor, it’s your job to give life to a character in a story. At kailangan ‘yung mga characters na tulad ni Lena sa istorya. Sila kasi ang nagbibigay ng conflict sa story, eh. Although sometimes, naaapektuhan ako sa mga sinasabi ng tao, siyempre, tao lang din naman ako, iniisip ko na lang na ang importante, nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko,” pahayag ng actress.

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | June 1, 2024



Showbiz news
File photo: Vice at Billy / It's Showtime

Now it can be told kung bakit nga ba nagkatampuhan ang It’s Showtime hosts na sina Vice Ganda at Billy Crawford noon. 


Ikinuwento ni Vice sa kanyang YouTube vlog nu’ng May 27, 2024 nang maging guest niya ang singer na si Erik Santos ang dahilan kung bakit nagkatampuhan sila ni Billy.


Sa simula ng kanilang kuwentuhan, nabanggit ni Erik na nakaramdam siya ng matinding lungkot dahil ikinakasal na ang kanyang mga kaibigan.


Inamin naman ni Vice na naramdaman din niya ang katulad ng naramdaman ni Erik.


“Na-experience ko ‘yan dati nu’ng unti-unti na silang nagpapakasal — sina Karylle, Anne at Billy.


“Masaya ka para sa kanila, pero malungkot ka para sa sarili mo,” paglalahad ni Vice.

That time ay wala pa si Ion Perez sa buhay ni Vice Ganda. 


At dahil nga sa nasabing lungkot o depression, nagplano siyang umurong sa imbitasyon sa kasal nina Billy at Coleen Garcia.


“Nu'ng kasal ni Billy, muntik kaming magkagalit, magkatampuhan. Kasi last minute, pinasok ako ng depression, ‘yun ‘yung time na unti-unting nade-develop ‘yung depression ko. Tapos ‘yung natatakot ako sa papalapit na kasal ni Billy dahil lalo akong nalulungkot,” sey ni Vice.


Naisip daw niyang baka maging forever na siyang single. 


Patuloy niyang kuwento, “Tapos, hindi na ako pupunta sa kasal n’ya. Parang bukas ‘yung kasal niya, tapos today, nag-text ako sa kanya, ‘I won’t make it.’


“Nagalit talaga s’ya,” saad ni Vice.


“Tapos, hanggang ang dami kong alibi na wala na akong masasakyang eroplano. Tapos, inayos n’ya lahat para lang makapunta ako. Tapos, sabi niya, ‘Kung ayaw mong pumunta mismo sa wedding, at least, nandu’n ka lang sa Balesin. Kung ayaw mong panoorin ‘yung ceremony, at least, du’n ka lang sa Balesin.’”


Natuloy pa rin naman si Vice at dumalo sa wedding ceremony pero hindi na siya pumunta sa reception.


“After the ceremony, sobra na akong nalungkot, dumiretso ako sa kuwarto.”

'Yun naman daw ang naging tulay para makabuo ng matibay na pagkakaibigan si Vice kina Regine Velasquez  at Ogie Alcasid nang puntahan siya at damayan sa kuwarto kung anumang problemang dala-dala niya.


Sabi ni Vice, “Kasi hinahanap nila ako. Tapos, sabi nila, ‘Si Bakla, nasa taas, ayaw bumaba.’ Inakyat nila ako.


“Tapos, habang nagdarasal na sila for me at nagkukuwentuhan kami, biglang si Regine, kailangan nang bumaba kasi kakanta na siya ng Araw-Gabi. Eh, hindi ko puwedeng hindi marinig si Regine kaya bumaba ako para lang marinig ko si Regine.”


Samantala, pinayuhan naman daw siya ni Ogie na 'wag magpatalo sa kanyang depression dahil maraming nagmamahal sa kanya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page