top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 14, 2025



Bryan Baginas

Photo : Matinding pagpakawala na atake ang hinataw ni Lloyd Josafat ng Alas Pilipinas na hindi mapigilan sa depensa ng katunggaling Tunisian na si Kadhi A sa unang arangkada ng aksyon nila sa pagsisimula ng FIVB Men's World Volleyball Championship sa Mall of Asia Arena, Pasay City kagabi. (Reymundo Nillama)



Panahon na para magseryoso at agad naglabas ng lakas ang isa sa maagang paboritong Estados Unidos sa pagwalis sa Colombia – 25-20, 25-21 at 25-14 – sa unang buong araw ng aksiyon sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kahapon. Binuksan ng Canada ang mga laro sa Araneta Coliseum sa pagtakas sa Libya – 22-25, 25-20, 25-12 at 29-27.


Sumandal ang mga Amerikano kay Ethan Champlin na nagtala ng 17 puntos at tumulong sina Gabriel Garcia na may 12 at Jordan Ewert na may 11. Gaya ng punong-abala Alas Pilipinas, ito ang pinakaunang World Championship para sa Colombia na pinangunahan ni Amaranto na may 11 habang may walo kay Juan Felipe Benavides at 7 kay Felipe Piza.


Natalisod ang Canadian sa unang set pero nakabawi salamat sa husay ni Sho Vernon-Evans na nagbagsak ng 22, kapitan Nicholas Hoag na may 20 ang mga higanteng middle blocker Fynnian Lloyd McCarthy at Daena Gyimah na nagsama para sa 33.


Samantala, hindi pinalad ang isa pang paboritong Japan at winalis ng mga higante ng Turkiye – 25-19, 25-23 at 25-19 – sa likod nina 6’9” Ramazan Efe Mandiraci na may 17 habang 15 ang ambag ni 6’11” Adis Lagumdzija.


Binuhay ang mga Hapon ng mga atake nina Kento Miyaura na may 13 at kapitan Yuki Ishikawa na may 11. Nalampasan ng Portugal ang hamon ng Cuba – 20-25, 25-22, 25-19 at 25-19 – nang magising si Nuno Marques sa huling dalawang set at magtala ng 19 habang sumuporta sina Filip Cveticanin at Jose Pinto na may tig-14.


Aabangan ngayong Linggo ang unang laro ng defending champion Italy kontra Algeria simula 9:30 ng gabi sa Araneta. Makikilatis din ang mga sunod na makakalaro ng Alas Pilipinas na Ehipto laban sa Iran sa MOA pagpatak ng 1:30 ng hapon.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hindi alintana kay Alas Pilipinas team captain Bryan Bagunas ang depensa nila Ahmed Khadi at Ali Bongui ng Tunisia sa maaksiyong tagpo ng FIVB Men's World Volleyball Championship sa MOA Arena, Pasay City. (Reymundo Nillama)


Determinado pa rin ang Alas Pilipinas na makabawi sa susunod na laban matapos na makapulot ng mahuhusay na teknik sa larong ipinakita ng Tunisia na unang nakakuha ng 3-0 panalo sa engrandeng pagbubukas ng FIVB Volleyball Men's World Championship Philippines 2025 kagabi sa MOA. Nagtapos ang laban sa 25-13, 25-17 at 25-23 para sa maagang liderato ng Tunisia sa Pool A.


Kahit naihulog ang unang dalawang set, nabuhayan ang Alas sa pangatlo sa likod nina kapitan Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales. Itinulak ni Bagunas ang pambansang koponan sa 23-23 tabla subalit hanggang doon na lang at nag-iwan ng lakas ang Tunisia para sa mga puntos na nagtahi ng buwenamanong tagumpay.


Naitatak ang layo ng kalidad ng Tunisia na ika-24 sa FIVB Ranking kumpara sa ika-61 Pilipinas. Hawak ang 2-1 bentahe, humarurot ng 10 walang sagot na puntos ang Tunisia upang maging 12-1 at tuluyang kunin ang unang set.


Nakatikim ng unang lamang ang Alas sa puntos ni Bagunas sa simula ng pangalawang set, 1-0, subalit napalaki ng Tunisia ang agwat, 14-7. Mag-isang itinaguyod ni Bagunas ang Alas na may 23 puntos mula 20 atake. Sumunod si Espejo na may siyam at Peng Taguibolos na may apat.


Nanguna sa Tunisia si Oussama Ben Romdhane na may 17. Sumuporta sina Ahmed Kadhi, Elyes Karamosli at Ali Bongui na may tig-siyam. Puntirya ng Alas na bumawi laban sa Ehipto sa pangalawang laro. Gaganapin sa Martes sa parehong palaruan. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 16, 2025



Photo : Pinangunahan ni Jenny Lumba, tagapangasiwa ng Takbo Para sa Kalikasan ng Green Media Events ang media launch ng Air Run Series sa SM Manila na gaganapin sa Set. 28 sa MOA Grounds, Pasay City kung saan inaasahang 8,000 mananakbo ang lalahok. Ang BULGAR ang opisyal na media partner ng TPSK. (BRTpix)


 

Sasakay ang Air Run, ang pangatlong yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan 2025 sa tagumpay ng kanilang unang dalawang yugto na Fire Run at Water Run. Ngayon pa lang ay may 6,700 na ang nagpalista para sa karera ngayong Setyembre 28 sa MOA Grounds, Pasay City.


Tampok ngayon ang Half-Marathon o 21.1 kilometro na mula mall ay tutuloy sa Roxas Boulevard patungong Paranaque at babalik. Nandiyan pa rin ang 10 at limang kilometro.


Para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng karera, maaaring lumahok sa virtual race at makukuha ang parehong medalya at t-shirt. “Ang aming target ay 8,000 kalahok at kampante ako na maaabot ito kung titingnan ang mainit na pagtanggap ng running community,” wika ni Jenny Lumba ng Green Media Events, ang tagapangasiwa sa karera.


Patuloy pa rin ang pagpapalista sa mga sangay ng Chris Sports sa Tinoma, Glorietta 3, SM Bicutan, Megamall, MOA at One Bonifacio High Street. May online din sa Facebook ng TPSK.


Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Haribon Foundation. Marami pang ibang mga proyekto ang Green Media na may kinalaman sa pagtanim ng puno sa kabundukan at paglinis ng mga dalampasigan.


Ang ika-apat at huling yugto ng TPSK ay Earth Run sa Nobyembre 16. Bago noon, magkakaroon ng espesyal na TPSK Pampanga Edition sa Clark.


Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong TPSK. Abangan ang pagtakbo ng mga taga-Bulgar at mga inihandang sorpresa at regalo at ang pagdating ni Bulgarito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page