top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 23, 2025



Photo: Dinumog si Indiana Pacers guard Tyrese Haliburton (0) ng teammates habang nakaaktong hawak ang leeg matapos ang winning shot laban sa New York Knicks sa pagtatapos ng regulation period para makuha ang Game 1 ng NBA basketball Eastern Conference final kahapon sa New York.  (AP Photo/Adam Hunger)


Naglabas ng nakahihilong huling hirit ang bisitang Indiana Pacers sa overtime upang maagaw ang Game 1 ng 2025 NBA Eastern Conference Finals laban sa New York Knicks, 138-135, kahapon sa Madison Square Garden. Kasabay nito ay iginawad ang 2025 MVP kay Shai Gilgeous-Alexander ng numero unong Oklahoma City Thunder.

      

Ibinalik ng buslo ni Andrew Nembhard ang lamang sa Pacers, 136-135, at 27 segundo ang nalalabi sa overtime. Itinapon ng Knicks ang bola na nagresulta sa dunk ni Obi Toppin para dagdagan ang agwat, 138-135, at nagmintis ang mga tres nina Jalen Brunson at Karl-Anthony Towns sabay ubos ng oras. 

      

Sinayang ng Knicks ang 111-94 lamang na may 6 na minuto pa sa huling quarter at humabol ang Indiana. Ipinilit ni Tyrese Haliburton ang karagdagang 5 minuto sa three-points kasabay ng busina, 125-125.

      

Nagtapos na may 31 puntos at 11 assist si Haliburton habang 30 si Aaron Nesmith.  Nagtala ng pito sa kanyang 15 sa overtime si Nembhard. Nawalan ng bisa ang 43 ni Brunson at 35 ni KAT. Ang Game 2 ay sa Sabado sa parehong palaruan at gagawin ng Knicks ang lahat para makaiwas na bumaba sa 0-2 sa seryeng best-of-seven. 

     

Ito ang unang MVP ni SGA na nagtala ng 32.7 puntos at 6.4 assist sa 76 laro na pinakamataas sa 7 taon sa liga at tinalo ang iba pang nominado Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks. Siya ang pangatlong Thunder na MVP matapos sina Kevin Durant (2014) at Russell Westbrook (2017). 

      

Taga-Canada ang bagong MVP at patuloy na ang parangal ay napunta sa isang banyaga matapos ang huling Amerikano James Harden ng Houston Rockets noong 2018.  

      

Saglit lang malalasap ang karangalan at sasabak ang OKC sa Game 2 ng West Finals ngayong araw sa Paycom Center laban sa bisitang Minnesota Timberwolves. Nagwagi ang Thunder sa Game 1. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 22, 2025



Photo: Kapuna-punang nakalalamang sa atletismo ang Oklahoma City Thunder sa pangunguna ni Shai Gilgeous Alexander kaysa sa Minnesota Timberwolves sa Game 1 ng Western Conference Finals kahapon. (nba.com)


Bumomba ng todo ang numero unong Oklahoma City Thunder sa huling dalawang quarter upang mabigo ang bisitang Minnesota Timberwolves, 114-88 sa Game 1 ng 2025 NBA Western Conference Finals kahapon sa Paycom Center. Walang ipinakitang kapaguran ang OKC na kagagaling lang sa malupit na 125-93 Game 7 panalo laban sa Denver Nuggets noong Lunes. 

      

Tumalon ang Timberwolves sa 47-38 bentahe bago ang huling minuto ng 2nd  quarter sa likod ng 12 puntos ni Anthony Edwards. Tinabasan nina Shai Gilgeous-Alexander, Jalen Williams at Isaiah Joe ang agwat para lumapit, 44-48 at bitbitin ang bagong-tuklas na lakas sa 3rd quarter.

        

Doon na rumatrat ng 12 si SGA at dumagdag ng 9 si Williams upang maagaw ang lamang at lumayo papasok ng huling quarter, 76-66. Hindi na nagpreno ang Thunder at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking bentahe ng laro. 

       

Pinangunahan ni SGA ang lahat sa kanyang 31, ilan dito laban sa depensa ng kanyang pinsan Nickeil Alexander-Walker. Sumuporta si Williams na may 19 at Chet Holmgren na may 15. 

       

Nalimitahan si Edwards sa 18 lang subalit mas malaking dagok ang hindi niya pagpuntos sa huling quarter. Nanguna sa Minnesota si Julius Randle na may 28. 

      

Magbubukas ang East Finals ngayong Huwebes sa pagbisita ng Indiana Pacers sa paboritong New York Knicks. Maliban sa bentahe na paglalaro sa tahanan ng Madison Square Garden, tinalo ng Knicks ang Pacers sa dalawa ng tatlo nilang tapatan ngayong taon. 

       

Huling nakapasok ang Knicks sa East Finals noong 2000 kung saan tinalo sila ng Pacers sa anim na laro. Inabot ng 25 taon bago mabigyan ang New York ng pagkakataon na bawian ang karibal na matapos ang serye ay tinalo ng Los Angeles Lakers sa Finals, 4-2. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 13, 2025



Photo: Oklahoma City Thunder vs Nuggets - FB



Higanteng tagumpay ang nauwi ng bisita at numero unong Oklahoma City Thunder laban sa Denver Nuggets, 92-87 at itabla ang 2025 NBA Western Conference Semifinals sa 2-2 kahapon sa Ball Arena. Isang panalo na lang ang kailangan ng Indiana Pacers para pagbakasyunin ang numero uno ng East Cleveland Cavaliers matapos ang 129-109 desisyon sa Game 4. 

       

Matiyagang humabol ang OKC mula sa 81-73 sa unang minuto ng huling quarter hanggang maagaw ang lamang sa tres ni Cason Wallace at hindi na nila binitawan sa nalalabing 8 minuto, 75-73. Inihatid ni Shai Gilgeous-Alexander ang pandiin na puntos papasok ng huling 2 minuto, 88-81, at sinelyuhan ng apat na free throw ni Jalen Williams sa huling 20 segundo ang resulta. 

     

Bumawi si SGA mula sa “malamyang” ipinakita sa 104-113 talo sa Game 3 kung saan 18 puntos lang siya. Ngayon, ipinasok niya ang siyam ng kanyang 25 sa huling quarter.  

     

Double-double si Nikola Jokic na 27 at 13 rebound. Lilipat ang serye sa Paycom Center para sa Game 5 sa Miyerkules at babalik sa Ball para sa Game 6 sa Biyernes at kung kailangan ng Game 7 ay sa Lunes sa Paycom. 

       

Sa gitna ng pagiging hirap ng mga koponan na ipagtanggol ang tahanan ngayong semifinals, nanigurado ang Pacers at dinomina ang laban para sa 3-1 bentahe sa serye. Nagtala ng 80 ang Indiana matapos ang unang 2 quarter at ang three-point play ni Pascal Siakam sa simula ng pangatlo ang nagtayo ng pinakamalaking agwat, 83-39. 

      

Nanguna sa atake sina Siakam na may 21 at Myles Turner na may 20 kahit hindi na sila ginamit sa huling quarter. Maaaring tapusin ng Pacers ang serye sa Game 5 sa Huwebes pagdalaw nila sa Rocket Arena.

      

Matapos magtala ng 41.3 sa unang tatlong laro, nalimitahan si Donovan Mitchell sa 12 lang. Nagtala ng 21 si Darius Garland.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page