ni Anthony E. Servinio @Sports | September 15, 2025

Photo : Tatag at tikas na hinadlangan ang malupit na atake ni Qatar Said Saad Sulaiman ng mga katunggaling sina #7 Bennie Belal at #6 Borislav "Bobby" Tuinstra ng The Netherlands sa ilang bahagi ng kanilang laban sa FIVB Volleyball Men's World Championships 2025 na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan pinadapa ng The Netherlands ang Qatar sa 4 sets 25-18, 25-23, 26-28, 25-23. (Reymundo Nillama)
Laro sa Martes – MOA
5:30 PM Pilipinas vs. Ehipto
Nagpasilip ng kanilang mga kakayahan ang mga susunod na haharapin ng Alas Pilipinas at sa huli ay nanalo ang Ehipto sa paboritong Iran, 3-1, sa ikatlong araw ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kahapon. Ipinakita ng mga Pharoah kung bakit sila ang kampeon ng Aprika – 25-17, 16-25, 25-23 at 25-20.
Maganda ang simula ng Ehipto at gumana agad ang mga palo nina Abdelrachman Elhossiny at Ahmed Shafik. Sumandal ang Iran sa pinagsamang 12 puntos nina Poriya Hossein at Ali Hajipour upang maagaw ang pangalawang set subalit hindi na binitiwan ng Ehipto ang panalo sa huling dalawang set.
Namuno sa Ehipto si Shafik na may 18 at Elhossiny na may 17 habang 12 si Seif Abed. Nagtapos na may 17 si Hajipour at 12 kay Poriya. Mauuna ang mga Pinoy sa Ehipto ngayong Martes at Iran sa Huwebes. Tanging ang unang dalawa lang sa bawat pool ang tutuloy sa knockout playoffs.
Mas madadalian na makapanood ang mga tagahanga matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng diskuwento ang mga ticket bilang bahagi ng paggunita ng kanyang ika-68 kaarawan noong isang araw. Makakabil pa rin online sa www.philippineswch2025.com o pumila sa takilya.
Sa ibang mga laro sa Araneta Coliseum, panalo ang Argentina sa Finland sa unang umabot ng limang set – 19-25, 18-25, 25-22, 25-22 at 15-11. Winalis ng Belgium ang Ukraine – 25-16, 25-17 at 25-22. Noong Sabado ng gabi, ginulat ng Bulgaria ang Alemanya – 40-38, 25-22 at 25-20. Tinalo ng FIVB #1 Poland ang Romania – 34-22, 25-15 at 25-19. Winalis ng Slovenia ang Chile – 25-19, 25-20 at 25-16. Tagumpay ang Netherlands sa Qatar – 25-18, 25-23, 26-28 at 25-23






