Iba't-ibang dahilan kaya nawawalan ng gana sa trabaho
- Jersey Sanchez
- Aug 26, 2019
- 2 min read

Kung may bagay na pareho sa romantikong relasyon at career, siguradong ito ay ‘passion’ o pagmamahal. Kapag nawala ito, nawawalan tayo ng gana na ipagpatuloy ang nasimulan nating career.
Hindi sa lahat ng pagkakataon, eh, sa pag-ibig lang tayo puwedeng makaranas ng heartbreak dahil puwedeng-puwede natin itong maranasan sa ating trabaho. Yes, lodi, ‘yung tipong para kang na-fall out of love sa trabahong minahal mo. Ouch! Anu-ano ang mga dahilan para mawalan ng pagmamahal sa trabaho?
1. HINDI NAA-APPRECIATE. Gaanuman karami ang ating nagawa at na-achieved, kapag hindi tayo nabibigyan ng recognition o credit na deserve natin ay nakakawalang-gana talaga. Malaking factor ang pagiging undervalued at uncredited para hindi ibigay ng empleyado ang kanyang best.
2. HINDI PAG-USAD NG CAREER. Maraming empleyado ang nawawalan ng ganang magtrabaho kapag pakiramdam nilang hindi na sila naggo-grow. Halimbawa, kapag hindi na sila natsa-challenge sa kanilang mga ginagawa, gayundin kapag hindi na sila natututo ng mga bagong bagay.
3. BURNOUT. Ito ang numero-unong dahilan ng pagkawala ng pagmamahal sa trabaho ng bawat empleyado. Madalas itong nangyayari tuwing ang empleyado ay hindi nakapagpapahinga, stressed at depressed. Kung gaano sila kapagod, mas nararamdaman nilang hindi para sa kanila ang trabaho na mayroon sila.
4. NABU-BULLY. Ang pambu-bully ay hindi lamang nararanasan sa paaralan gayundin, hindi lamang ito nababase sa pisikal na pananakit dahil puwede rin itong gawin sa pamamagitan ng pamamahiya, power tripping at iba pa.
5. KAKULANGAN NG BENEPISYO AT SUWELDO. Aminin man natin o hindi, malaking factor din ito pagdating sa ating career. Kapag sa tingin ng empleyado na hindi napapantayan ng privilege na nakukuha niya ang kanyang effort, dito siya nawawalan ng interes sa kanyang trabaho.
6. KAKULANGAN SA RESOURCES. Halimbawa, ang mangingisda na walang fishing net, gaanuman niya kagustong mangisda, hindi niya ito magagawa kung kulang ang kanyang resources. Ganito rin sa empleyado, ang kakulangan sa gamit o resources ang nagde-demotivate para ibigay ang kanyang best.
For sure, may naranasan ka na sa mga nabanggit at kung patuloy mong nararanasan ang mga ito, hindi pag-alis sa trabaho ang solusyon, lodi. Tandaan, anuman ang problemang hinaharap natin, puwede tayong humingi ng tulong sa ating boss, HR department o career professional na maaaring makatulong sa atin. Kapit lang mga ka-Bulgar! Copy?




Comments