top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

DALAWANG DUWELO, 2 PINOY, UMANGAT

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jun 14, 2019
  • 1 min read

ITO ang naging kinalabasan nang humarap sa magkahiwalay na mga duwelo sina Efren “Bata” Reyes at Roberto “Superman” Gomez sa Estados Unidos. Sa loob ng apat na araw ng bakbakang tinaguriang “Champions Challenge One Pocket: Old School vs. new School”, nagpatalbugan ng tikas sina Reyes at ang katunggaling Amerikanong si Billy Thorpe sa Arena Billiards ng West Monroe, Los Angeles.

Sa unang araw, umungos ang Kapampangang alamat ng bilyar sa iskor na 10-8.

Nakabawi naman kinabukasan si Thorpe, 10-7. Gitgitang umaatikabo ang napanood ng mga miron sa pangatlong araw sa isang hill-hill (10-9) na panalo ni Reyes.

Sa pang-apat na araw ng tunggaliang may tuntuning unahan sa tatlong panalo, sinelyuhan na ng dating world champion at ngayon ay retirado nang si Reyes ang tagumpay sa iskor na 10-8.

Kung nanalo si Thorpe, magkakaroon pa ng panglimang araw na bakbakan. Sa kabilang dako, sa Fortworth, Texas, sumakay si Roberto “Superman” Gomez sa 38 - 35 na kalamangan patungo sa 50-47 na tagumpay kontra kay Justin “Iceberg” Bergman sa kanilang salpukang binansagang “Clash of the Titans”.

Unahan sa 50 panalo ang naging panuntunan sa face-off na inorganisa ng Sully Vision.

Halagang $20,000 ang kapwa naibulsa ng dalawang pambatong manunumbok mula sa Pilipinas.

Samantala, pasok si Carlo “The Black Tiger” Biado sa World 10-Ball Championship na gaganapin sa Las Vegas ngayong Hulyo. Seeded si Biado sa main draw dahil sa pagiging World Pool-Billiard Association (WPA) no. 3 cue artist nito base sa pinakahuling ranking.

Bukod kay Biado, kasali na rin si Jeffrey Ignacio, 4th placer sa World Chinese 8-Ball Tournament sa Qinhuangdao, China, sa prestihiyosong torneo matapos itong mangibabaw sa isang qualifier sa US noong Abril.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page