Nakilala sa online dating site | COED, NI-RAPE NG CHATMATE
- Maeng Santos
- Jun 6, 2019
- 1 min read

KALABOSO ang isang Indian national matapos umanong halayin ang 20-anyos na college student habang ikinulong naman nito sa banyo ang kaibigan ng biktima sa Valenzuela City.
Kinilala ang suspek na si Praveenkuamar Karunaneeth, 24, 2nd year medical student sa Our Lady of Fatima University at residente ng Bgy. Marulas, na naaresto ng Barangay Marulas Anti-Criminality Tasked Forced Officer (ACTO).
Batay sa imbestigasyon, matapos magkakilala ang suspek at ang biktimang itinago sa pangalang ‘Merly’ sa online dating site noong May 31, inimbita ng lalaki ang babae sa kanyang bahay na pumayag naman sa kondisyong kasama ang kanyang kaibigan na si alyas Mari, 28.
Alas-12:00 ng hatinggabi nang dumating ang mga kaibigan sa bahay ng suspek at makalipas ang maikling pag-uusap, inalok umano ng lalaki ang dalawa na uminom ng alak.
Matapos makaubos ng isang baso ng beer, nahilo ang biktima kaya pinatulog ito ng suspek sa kanyang kuwarto habang si ‘Mari’ ay pumasok sa banyo upang umihi subalit, ikinandado umano siya ng lalaki sa loob.
Nang magawang makalabas ni ‘Mari’, umakyat ito sa ikalawang palapag ng bahay para hanapin ang kaibigan at nagulat siya nang makitang ginagahasa na ito ng suspek habang walang malay.
Nang komprontahin ni ‘Mari’ ang suspek, pinagbantaan umano siyang papatayin kung tatangkain nitong lumabas ng bahay.
Gayunman, nagawang makatawag sa cellphone ni ‘Mari’ at nakahingi ng tulong sa kanyang ate na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso.





Comments