“PAKIRAMDAM KO, HANDANG-HANDA NA AKO KONTRA BRONER”- PACMAN
- BULGAR

- Jan 15, 2019
- 2 min read

HANDA na umano sa bakbakan si Filipino boxing champ Manny Pacquiao at dedepensahan niya ang hawak na WBA welterweight championship laban sa Amerikanong challenger na si Adrien Broner sa Sabado sa Las Vegas, (Linggo sa Manila).
Ito uli ang unang laban ni Pacman sa Estados Unidos mula noong Nob. 2016 nang kanyang tilarin si Jessie Vargas at masungkit ang WBO version ng welterweight strap. Ito rin ang unang depensa ni Pacman ng kanyang WBA crown na napagwagian niya noong Hulyo 2018 nang pabagsakin si Lucas Matthysse ng Argentina sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Handang-handa na tayo para sa laban,” saad ni Pacquiao sa isang panayam sa “Umagang Kay Ganda” kahapon na lumabas sa Philboxing. “It’s all set – timing andoon na, ‘yung kundisyon natin, andoon na.”
Para kay Pacman, si Broner ay dating protégé ni Floyd Mayweather Jr. at mahirap kasagupa dahil sa bilis nito. Pero kumpiyansa siyang kaya na niyang tapatan ang kalabang challenger na mas bata sa kanya. “Mayroon tayong strategy na in-apply natin for this training camp, and we can use it in the fight, especially ‘yung head movement, quickness ng punches ko, and footwork,” paliwanag ni Pacquiao. “‘Yun ang mga talagang minaster natin for this training camp, para magamit natin for the fight,” dagdag niya.
Ang panalo para kay Pacquiao kontra Broner ay maaring humantong sa rematch kontra undefeated Mayweather sa huling bahagi ng taon na ito. Naiulat na rin na nabubuo na muli ang negosasyon para sa rematch nila ni Floyd Mayweather Jr., na tentative pa sa Hulyo sa Las Vegas, Nevada.
Ang mga lugar ng London, Russia, at United Kingdom ang mga napipili na venues ng next fight, ayon sa report. Nanaig si Mayweather kay Pacquiao sa bisa ng unanimous decision nang magsagupa sila noong Mayo 2015. (MC)





Comments