top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 06, 2021



Ngayong Hulyo ay ating ginugunita ang National Disaster Resilience Month. Napapanahon ito ngayong humaharap tayo sa pinakamalaking sakuna na nararanasan ng buong mundo — ang pandemya ng COVID-19. Dapat talagang matiyak na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay mas matatag upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat mag-aaral.


Hinihimok natin na mapatatag pa ang basic education sector at ang kakayahan nitong maghatid ng angkop na kaalaman at wastong pagsasanay sa gitna ng mga sakuna at anumang emergency situations upang patuloy na maitaguyod ang new o better normal sa edukasyon.


Dahil sa naging pinsala ng COVID-19, lalong nakita ang pangangailangang patatagin at gawing mas flexible ang sistema ng edukasyon, lalo na tuwing kinakailangang magsara ng mga paaralan. Mahigit 26.5 milyong mga mag-aaral sa basic education ang kinailangang sumailalim sa distance learning pagkatapos mahinto ang face-to-face learning noong Marso 2020.


Sa pagpapaigting sa edukasyon sa gitna ng mga sakuna, mahalaga para sa atin ang papel ng mga lokal na pamahalaan, lalo na ang mga local school boards. Isa sa mga probisyon sa Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards ang mas pinalawig na papel ng mga local school boards. Sa ilalim ng panukalang-batas, magiging papel na rin ng local school board ang paghahatid ng napapanahon, organisado at localized na mga intervention para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at mga sakuna.


Isinusulong din ng 21st Century School Boards Act ang mas pinalawig na paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang magamit sa mga hindi pormal at distance education classes, pati na rin sa mga training programs.


Isinusulong din ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1565 o ang Education in the Better Normal Act, kung saan itinataguyod ang paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo at pag-aaral kabilang na ang homeschooling, online learning, pagtuturo sa radyo at telebisyon at mga printed modules.


Sa panahon ng mga krisis pang-kalusugan, dapat tukuyin sa mga plano ng pagbabalik-eskuwela ang mga hakbang tulad ng disinfection ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng public health supplies, preventive public health programs, teacher training sa disease prevention and management, at iba pa.


Sa ilalim din ng panukalang-batas, ang mga mental health services, life skill classes at psychosocial first aid ay ihahatid sa mga mag-aaral. Para naman sa mga mag-aaral na may kapansanan at nangangailangan, isinusulong ang pagkakaroon ng abot-kaya at angkop na mga serbisyo.


Umaasa tayong sa pamamagitan ng mga panukalang ito ay maiaangat natin ang kalidad ng edukasyon ng mga kabataang mag-aaral at mapahahalagahan ang kanilang kinabukasan sa kabila ng pinagdaraanan nating mga pagsubok at suliranin.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 24, 2021



Isinusulong ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 2250 o ang panukalang Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021, kung saan maaaring magamit ang satellite upang makakuha ng internet signal mula sa Internet Service Provider (ISP) na magkokonekta sa mga gumagamit ng internet. Ibig sabihin, ang ISP ang magpapadala ng fiber internet signal sa satellite na nasa kalawakan. Gamit ang satellite dish, ito ang pagkukunan ng signal ng modem upang magkaroon ng koneksiyon sa internet.


Mahalaga ang paggamit ng satellite technology bilang alternatibong solusyon sa pagkakaroon ng mas maaasahang internet connection, lalo na sa malalayong lugar sa bansa na walang imprastruktura ng mga telecommunications companies.


Ang problema sa ating bansa, bukod sa kulang sa imprastruktura, limitado pa rin ang bilang ng mga nagbibigay-serbisyo pagdating sa internet connectivity. Kaya kahit sabihin pang bumibilis na ang internet sa ilang mga siyudad, hindi pa rin ramdam lalo na sa mga liblib na probinsiya na walang cell sites o towers.


Marami pa rin ang hindi gumagamit ng digital technology sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang virtual platforms na naging paraan para mabawasan ang pisikal na interaksiyon magmula noong magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19. Nasa 45% ng mga Pilipino at 74% ng pampublikong paaralan sa buong bansa ang walang internet connectivity. Ngunit mas malala ang sitwasyon sa Visayas at Mindanao dahil wala pa sa 40% ang naitalang gumagamit sa kanila ng internet.


Kung tutuusin, hindi na bago ang satellite-based internet dahil ginagamit na ito ng mga maraming bansa upang makapagbigay ng internet service, lalo na sa mga lugar kung saan malaki ang hamon ng paglalagay ng wired o mobile networks.


Naniniwala tayong ang pagsasaayos ng internet access sa bansa ay makapagbibigay-daan upang dumami ang mga mamumuhunan sa sektor ng Information and Communications Technology (ICT) at mapalawak pa ang digital infrastructure upang masiguro ang universal access sa internet, lalo na sa mga lugar kung saan gumagamit ng online government services na may kinalaman sa kalusugan, pakikipagkalakalan, pinansiyal, paghahanda sa sakuna, kaligtasan ng publiko at pati na sa sektor ng edukasyon, lalo na ngayong distance learning ang umiiral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 22, 2021



Kamakailan ay naghain ang inyong lingkod ng resolusyon upang suriin sa Senado ang kahandaan ng sektor ng edukasyon para sa school year 2021-2022. Layon ng Senate Resolution No. 739 na suriin ang kakayahan ng mga paaralan na maghatid ng de-kalidad na edukasyon sa anumang paraan para sa susunod na school year — sa pamamagitan man ng face-to-face classes o ng distance learning.


Sa inihaing resolusyon, ang itinutulak dito ay ang agarang pagsusuri sa pagiging epektibo at sa mga hamong kinahaharap ng distance learning para sa SY 2020-2021, kabilang na ang kakulangan ng gadgets, problema sa kuryente, internet connection, angkop na espasyo sa pag-aaral at kalidad ng mga modules. Ilan din sa mga natukoy na isyu ay ang epekto ng kakulangan ng pisikal na pakikipag-ugnayan, labis na screen time at maging ang pressure na nagiging sanhi ng depresyon ng mga batang mag-aaral. Kung matatandaan sa mga nakaraang balita na may ibang mag-aaral na nasangkot sa “sagot-for-sale” at sa “online sex sale” upang makalikom lamang ng pantustos sa distance learning.


Lumabas sa pinakahuling Pulse Asia survey, na kinomisyon ng inyong lingkod, na wala pang kalahati (46%) ng mga Pilipinong may anak sa basic education ang nagsasabing natututo ang kanilang anak. Nasa 30 porsiyento ang nagsasabing hindi nila matukoy kung natututo ba o hindi ang kanilang anak, habang 25 porsiyento naman ang nagsasabing hindi natututo ang kanilang mga anak.


Lumabas din sa naturang survey na karamihan sa mga suliraning hinaharap ng mga magulang, guardians at mag-aaral ang hirap sa pagsagot ng modules (53%), paputul-putol na internet connection (43%), hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig sa online learning (42%), at kawalan ng gadgets para sa online learning (36%).


Trabaho rin natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa face-to-face classes, lalo na’t ang mahigit isang taong pananatili sa mga tahanan ay mayroon ding hindi magandang epekto sa mga kabataan.


Sa isa ngang pagdinig na isinagawa sa Senado nitong taon, tinukoy ng Philippine Pediatric Society (PPS) na ang pagsasara ng mga paaralan ay naiuugnay sa mas mataas na panganib ng karahasan, pang-aabuso at maagang pagbubuntis. Sa madaling salita, habang tumatagal ang panahon ng pagkakaantala ng pagbabalik-eskuwela, mas lumalalim pa ang suliranin sa pinsalang idinudulot nito sa mga mag-aaral.


Pagkatapos ng isang taon ng distance learning kung saan marami tayong hinarap na mga hamon, mahalaga at napapanahong matiyak natin kung paano magagamit ang mga natutunan para masigurong sa susunod na school year ay magiging mas epektibo ang paghahatid natin ng edukasyon sa mga kabataang Pilipino.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page