top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 02, 2021



Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ng inyong lingkod ang panukalang-batas na layong pabilisin ang pag-abot ng “zero illiteracy” sa ating bansa.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2348 o ang National Literacy Council Act, ang Literacy Coordinating Council (LCC), na nabuo dahil sa Republic Act No. 7165 ay magiging National Literacy Council. Isinusulong din ng naturang panukala ang pagkakaroon ng three-year roadmap upang makamit ang zero illiteracy.


Ayon sa 2019 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), anim sa 100 na Pilipinong may edad na lima pataas ang hindi pa rin maituturing na “basically literate.” Ibig sabihin, may anim na milyong Pilipino ang hindi makapagbasa at makapagsulat na may pag-unawa sa mga simpleng mensahe.


Sa parehong taon, walong porsiyento ng mga Pilipinong may edad 10 hanggang 64 ang lumalabas na functionally illiterate. Ibig sabihin, halos pitong milyong Pilipino sa age group na ito ang walang sapat at angkop na kakayahang makilahok sa pang-araw-araw na gawain gamit ang wikang panulat.


Sa ating pagsugpo sa illiteracy, mahalaga ang magiging papel ng Alternative Learning System (ALS) habang ang mga Local School Boards (LSBs) naman ay magsisilbing de-facto local literacy councils. Alam nating ang ALS ay sistema ng non-formal education na nagbibigay-oportunidad sa mga hindi nakapag-aral o hindi nakatapos sa ilalim ng pormal na sistema. Kasama rin sa layunin ng ALS na linangin ang literasiya ng mamamayan.


Sa ilalim ng panukalang-batas, ang technical secretariat ng Council ay ililipat sa Bureau of Alternative Education (BAE) para sa administrative at technical support. Sa ilalim ng Republic Act No. 11510 o ang ALS Act, ang BAE ay itinatag upang pamunuan ang pagpapatupad ng mga programa para sa ALS.


Ang pagpapakilos sa mga LSBs naman ay sang-ayon sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11315 o Community-Based Monitoring System (CBMS) Act, kung saan binibigyan nito ang mga lokal na pamahalaan at komunidad ng kakayahang gumawa ng sarili nilang database para sa mas mabisang pagdisenyo, pag-target, at impact monitoring ng mga programang pangkaunlaran at laban sa kahirapan.


Sa isinusulong nating panukalang-batas, mahalaga ang magiging papel ng parehong ALS at ng ating mga lokal na pamahalaan upang makamit ang zero illiteracy sa bansa. Ang pag-abot ng zero illiteracy ang isa sa mga unang mahalagang hakbang upang matiyak na wala tayong kababayang mapagkakaitan ng magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 26, 2021



Para maiwasan ang pag-urong ng kaalaman ng kabataan dahil sa mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan, naghain ang inyong lingkod ng panukalang-batas na nagsusulong sa remedial program sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, ang mga mag-aaral ay makatatanggap ng libreng tutorial sessions.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, ang naturang programa ay kikilalanin bilang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Kabilang sa magiging benepisaryo ng ARAL Program ay ang mga hindi nag-enroll noong School Year 2020-2021 at iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science. Saklaw ng ARAL ang tinaguriang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.


Upang linangin naman ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral, bibigyang-prayoridad ng programa ang Reading o pagbasa na kabilang sa mga most essential learning competencies sa ilalim ng Language. Layon din ng panukalang programa na linangin ang mga foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang iangat ang kanilang literacy at numeracy competencies.


Isasagawa ang mga tutorial sessions sa pamamagitan ng face-to-face, online, o blended learning kung saan maaaring isagawa tuwing weekends ng school year o kaya naman ay tuwing semestral breaks.


Magsisilbing tutor para sa ARAL ang mga guro at para-teachers na bibigyan ng karampatang sahod para sa kanilang serbisyo. Ang mga kuwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo ay maaaring mag-volunteer bilang tutor na dapat makapasa sa mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd). Ang kanilang mga serbisyo para sa dalawang semestre ay ituturing na pagkumpleto ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP).


Magiging mandato naman sa mga Public Telecommunication Entities (PTEs) ang pagbibigay sa mga mag-aaral at tutor ng libreng access sa online educational platforms ng DepEd, kabilang ang mga digital libraries at iba pang online knowledge hubs.


Layon din ng programang ARAL ang pagbibigay ng nutritional, social, emotional, at mental health support sa mga mag-aaral. Isinusulong din ng panukalang-batas ang mga mass awareness campaigns upang hikayatin ang mga mag-aaral na magbalik-eskuwela. Kabilang sa mga hakbang na isinusulong upang matugunan ito ay ang pagkakaroon ng flexible dates sa enrollment, pagpapatuloy ng school feeding programs, pagkakaroon ng sapat na pasilidad sa sanitation at hygiene at pagpapatupad ng mga public health protocols.


Sa pamamagitan ng isinusulong nating ARAL Program, maiiwasan natin ang pag-urong ng kaalaman ng mga mag-aaral at matutulungan natin silang makahabol sa kanilang pag-aaral. Ito ay magiging bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 24, 2021



Hinihimok ng inyong lingkod ang mga local government units (LGUs) na magtalaga ng mga sign language interpreters upang matulungan ang mga pipi at bingi na nakatakdang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19.


Isang halimbawa nito ay sa Valenzuela City kung saan may mga sign language interpreters sa mga COVID-19 vaccination centers. Maliban sa pagpapabakuna, makatutulong din ang mga sign language interpreters sa pagpapamahagi ng ayuda.


Ang panawagan natin ng pagtatalaga ng sign language interpreters ay upang makapag-communicate sila sa mga deaf and mute pagdating sa vaccination at pati na rin sa pagkuha nila ng ayuda.


Sa ilalim ng Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language (FSL) Act, kinikilala ang FSL bilang pambansang sign language ng Pilipinas. Isinusulong at sinusuportahan ng naturang batas, kung saan ang inyong lingkod ay isa sa mga co-authors, ang paggamit ng FSL sa komunikasyon at transaksiyon para sa mamamayang may problema sa pandinig.


Isinusulong din ang FSL sa ilalim ng mga batas tulad ng Republic Act No. 10410 o ang Early Years Act of 2013 at ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.


Ang Senate Bill No. 1907 o Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act na ating inihain bilang sponsor at co-author ay nagsusulong ng pagkakaroon ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.


Ang mga panukalang ILRC ay maghahatid ng mga serbisyo tulad ng linguistic solutions para sa mga deaf learners, speech-language pathology and audiology services, physical and occupational therapy, counseling and rehabilitation, serbisyong medikal at transportasyon, at iba pa.


Magkakaroon ang mga ILRC ng mga multidisciplinary teams na binubuo ng mga propesyunal at eksperto tulad ng special needs teachers, educational psychologists, guidance counselors, psychometricians, developmental pediatricians, physical therapists, speech and language therapists, at iba pa.


Mahalagang maalalayan natin nang husto ang kabataan at nakatatandang PWDs (persons with disabilities) natin, lalo na’t hindi lahat sa kanila ay may guardians. Asikasuhin natin sila at tutukan natin ang kanilang kapakanan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page