top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 24, 2023




Isang linggo mula nang tumaas ang singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy ang reklamo ng maraming gumagamit dito sa lumalalang sitwasyon ng trapiko, lalo na kapag peak hours.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat inudyok na muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

“Imbes na magtaas ng toll sa NLEX, dapat inobliga ng TRB ang NLEX Corporation na ayusin ang problema sa choke points sa kahabaan ng toll road. Dapat sinukat muna ng TRB ang performance ng expressway,” ani Gatchalian.

Sinabi pa ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isang sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth.


Dapat ding tiyakin, aniya, ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng isang maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.

Sinabi rin ng senador na ang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng NLEX ay inaasahang lalala pa kapag nagbukas na sa 2027 ang bagong international airport na itatayo sa Bulacan.

Ipinatupad kamakailan ng NLEX ang provisional toll adjustment na karagdagang P7 sa “open system” nito para sa Class 1 na sasakyan tulad ng mga kotse, jeepney, van, o pickup mula Balintawak hanggang Marilao sa Bulacan.


May karagdagang toll fee naman na P17 para sa Class 2 na sasakyan tulad ng mga bus at light truck at karagdagang P19 para sa Class 3 na sasakyan tulad ng mga malalaki at mabibigat na trailer truck.


Sa “closed system” naman, nagbabayad na ngayon ang mga motorista ng karagdagang P26 para sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para sa Class 3 mula Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.


Batay sa Consolidated Resolution ng TRB Case Nos. 2018-02 at 2020-07 ng TRB, staggered basis ang pagpapatupad ng toll increase sa 2023 at 2024.


Nangangahulugan na bukod aniya sa pagtaas ng toll ngayong taon, magkakaroon pa ng karagdagang pagtaas sa susunod na taon.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 28, 2023




Umapela si Sen. Win Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na paalalahanan ang mga bangko na ang Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System Act ay nag-uutos sa kanila na tanggapin o kilalanin ang national ID bilang sapat na patunay ng pagkakakilanlan ng taong gumagawa ng transaksyon.


Sinumang tumanggi, aniya, ay pagmumultahin ng P500,000.


Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng patuloy na mga reklamo na ang ilang bangko ay tumatangging kilalanin ang national ID bilang patunay ng pagkakakilanlan dahil ang card mismo ay walang pirma ng may-ari nito.


Ayon sa senador, malinaw sa Memorandum No. M-2021-057 na ang hindi pagsama ng isang sulat-kamay na lagda bilang bahagi ng Philippine identification (PhilID) ay sinadya at kahalintulad ng national ID system sa ibang bansa tulad ng India, Singapore, Malaysia, Thailand, Vietnam, at iba pa. Layon nitong isulong ang mas higit na seguridad sa mga transaksyon sa pamamagitan ng mas malakas na paraan ng pag-verify at mas mababang panganib ng pamemeke.


Ang pagpapatunay ng pagkakakilanlan ay ginagawa sa pamamagitan ng PhilID physical security features, QR code digital verification, biometric verification, at SMS one-time password (OTP).


"Hindi na kailangan ng ibang valid ID kung ang national ID lang ang dala-dala," sabi ni Gatchalian, na binibigyang-diin na ang national ID ay isang opisyal at sapat na patunay ng pagkakakilanlan.


Hinikayat din ni Gatchalian ang publiko na isumbong sa BSP ang mga bangkong hindi tumanggap ng national ID para sa kanilang bank transactions.


 
 

ni Lolet Abania | January 7, 2022



Ipinahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Biyernes na nagpositibo siya sa test sa COVID-19.


Sa isang tweet, sinabi ni Lacson na sumailalim siya RT-PCR nitong Martes, Enero 4, at ang resulta ay lumabas nitong Huwebes, Enero 6.


“Immediately informed all my Jan. 3 physical contacts of my Jan 4 Covid-positive test result which was released only last night, Jan. 6 so they can take extra precautions to protect their loved ones and others,” sabi ni Lacson.


“Thank God no one is exhibiting symptoms. Wearing our masks helped much,” ani pa ng senador.


Samantala, una nang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian ngayon ding Biyernes na nagpositibo siya sa test sa COVID-19.


Sa kanyang Twitter, binanggit ni Gatchalian na nakararamdam siya ng mild symptoms at naka-self-quarantine na sa ngayon.


“Following strict health protocols, I went on self-quarantine away from family, friends and the public,” sabi ni Gatchalian.


“So far, I am only experiencing mild symptoms from the virus and this goes to show that the vaccines are effective and working against it,” dagdag ng senador.


Hinimok naman ni Gatchalian ang publiko na tanggapin “kaagad” ang nakatakdang booster shots.


“I will be back to work in no time as we wind down the 18th Congress,” ani pa Gatchalian.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page