top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 27, 2021



Bagama’t mahigit isang libong paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang isolation facilities, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na pabilisin ang pagpapatayo ng mga quarantine centers at field hospitals, lalo na’t ngayon ay patuloy na napupuno ang mga ospital ng mga pasyenteng may COVID-19.


Hindi natin maaaring gamitin nang matagalan ang paggamit sa mga paaralan bilang mga isolation facilities o evacuation centers sa panahon ng kalamidad. Hindi ito nakatutulong upang itaguyod ang kaligtasan ng mga paaralan, lalo na sa ilalim ng new normal. Bukod pa rito, nakaaantala rin sa ligtas na pagbubukas ng mga eskuwelahan para sa mga mag-aaral ang matagal na paggamit sa mga paaralan sa tuwing mayroong sakuna.


Sa ibang bansa, ipinatatayo ang mga field hospitals upang paigtingin ang kakayahan ng mga health care system na pangalagaan ang mga pasyenteng may COVID-19. Nito lang nakaraan ay nag-anunsiyo ang Thailand na maglalagay ng 10,000 field hospital beds matapos maitala ang muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kanila. Noong nakaraang taon naman, umabot sa 13,000 libong pasyente ang ginamot sa 16 temporary hospitals sa Wuhan, China na dating tinaguriang global epicenter ng pandemya.


Noong nakaraang taon din, ang Lungsod ng Valenzuela ay naglagay ng centralized isolation facilities sa Balai Banyuhay at sa Valenzuela Astrodome, kung saan inilagay ang mga modular tents at higaang pang-militar para magamit ng mga pasyente. Ang Balai Banyuhay ay drug rehabilitation at treatment facility sa aming lungsod.


Ang mabilis na pagpapatayo ng field hospitals at quarantine centers ang paraan upang mabigyan natin ng agarang atensiyon ang mga kababayan nating nagkakasakit. Sa halip na masanay tayong gumamit ng mga paaralan bilang isolation facilities o evacuation centers, ang dapat nating tiyakin ay ang pagkakaroon ng sapat at angkop na mga pasilidad para sa mga nangangailangan ng tulong medikal.


Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, muling isinusulong ng inyong lingkod ang ating panukalang magkaroon ng evacuation center ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Sa ilalim ng Senate Bill No. 747 o Evacuation Center Act na inihain noong 2019, ang mga evacuation center ay magsisilbi lamang na pansamantalang tirahan para sa mga naapektuhan ng mga sakuna, kabilang ang mga outbreak ng mga sakit.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 13, 2021



Sa kabila ng mandato ng Republic Act 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RPRH Law) na nakatuon sa angkop na reproductive health education, lumabas sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong Marso na may mga kakulangan ang programang health education ng gobyerno tulad ng pagkakaroon ng sapat na teacher training at learning materials para sa pagtuturo.


Nais bigyang-diin ng inyong lingkod na dapat tutukan at paigtingin ang pagtugon ng Department of Education (DepEd) sa mga kakulangang ito lalo na’t kinatatakutang darami pa ang bilang ng mga batang ina sa bansa dahil sa lockdown measures bunga ng pandemya.


Kamakailan ay iniulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na may 2,422 sanggol sa Cordillera na ipinanganak mula sa teenage parents noong 2020, kung saan mas mataas ito ng halos 50 porsiyento mula sa 1,654 na naitala noong 2019. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng pitong porsiyento ang bilang ng mga batang ina na may may edad 15 pababa sa buong bansa noong 2019 kung ikukumpara noong 2018.


Nagpalabas na noon pa lang ang DepEd ng Department Order (DO) 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng sexuality education. Ngunit ayon sa pag-aaral ng PIDS, lumalabas na may kakulangan pa rin sa manpower, mga pasilidad, pagsasanay, instructional materials, pakikipag-ugnayan at sistema ng pag-monitor.


Sa isinagawang focus group discussions (FGD) ng PIDS kasama ang mga guro, lumalabas na hindi sapat ang mga pagsasanay na isinagawa na may kaugnayan sa sexuality education. Bagama’t ang DepEd ay sumusunod sa karamihan ng mga probisyon ng batas, sinabi ng PIDS sa pag-aaral nitong kailangang paigtingin pa ang programa upang maisakatuparan ang RPRH Law.


Ilang taon na ang lumipas mula nang magkaroon tayo ng batas sa Reproductive Health at magkaroon ng polisiya ang DepEd sa usapin ng Comprehensive Sexuality Education o CSE. Ngunit ang nakalulungkot na katotohanan ay talagang may mga kakulangan pa rin tayong nakikita upang maging mas mabisa ang pagtuturo ng CSE sa ating mga paaralan.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariin nating isinusulong ang sapat na pagtuturo ng CSE sa lalong madaling panahon. Inaasahan natin ang mabilis na pagtugon ng DepEd, mga paaralan at mga guro sa sa usaping ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 1, 2020



Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais nating

bigyang-diin ang mahalagang probisyon na ating ipinanukala sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kung saan pinahihintulutang gamitin ang Special Education Fund o SEF para sa distance learning sa darating na pasukan.


Sa ilalim ng Bayanihan 2, maaaring gamitin ng mga local government units o LGUs ang

kanilang SEF para sa iba’t ibang pamamaraan at kagamitan para sa pagtuturo. Kabilang dito ang pagpapatupad ng online learning, pag-imprenta at pagpapamahagi ng mga self-learning modules.


Puwede na ring gamitin ang SEF para sa pagpapatayo ng mga handwashing stations at pagbili ng mga public health supplies tulad ng sabon, alcohol, sanitizers, disinfectants, thermometers, face masks at face shields.


Sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang SEF ay

nagmumula sa isang porsiyentong buwis na pinapataw sa mga ari-arian. Ang pondong ito ay kadalasang ginagamit para sa pagpapagawa ng mga gusali sa paaralan. Ayon sa kasalukuyang batas, ginagamit din ang SEF para maipambili ng mga kagamitan at mga aklat, pati na rin sa pananaliksik.


Mayroong ilang LGUs na gumagamit na ng kanilang SEF para sa distance learning kahit na hindi pa epektibo ang Bayanihan 2. Ngunit mas mainam nang mayroong batas na magma-mandato upang patuloy na ang paggamit ng naturang pondo sa ilang pangangailangan sa eskuwela hanggang sa pormal nang magbukas ang klase sa Oktubre.


Sa mga paghahanda para sa pagbubukas ng klase ngayong taon, nakita natin kung gaano kahalaga ang papel ng LGUs upang masigurong hindi maaantala ang ligtas at maingat na pag-aaral ng mga estudyante sa gitna ng banta ng COVID-19.


Kaya isinulong ng inyong lingkod sa Bayanihan 2 na magamit ng mga ito ang kanilang SEF upang matiyak natin na ang bawat LGU ay may dagdag na kakayahang tugunan ang

pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral, guro at kawani ng mga paaralan.


Dahil sa ang bisa ng Bayanihan 2 ay hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon lamang, nand’yan na rin ang inihain nating panukalang batas na nagsusulong ng pangmatagalang pagpapalawig sa paggamit ng SEF para sa distance learning — ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act.


Sa ilalim ng nasabing panukala, maaari ring gamitin ang SEF para sa sahod ng mga guro at iba pang empleyado ng mga pampublikong paaralan. Layon din nito na gamitin ang SEF para sa sahod ng pre-school teachers at sa pagpapatakbo ng programang Alternative Learning System o ALS.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page