top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 06, 2021



Ngayong nirerepaso na ng Department of Education (DepEd) ang basic education curriculum na balak simulang ipatupad sa 2022, dapat na ring tugunan ang mga suliranin sa pagpapatupad ng “spiral progression approach” at Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na mandato sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533).


Sa ilalim ng MTB-MLE program, dapat gumagamit ng regional language o kinalakihang wika ang pagtuturo, teaching materials, at assessment ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3. Mula Grade 4 hanggang Grade 6 naman, ang parehong Filipino at English ay unti-unting gagamitin sa pamamagitan ng language bridge program. Ang mga wikang ito ay sila ring gagamitin sa high school.


Kapag sinabi nating “spiral progression approach,” ang pinag-uusapan dito ay sistema ng pagtuturo kung saan magsisimula sa simpleng ideya, paksa at unti-unting ginagawang komplikado habang binabalik-balikan ng mga mag-aaral para mas maging pamilyar sa kanila ang aralin habang pataas sila nang pataas ng antas ng pag-aaral.


Para masuri ang MTB-MLE at spiral progression approach na pawang ipinatutupad na sa ngayon, ang inyong lingkod ay nagsagawa ng workshop para sa mga guro noong isang taon sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation.


Base sa naging resulta ng workshop, kakaunti o halos walang guro ang may training para magturo ng maraming sangay ng subject na naaayon sa sistema ng spiral progression approach. Halimbawa na lang sa kaso ng mga Science Teachers, lumalabas na sila ay walang sapat na pagsasanay o training para magturo ng iba’t ibang sangay ng Science tulad ng Biology, Chemistry at Physics. Pagdating naman sa MTB-MLE, ilan sa mga natukoy na problema ang kakulangan ng sapat na learning materials at teacher training sa paggamit ng mother tongue.


May mga pag-aaral na tumutukoy sa mga pagkukulang ng parehong MTB-MLE at spiral progression approach. Sa isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Philippine Normal University (PNU) ukol sa paggamit ng spiral progression sa Chemistry, napag-alamang kulang sa tuon at lawak ang nilalaman ng mga aralin gamit ang spiral progression. Idiniin din ng pananaliksik ang pangangailangan para sa sapat na pasilidad at mga kwalipikadong mga guro.


Ayon naman sa discussion paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kabilang sa mga hamon sa programa ang kakulangan ng kahandaan ng mga paaralan at mga guro, pati na rin ng mga textbooks at learning materials.


Bagama’t maganda ang layunin ng mother tongue policy at spiral progression approach, maraming pagkukulang sa pagpapatupad ng mga ito. Kaugnay sa pagreporma ng DepEd sa kurikulum, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture kailangang makahanap tayo ng mga paraan para matugunan ang mga pagkukulang na ito upang matiyak nating nakatutulong ang mga polisiyang ito sa pagkatuto ng mga kabataang mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 04, 2021



Sa gitna ng ating pagsisikap na ipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya, nakita natin na ang laptop o gadgets at internet ay para na ring tubig at kuryente para sa ating mag-aaral at kanilang pamilya. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lang hindi sila konektado sa internet o kaya naman ay wala silang magamit na laptop o anumang gadgets para sa pag-aaral.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawig ng access sa internet at mga gadgets para sa mag-aaral na nangangailangan nito.


Sa 1,200 na lumahok sa survey ng Pulse Asia mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit 60 porsiyento ang may anak o inaalagaan sa basic education. Maraming magulang o guardians ang nagsabing internet connection at kawalan ng gadgets ang problemang nararanasan nila sa distance learning. Mahigit 40 porsiyento sa kanila ang nagsabing paputol-putol ang kanilang internet connection, higit 36 porsiyento naman ang nagsabing wala silang gadgets sa bahay, at 30 porsiyento naman ang nagsabing namamahalan sila sa gastos sa internet.


Bagama’t lumabas sa 2019 National ICT Household Survey na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng sambahayang may internet (33.2 porsyento), lumabas sa survey ng Pulse Asia na sa NCR din pinakalaganap ang suliranin sa paputul-putol na internet at mataas na gastos sa internet. Bagama’t hindi masyadong laganap ang kakulangan ng gadgets sa NCR, mas laganap naman ito sa ibang bahagi ng Luzon (41 porsiyento), Visayas (33 porsiyento) at Mindanao (34 porsiyento).


Ayon din sa 2019 National ICT Household Survey, 82.3 porsiyento ng mga sambahayan ang walang internet. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (95.5 porsiyento) at Region IX (93.8 porsiyento) ang may pinakamataas na bilang ng mga sambahayang walang access sa internet.


Noong nakaraang taon, iminungkahi na ng inyong lingkod ang paglalagay ng cell site sa mga pampublikong paaralan para mapalawig ang access at paggamit ng internet sa buong bansa. Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Public Education Network (PEN) ay nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na patayuan ng mga common towers ang mga pampublikong paaralan. Balak ding maghain ng inyong lingkod ng panukalang-batas upang mabigyan ang mga mag-aaral sa bansa ng laptop at internet allowances.


May pandemya o wala, mahalaga na pagsikapan nating maabot ang bawat kabahayan gamit ang internet, at mabigyan natin ang mga batang estudyante ng wastong kagamitan at teknolohiya na kanilang magagamit sa pag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 29, 2021



Ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey tungkol sa mga suliraning pang-edukasyon sa gitna ng pandemya, wala pang kalahati sa bilang ng mga magulang o mga guardian ang nagsabing natututo ang kanilang mga anak o inaalagaan na nasa basic education.


Sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa mga magulang mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit 60 porsiyento sa 1,200 na kalahok ang may anak o inaalagaan sa basic education. Wala pang 50 porsiyento sa mga magulang o guardians ang nagsabing natututo ang kanilang anak o inaalagaan, habang 25 porsiyento o isa sa apat ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak. Tatlo sa sampu o 30 porsiyento naman ang hindi matukoy kung natututo ang kanilang mga anak o hindi.


Kung susumahin ang mga hamon sa ilalim ng distance learning, pinakamaraming magulang o 53 porsiyento ang nagsabing hirap sila sa pagsagot sa modules. Pinakamarami sa kanila ay taga-Mindanao (74 porsiyento). Nakita rin sa survey ang mga itinuturing na educational inequalities sa mga socioeconomic groups, lalo na’t ang mga nabibilang sa Class E (71 porsiyento) ay mas hirap sa pagsagot sa modules kung ihahambing sa mga nasa Class D (52 porsiyento) at Class ABC (35 porsyento).


Malaki ang impluwensiya ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak, kaya kung hirap ang mga magulang na intindihin ang mga modules, inaasahang hirap din ang maraming mag-aaral. Bukod sa maraming magulang ang nagsabing kulang ang panahon nila upang magabayan ang kanilang mga anak sa ilalim ng distance learning, base sa survey 66 porsiyento naman ang nagsabing may panahon man silang magturo ay nahihirapan pa rin sila dahil hindi sila nakapagtapos.


Kung pagbabatayan ang 2015 Family Income and Expenditure Survey (FIES) noong 2017, 54 porsyento ng mga household heads ng bansa ang hindi nakatapos ng high school.


Bagama’t pinagsisikapan nating ituloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, hindi kaila na marami pa rin sa mga mag-aaral ang hindi natututo sa ilalim ng distance learning. Ipinakikita lamang nito na dapat tutukan ng ating pamahalaan ang kalidad ng distance learning at ang pagbibigay ng prayoridad sa edukasyon sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya.


Kung hindi natin tututukan ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa kalagitnaan at sa pagtatapos ng pandemya ay mas lalo pang mapag-iiwanan ang mga kabataan.


Sa kalagitnaan ng pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program, nais nating bigyang-diin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang kahalagahan ng paghahanda para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan upang matugunan ang mga epekto ng matagal nitong pagsasara, kabilang na ang pag-urong ng kaalaman ng kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page