top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 10, 2021



Bilang Chairman ng Committee on Basic Education Arts and Culture sa Senado, suportado ng inyong lingkod ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad kontra COVID-19 dahil makatutulong ito sa pagbabalik-normal ng sektor ng edukasyon at sa ligtas na muling pagbubukas ng mga eskuwelahan.


Nitong linggo lang ay inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na papayagan nang bakunahan ang mga batang may edad na labing anim hanggang labing pitong taong gulang (16-17) na mayroong comorbidity. Kailangan lang silang makakuha ng clearance mula sa kanilang doktor.


Gayunman, sinabi ng DOH na dahil sa mababa ang panganib sa mga kabataan na mahawa ng COVID-19 at hindi pa sapat ang mga bakunang dumarating sa bansa, uunahin na lang muna raw na bakunahan ang mga nasa priority list. Kung ikukumpara ang sitwasyon sa Amerika kung saan maraming kabataan na ang naospital o kaya ay dinala sa Intensive Care Unit (ICU), halos kalahati na ng populasyon ng mga nasa edad na 12 pataas ay naturukan na ng bakuna.


Habang hinihintay natin ang bakuna para sa kabataan, mainam na rin na maghanda ang mga lokal na pamahalaan para sa kanilang pagbabakuna. Bahagi ng paghahanda ang pagpapakilos sa mga health workers hanggang sa lebel ng barangay. Dapat ding maging katuwang ang mga paaralan sa programa ng pagbabakuna, lalo na sa pagbibigay-impormasyon tungkol sa bisa ng bakuna.


Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, may 20 bilyong piso ang kinakailangan para mabakunahan ang 15 milyong kabataang may edad na 12 hanggang 17 habang 55 bilyong piso naman ang kinakailangan para sa mga booster shots para sa 85 milyong teenager at nakatatanda, ayon pa sa kalihim.


Mahigit 82 bilyong piso ang inilaan ng gobyerno para sa pagbabakuna ngayong taon pero sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na kakailanganin pa ng dagdag-halaga para mabakunahan ang mas marami pang Pilipino tungo sa pagkakaroon ng herd immunity. Upang makalikom ng sapat na pondo para sa pinalawig na vaccination program, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order (AO) No. 41. Sa ilalim ng naturang AO, dapat tukuyin ng mga ahensiya at tanggapan sa ilalim ng ehekutibong sangay ng ating pamahalaan ang kanilang mga savings mula sa 2020 General Appropriations Act (GAA).


Kung mababakunahan natin ang mga kabataan, tataas ang kumpiyansa nila at ng kanilang mga magulang na bumalik sa kanilang paaralan. Dapat simulan na natin ngayon ang paghahanda upang maayos at mabilis na maipamahagi ang mga bakuna para sa kanila.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 03, 2021



Dapat pag-ibayuhin ang pagpapatupad sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang Free Tuition Law upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon para sa mahigit isang milyon nating mga kabataang mag-aaral.


Ang isa sa mga dapat tutukan ay ang automated na pagproseso ng pamamahagi ng tuition at miscellaneous fees upang hindi madagdagan ang pasaning pinansiyal ng mga paaralan at mag-aaral. Ayon sa discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maaaring mag-abono ang mga paaralan o kaya naman ay maipasa sa mga mag-aaral ang mga gastusin kung hindi ma-reimburse ang tuition at miscellaneous expenses.


Sa ilalim ng batas, dapat munang isumite ng mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) ang kanilang billing requirements bago matanggap ang kanilang reimbursement. Bago pa maipatupad ang batas sa libreng kolehiyo, ang binabayaran ng mag-aaral ay ginagamit pantustos sa operasyon ng mga paaralan. Noong Setyembre 2020, matatandaang mayroong 12 SUCs at LUCs na hindi nakatanggap ng kanilang reimbursement dahil sa isyu sa compliance, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).


Ipinakita ng pandemya na kinakailangan ang automation upang mapabilis ang pagproseso sa mga dokumento at pagpapamahagi ng pondo. May dalawang panukala ang inyong lingkod na makatutulong sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo. Ang Senate Bill No. 1793 o ang Full Digital Transformation Act of 2020 ay layong magbigay ng komprehensibong E-Government (eGov) services sa publiko bago magwakas ang 2022. Matutulungan nito ang CHED, SUCs at LUCs na isulong ang zero contact policy at pabilisin ang paghahatid ng serbisyo.


Ang panukalang “One Filipino, One Bank Account” naman ay makatutulong sa mabilis na pamamahagi ng ayuda, kabilang ang Tertiary Education Subsidy (TES). Sa ilalim ng naturang panukala, ang pagbubukas ng bank account o virtual wallet ay mahalaga upang diretso nang matanggap ng account holders ang mga tulong-pinansiyal. May kalahating milyong benepisaryo ang TES na nakatatanggap ng karagdagang tulong-pinansiyal para sa mga gastusing may kinalaman sa pag-aaral.


Kung inyong matatandaan, ang inyong lingkod ang kauna-unahang nagsulong ng Free Tuition Law para sa mga estudyante sa kolehiyo. Ang unang bersiyon ng ating panukalang-batas na House Bill No. 5905 ay inihain noong Hulyo 6, 2015 habang tayo ay kongresista pa. Pagtuntong natin sa Senado noong 2016 ay muli natin itong inihain (Senate Bill No. 198) hanggang sa naging ganap nang batas.


Naniniwala tayo na ang maayos na pagpapatupad ng Free Tuition Law ay nangangahulugang magpapatuloy ang edukasyon sa milyung-milyong mag-aaral sa kolehiyo. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon sa pinsala ng pandemya, kailangang palawakin natin ang papel ng teknolohiya upang matiyak ang mabilis at mabisang serbisyo sa mga mag-aaral, kolehiyo at mga pamantasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 27, 2021



Habang patuloy ang mga suliraning dulot ng COVID-19 pandemic sa pagpapatuloy ng edukasyon para sa mga guro at mag-aaral na may kapansanan, isinusulong natin ngayon ang pagrepaso ng Senado sa estado ng paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) para sa deaf education sa ilalim ng K to 12.


Layon ng Senate Resolution No. 722 na inihain ng inyong lingkod na suriin ang iba’t ibang isyu at suliranin ng deaf teachers at learners sa paggamit ng FSL, bagay na iminandato ng Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language Act na naisabatas noong 2018.


Sa ilalim ng naturang batas, ang FSL ay itinuturing na pambansang sign language. Bago ito isinabatas, ang mga programang pang-edukasyon para sa sign language at interpreter training ay isinasagawa lamang ng iilang nonprofit organizations. Wala ring mga polisiya ang pamahalaan samantalang ang mga guro ay napipilitan ding magsilbi bilang interpreter lamang. Madalas din noong ma-pull out ang mga guro sa pagtuturo upang maging interpreter sa mga korte at mga istasyon ng pulis.


Nakababahala na hindi naipatutupad nang maayos ang naturang batas, partikular na ang kakulangan sa training o pagsasanay para sa mga guro. Hindi naisusulong ang pagbibigay ng lisensiya sa deaf teachers at nananatiling kulang ang mga kagamitan sa pagtuturo para rito — ito ang mga hamon na lalong nasilip at nabigyang-diin sa ilalim ng distance learning ngayong pandemya.


Para sa school year 2016-2017, lumabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na may halos 3,000 Special Education Teachers na nagtuturo sa mahigit 13,000 na mag-aaral sa K to 12 na nasuring may kapansanan sa pandinig.


Nais din nating bigyang-diin na ang Licensure Examination for Teachers ay hindi dinisenyo upang maging tugma sa training ng mga deaf teachers. Dahil dito, ang mga deaf graduates ay nagiging mistulang tutor imbes na magkaroon ng maayos na trabaho sa pormal na sistema ng edukasyon.


Noong naisabatas ang Filipino Sign Language Act, sinikap nating maging mas madali para sa ating mga deaf learners at teachers ang makilahok sa sistema ng ating edukasyon, ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang nahihirapan.


Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture ay susuriin natin nang mabuti kung paano matutugunan ang mga suliraning ito upang hindi mapag-iwanan ang ating mga deaf learners at teachers.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page