top of page
Search
  • BULGAR
  • Aug 20, 2024

ni Ronalyn Seminiano Reonico @What's In, Ka-Bulgar | August 20, 2024



What's In, Ka-Bulgar


Sa lilim ng ulap, asul na tila pira-pirasong diyamante,

Musika ng uniberso, awit ng alon na tila higante,

Buhangin sa baybay na tila mga ginto ng biyaya,

Sa lilim ng araw, buhay ay tila isang pangarap na ligaya.


Ngunit sa ilalim ng pinalang araw, lihim ay nakakahon,

Dagat ay nagkukuwento ng mga tanong sa bawat alon.

Kislap ng mga bituin, dala-dalay kakaibang kulay,

Tunay na sumisimbolo ng pagsasalamin ng buhay.


Sa ilalim ng dagat, makikita ang katotohanan at mga aral.

Na ito ay isang paglalakbay ng mga pangarap at dasal,

Ngunit ang totoong aral ay sa lupa, sa bawat hakbang ng buhay.

Tunay na ligaya’y wala sa baybayin, kundi sa sandali ng buhay.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 23, 2024

ni Ronalyn Seminiano Reonico - @What's In, Ka-Bulgar | July 23, 2024



What's In, Ka-Bulgar

Isa, dalawa, tatlo.

Tatlong bituin at isang araw.

Dating bughaw na langit,

Bakit ngayo'y pula't luha ang tanaw?


Bagong bayan ngunit hirap ang hatid,

Mga Pilipinong bisig, ngayo'y tila walang saglit.

Bayang Pilipinas, niyurakan ng kapwa,

Panahon na ba ng pagbabago, o ng pagyurak sa diwa?


Pagbabagong naglulubog sa karimlan,

Pagbabagong kay poot, kay pait ng kasaysayan.

Ilang dugo pa ba ang dapat ilaan,

Upang Pilipinas ay mapalaya sa sariling laman?


Mamamayang uhaw sa yaman at kapangyarihan,

Bagong Pilipinas, para sa bayan o pitaka ang hangad?

Pitakang walang hangganan, kaban ng sambayanan,

Nasaan ang pagbabago, para sa bayan o sariling kalakasan?


Naririnig ba ang daing ng bawat isa?

Pagsamo'y pakinggan, huwag ipagwalang-bahala.

Ngunit isang pitik ng gatilyo ang iginanti,

Mga dugong nagkalat, hindi ba natin makita?


Kung hindi tayo, sino ang magsisilbing tinig?

Tinig ng bayang lumuluha, nagdurusa sa panganib.

Palayain ang bayan laban sa sariling dugo,

Palayain ang bayan sa panganib na maglaho.


Gising, Pilipinas! Tama na ang pananahimik,

Magsalita ka para sa bayan, sa bagong pag-ibig.

Para sa tunay na malayang bagong Pilipinas,

Isigaw ang tinig, para sa ating kinabukasan.

 
 
  • BULGAR
  • Aug 9, 2022

ni Lyricko Seminiano - @What's In, Ka-Bulgar | August 9, 2022


Ilalapag ko lang itong bago kong nilapis,

Para sa mga halos dugo na ang pinawis,

Na walang ibang ninais,

Kundi makawala sa buhay na hinapis.


May mga bagay na sa isip ay sumagi’t nagpa-teka,

Kaya gamit ang panulat ay humabi na ng letra,

Dahil sa pagsubok na tila buhawi na sa puwersa,

Kung kinulang ka ng bente ay bumawi ka ng trenta.


Ang lahat ng kabiguan ituring mong inspirasyon,

Lahat ng kahinaan ay gawin mong kalakasan at dedikasyon,

Dahil wala namang easy na buhay,

Nasayo nalang kung paano mo isinabuhay.


Ikaw ang direktor ng buhay mo sapagkat,

Sa bawat pagkakamali dapat handa ka sa pag-cut,

At sa bawat paglubog pilitin mong umahon,

Dahil ang buhay ay tungkol sa kung paano ka bumangon.

Pamamaraan niya ay higit magtiwala upang merong mapala,

Minsan ‘yung akala mong walang-wala ka na, biglang meron pa pala,

Sa mga oras na problema’y dumarating na tila walang pagsala,

Tandaan na sa pinakamadidilim na gabi, mas nagliliwanag ang mga tala,

Pagkat ang musika ng buhay ay ‘di laging nasa tono, minsan sintunado,

Magkagayunman, umawit pa rin nang buong kasiyahan,

Dahil sa mundong hindi sigurado,

Pag-ibig niya ang katiyakan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page