top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 23, 2021



ree

Nabakunahan na ng AstraZeneca COVID-19 vaccine si Pasig City Mayor Vico Sotto noong Sabado. Ipinost ni Sotto sa Facebook ang larawan niya habang binabakunahan at aniya ay pang- 57,858 Pasigueño na siyang nabakunahan.


Saad pa ni Sotto, “Ilang linggo na rin akong kinukulit ng Vaccination Team natin na magpabakuna na. Nasa kategoryang A1 ang mga mayor. Gusto ko naman talagang magpabakuna, pero lagi kong naiisip na may mga mas dapat unahin na high risk, katulad ng seniors... pero napagtanto ko na ang pagbabakuna ay hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa lahat ng nakakasalamuha ko... kahit na nag-iingat ako at umiiwas ako sa physical contact, hindi pa rin maiiwasan ang makipag-meeting at bumaba sa ground para sa trabaho.”



ree

Hindi na siya umano nakihati pa sa mga may nais maturukan ng Pfizer kaya AstraZeneca ang ginamit sa kanya. Saad pa ni Vico, “Para po sa mga magtatanong, AstraZeneca po ang ginamit sa 'kin.. hindi na ako nakihati sa dami ng humihingi ng Pfizer - bakit pa?? Eh, ganu’n din naman ‘yun... Lahat ng aprubadong brand, nasa 100% ang proteksiyon sa severe at bumababa ang tsansa na makapanghawa kung magkasakit man ang nabakunahan na.”


Ayon din kay Sotto, limitado pa sa ngayon ang suplay ng bakuna kasabay ng panawagan niya sa publiko na ihanda ang mga sarili para makapagpabakuna kapag dumami na ang suplay sa susunod na mga buwan.


Aniya pa, “Limitado pa rin po ang supply pero inaasahan natin, dadami na ito sa susunod na mga buwan. Kaya habang naghihintay, ihanda na natin ang mga sarili natin. Makinig sa eksperto at 'wag sa forwarded message sa Viber. Tandaan natin, hindi lang ito para sa mga sarili natin, kundi para sa ating lahat.”

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 12, 2021



ree

Umapela si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga nagpapadala sa kanya ng larawan ng pagpapabakuna sa puwet sa isinagawang COVID-19 vaccination program sa lungsod.


Ayon kay Sotto, dalawang tao ang nagpadala sa kanya ng larawan kung saan makikitang binabakunahan sila sa puwet.

Aniya, “So, minsan may nagpapadala sa akin, parang nakadalawa na yata ano, picture nila, binabakunahan sila sa puwet. Ngayon, okay lang naman na mabakunahan sa puwet, normal ‘yan, medikal naman ang usapan, pero pakiusap, ‘wag n’yo na pong i-send sa akin.


"Ang dami ko na pong iniisip, ‘wag n’yo na pong idagdag 'yung puwet ninyo sa iniisip ko."


Ayon kay Sotto, ang ilang residente ng Pasig na may tattoo sa kanilang braso ay maaaring bakunahan sa puwet.


Aniya pa, “Nabanggit ko nga kanina, may mga nagse-send sa akin ng picture pero alam n’yo, nagpapasalamat ako roon, ‘no! (Pero) minsan kasi, 'pag may tattoo, bawal magpaturok sa braso, hindi puwede sa tattoo side ‘yung injection, eh.


"'Pag sa braso, okay lang, i-send n’yo sa ‘kin. Pero sa mga iba, kung sa puwet, ‘wag n’yo na pong i-send.”


Simula noong Marso, ipino-post ni Sotto sa kanyang social media account ang larawan ng mga medical frontliners at iba pang residente ng Pasig City na nabakunahan na.


Samantala, ayon sa Public Information Office, ngayong Lunes, may 3,455 kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pasig City.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 24, 2021



ree

Natapos na ang 14-day quarantine ni Pasig City Mayor Vico Sotto, batay sa inilabas niyang pahayag sa kanyang social media account nitong Martes, Marso 23.


Aniya, “My last night of quarantine! Nag-negative ako sa PCR test nu'ng ika-apat na araw mula exposure, kaya safe ‘yung nakasalamuha ko pa nu'ng March 12. Kahit negative, tinapos ko pa rin ang 14 days dahil ito ang sabi sa DOH Guidelines.


Maaari kasing nag-i-incubate pa lang ang virus." Matatandaang sumailalim siya sa quarantine matapos mamatay dahil sa COVID-19 ang kanyang driver at kabilang siya sa naging close contact nito.


Gayunman, iginiit niya na kahit naka-quarantine ay nagtatrabaho pa rin siya bilang alkalde, habang ang City Hall ay nasa Alternative Working Arrangement.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page