top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 4, 2021



Sinagot ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang batikos ni dating Mayor Bobby Eusebio na hindi nararamdaman ang diwa ng Pasko sa lungsod dahil walang makikitang mga pailaw at Christmas decorations.


“Mayroon naman, hindi lang siguro siya nakakaikot, hindi lang ganoon karami,” pahayag ni Mayor Vico hinggil sa social media post ni former Pasig Mayor Bobby Eusebio sa kakulangan ng holiday decor sa lungsod.


Ayon pa kay Sotto, priority nila ang pagpapamahagi ng Christmas food packs sa lahat ng households sa lungsod.


“Halimbawa, ang nabibigyan lang dati ng Pamaskong Handog, kung sino lang yung malapit sa nakaupo. Ngayon binibigyan natin lahat ng bahay dito. 'Yun 'yung hinahanap ng tao," paliwanag ng alkalde.


“Ako, bilang mayor, kung ano 'yung gusto ng tao, 'yun 'yung binibigay natin using their funds," dagdag niya.


Umabot sa P234.6 milyon ang halaga ng food packs na siyang ipapamahagi sa 375,000 kabahayan sa Pasig City.


Sa ilang social media post, binatikos ni Eusebio ang kasalukuyang local administration dahil hindi umano nag-effort na lagyan ng Christmas decorations ang Pasig City.


“Parating na siya si Hesukristo ang ating manunubos. Pasig, Ano na ang nangyari? Walang parol? Walang kumukutitap sa kalsada? Hindi maramdaman ang diwa ng Pasko," pahayag ng former mayor.


“Saludo kami sa mga LGUs, Barangays, na patuloy sa paggunita ng Kapaskuhan sa kabila ng pandemic ay hindi ito naging hadlang upang ibahagi ang diwa ng Pasko sa kani-kanilang mga nasasakupan," dagdag niya.


Sagot naman ni Mayor Vico, “It's a matter of prioritization lalo na sa panahon ng pandemiya. Parang hindi rin tama na sobrang magarbo.”


"May ilaw naman, hindi lang ganun ka bongga, but mayroon pa rin naman," dagdag pa ni Sotto.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 7, 2021



Nagbabala si Pasig City Mayor Vico Sotto sa kumakalat na email na gumagamit ng kanyang pangalan at imahe ng lungsod.


Nakasaad sa nasabing email na magkakaroon umano ng distribusyon ng food packs para sa mga empleyado ng kanilang city hall.


Ayon sa alkalde, walang katotohanan ang nilalaman ng nasabing email.


Ipinaliwanag din na ibang email address ang ginamit sa nasabing pagpapakalat at hindi ang official email address ng kanilang lungsod.


Pati ang Pasig Branding o logo ay iba ang ginamit at ang ilang salita ay mali ang pagkakasulat kaya’t malinaw daw na ito ay gawa-gawa lamang ng mga gustong makasira sa imahe ng alkalde.


Nanawagan naman si Mayor Vico na agad makipag-ugnayan sa kanilang opisina sakaling makatanggap ng scam email.

 
 

ni Lolet Abania | August 13, 2021



Nasa 41 katao ang hinuli ng LGU ng Pasig City habang ipinasara ang isang events place matapos na magsagawa ng birthday party sa kabila ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.


Sa isang Facebook post ni Pasig City Mayor Vico Sotto ngayong Biyernes, sinabi nitong inatasan na ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng lungsod ang pagpapasara sa nabanggit na lugar na matatagpuan sa Axis Road sa Bgy.


Kalawaan. Ayon kay Sotto, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na party, kung saan hindi ito makikita mula sa main road dahil sa tagong lugar.


“Ang titigas ng ulo!” caption ni Sotto. “Kung gusto nating bumalik sa mas normal na pamumuhay, sumunod po tayo sa health protocols. Tandaan – #ECQ pa ngayon,” dagdag ng mayor.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page