top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA - @Sports | June 01, 2021




Ang muling pagbalik sa bansa ng Philippine basketball prodigy na si Kai Sotto ay inaasahan kagabi para makasama siyang lumaro ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup qualifiers na gaganapin sa Clark. Gayunman, may duda kung makakasama si Sotto ng all-cadets Gilas squad sa pagsabak sa Asia Cup qualifiers dahil kailangan pa niyang sumailalim sa quarantine protocols bago makapag-ensayo kasama ng Nationals.

Dahil dito,wala na rin umanong plano ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isama pa si Sotto sa Gilas cadets sa bubble training ng mga ito sa Laguna upang hindi na makagulo pa sa ginagawa nilang paghahanda. Gaganapin ang Fiba Asia Cup sa Hunyo 16-20 habang ang mandatory quarantine na ipinatutupad ay 14 na araw kung kaya wala ng panahong makapag-ensayo si Sotto kasama ng Gilas cadets.

Matatandaang nagpahayag si SBP program director Tab Baldwin na kinakailangan ni Sotto ng mahaba-habang panahon para makapaghanda bago siya makalaro kasama ng Gilas sa mga international tournaments.

Kapag hindi nakalaro sa FIBA Asia Cup qualifiers, inaasahang makakasama na siya ng Gilas sa final Olympic Qualifying Tournament sa Serbia simula sa Hunyo 29.Nakatakdang makatunggali ng Gilas sa Olympics qualifier ang Dominican Republic at host Serbia sa Group A.Ang Top 4 finishers sa nabanggit na torneo ang siyang pagkakalooban ng Tokyo Olympic slots.

 
 

ni VA - @Sports | May 31, 2021




Apat na Filipino para-swimmer sa pangunguna ni Ernie Gawilan ang magtatangkang gawing pormal ang kanilang Tokyo Paralympics stint sa gaganaping World Para Swimming World Series sa Hunyo 17-20 sa Berlin, Germany.


Ang iba pang para-swimmers na kasama ni Gawilan ayon kay head coach Tony Ong ay sina 2018 Asian Para Games silver medalist Gary Bejino, Roland Sabido at Arnel Aba.Qualified na si Gawilan sa Tokyo Paralympics subalit kailangan pang repasuhin ng Davaoeñong swimmer ang classification para ganap na maging pormal ang ikalawang sunod na Paralympic appearance nito.


Nauna ng nag-qualify si Gawilan para sa Tokyo Games nang lampasan niya ang minimum Paralympic qualifying standard sa kanyang gold-medal finish sa 400-meter S7 freestyle event noong 2018 Asiad.


Base sa International Paralympic Committee, ang S7 ay klasipikasyon para sa mga para-athletes na may "one leg and one arm amputation on opposite sides" o "paralysis of one arm and one leg on the same side." "Si Ernie kung makikita mo 'yung legs niya...meron siyang legs pero buto't balat lang or wala siyang muscle na kasama. 'Yun yung kanyang ire-reclassify...kasi kung may laman or muscle 'yun, definitely nasa S8 sya," paliwanag ni Ong.


Umaasa si Ong na pagkatapos ng review classification race ay mapapabilang si Gawilan sa mas mababang sports class sa S7 dahil sasabak din ito sa 200-meter individual medley event sa Tokyo kung saan kailangang lumangoy ng breaststroke ang swimmer sa isang lap. "For the breaststroke event, because napakaimportante ng kick sa breaststroke...hopefully bumaba 'yung kanyang class doon kasi hindi sya nakaka-kick ng malakas because of the legs niya and the IM (individual medley) will follow," wika pa ni Ong.


Maliban sa 400-meter freestyle at 200-meter individual medley events,sasali rin si Gawilan sa 100-meter backstroke sa Tokyo. Sa backstroke event nagwagi ng gold si Gawilan sa 2018 Asiad katabla ng Japanese swimmer na si Daisuke Ejima.


Magtatangka naman si Bejino na mag-qualify sa 400-meter freestyle at 200-meter individual medley events sa pamamagitan ng bipartite slot.


Ang Bipartite Commission Invitation ay isang qualification method para sa mga para-athletes na hindi nagkaroon ng tsansang mag-qualify sa Paralympics sanhi ng mga tinatawag na "extraordinary circumstances."

 
 

ni VA - @Sports | May 27, 2021




Inumpisahan na ng national men's football team na mas kilala bilang Philippine Azkals ang kanilang training camp sa Doha, Qatar para sa kanilang paghahanda sa darating na FIFA World Cup at AFC Asian Cup joint qualifiers sa susunod na buwan.


Kahit na kalahati lamang ng bilang ng mga players ang nasa Qatar, hindi nagsayang ng oras ang Azkals at sinimulan na ang pagsasanay para mas patibayin ang kanilang chemistry at teamwork bago sumabak sa torneong nakatakdang ganapin sa Suzhou, China sa Hunyo 3-15.“First session in Doha is in the books,” nakalagay sa post ng Azkals sa kanilang opisyal na social media account.


Mula sa inaasahang 25-man pool, 13 lang ang naroon ngayon sa Doha at nagsasanay sa ilalim ni head coach Scott Cooper.Pinamumunuan ni skipper Stephan Schrock ang players na nasa camp na kinabibilangan ng mga beteranong sina Angel Guirado, Alvaro Silva, Mark Hartmann at Patrick Reichelt kasama ang young guns na sina Jarvey Gayoso, Mar Diano, Bernd Schipmann at Michael Kempter.


Samantala, hinihintay ng Azkals management ang pagsunod sa Doha ng United City FC center-back at isa ring miyembro ng Azkals Developmental squad na si Justin Baas bilang pinakahuling karagdagan sa national pool.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page