ni VA - @Sports | August 07, 2021

Inangkin ng Petro Gazz ang 4th at last slot matapos nilang walisin ang kanilang laban kontra Sta. Lucia Lady Realtors noong Huwebes ng gabi. Humataw ng matitinding hits at blocks ang Petro Gazz upang makamit ang ika-apat na semifinals berth sa bisa ng straight sets-25-13, 25-21,25-22 panalo sa Sta. Lucia sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Tila hihirit pa ng 4th set ang Lady Realtors nang lamangan nila,17-15 ang Angels sa third set. Pero tumapos ng malakas ang Angels upang pigilin ang kanilang tangka.
Umarangkada ang Angels ng 10-5 run na natapos sa pamamagitan ng isang error ng Sta. Lucia para ganap na maangkin ang panalo,ang kanilang ika-6 sa loob ng walong laro.
Nanguna sa nasabing panalo ng Petro Gazz si Myla Pablo na umiskor ng 17 puntos kasunod si Riri Meneses na may 15 puntos tampok ang apat na kill blocks. Nalaglag naman ang Lady Realtors sa fifth spot taglay ang markang 5-4,panalo-talo. Sinamahan ng Petro Gazz ang mga naunang semifinalists Choco Mucho Flying Titans (6-1), Chery Tiggo Crossovers’ (6-2) at Creamline (7-1). Dahil dito,lahat ng natitirang mga laro sa eliminations ay magsisilbing tune-up matches na lamang para sa mga semifinalists at para sa final standings sa mga nabigong umusad sa semis.



