ni VA - @Sports | April 13, 2022

Umalis kahapon ang national women’s (indoor) volleyball team patungong Brazil para maghanda sa 31st SEAG na idaraos sa Mayo sa Hanoi kung saan target nila na makapag-podium finish.
Magsasanay sila sa bansang itinuturing na isa sa hotbed ng volleyball sa buong mundo sa ilalim ng paggabay ni Brazilian national player na isa na ngayong tanyag na coach na si Jorge Edson Souza de Brito. “We’re planning to play five or six tune-up games against top Brazilian clubs from SuperLiga A and under-21 teams,” pahayag ni de Brito sa ginanap na send off para sa team noong Lunes.
Umalis kagabi ang team patungong Sao Paulo at pagdating doon ay may kalahating oras pa silang land trip bago marating ang training camp sa Barueri kung saan magsasanay sila sa loob ng dalawang linggo.
Ang 14-member ng national team ay sina open spikers Alyssa Valdez, Jema Galanza at Ces Molina, opposite spikers Kat Tolentino at Mylene Paat; setters Kyle Negrito, Deanna Wong at Iris Tolenada; middle blockers Ria Meneses, Majoy Baron, Dell Palomata at Aby Maraño; at liberos Dawn Macandili at Kath Arado.
Susunod sa ķanila si middle blocker Jaja Santiago na manggagaling ng Japan. Kasama rin ng team na nagtungo ng Brazil sina head coach Odjie Mamon, Grace Antigua, trainers Raffy Mosuela at George Pascua at physical therapist Grace Gomez.
Samantala, handa na sa face-to-face clinics ang multi-awarded sports clinicians na Basketball Efficiency and Scientific Center (Best Center) makaraan ang mahaba-habang lockdowns dahil sa pandemic na nagsimula noong Marso 2021.
Magsisimula ang basketball at volleyball clinics sa Abril 18 sa Masambong basketball and Tennis Courts sa San Francisco Del Monte, Quezon City at sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary sa Guadalupe Viejo, Makati. Idaraos tuwing Lunes at Huwebes sa parehong venues ang sesyon ng Preparatory at Level 1 basketball at volleyball.
Simula sa Abril 20, Miyerkules at Sabado, ang sesyon ay para sa preparatory at level 1 basketball sa International Christian Academy SA Sucat, Paranaque City.



