- BULGAR
- Oct 28, 2022
ni Gerard Arce / VA - @Sports | October 28, 2022

Sa Disyembre 10, magbabalik at idaraos ang UAAP Season 85 Cheerdance Competition sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Unang magtatanghal ang season host Adamson Pep Squad na tumapos na runner-up noong Season 83. Susundan sila ng University of the East Pep Squad, ikatlo ang University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe, pang-apat ang De La Salle Animo Squad habang panglima ang Ateneo Blue Babble Battalion.
Ika- 6 na sasalang ang reigning champion Far Eastern University Cheering Squad kasunod ang National University Pep Squad na nagtatangkang muling mangibabaw makaraang magkampeong sa anim ng nakakalipas na walong edisyon ng kompetisyon.
Pinakahuling sasabak ang University of the Philippines Pep Squad, na kasalo ng UST na may pinakamaraming Cheerdance titles sa bilang na walo.
Samantala, nakatakda umanong magbalik sa Gilas Pilipinas line-up si 7-foot-2 center Kai Zachary Sotto para maglaro sa fifth window ng FIBA basketball World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre upang punuan ang kakulangan ng manlalaro dulot ng injuries.
Lumabas sa isang report na mabibigyan ng pagkakataon ang 20-anyos na stalwart na muling ibandera ang Pilipinas sa pagdayo ng koponan kontra sa Jordan sa Nob. 11 at Saudi Arabia sa Nobyembre 14.
Sadyang delikado ang posisyon ng mga manlalaro ng Gilas squad dahil sa pagkakaroon ng mga injuries at pagkakasabay ng mga laro ng PBA Commissioner’s Cup at 2nd round ng 85th UAAP.
Hinihintay pa ang kabuuang sagot ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa magiging lagay ng paglalaro ni Sotto na kasalukuyang sumasabak sa kanyang koponan sa Adelaide 36ers sa NBL Australia, subalit magkakaroon ng bahagyang oras upang makasingit ito ng laro.






