ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 17, 2021
Bibili ang United States ng karagdagang 200 million doses ng Moderna COVID-19 vaccine.
Ayon sa Moderna, kabilang sa 200 million doses ang option sa pagbili ng mga experimental shots na kasalukuyan pang ginagawa.
Sa kabuuang bilang ay umabot na sa mahigit 500 million doses ng Moderna ang in-order ng US.
Ayon sa Moderna, maaaring iturok sa mga bata o maging booster shots ang kanilang bakuna laban sa COVID-19.
Kasalukuyang nagsasagawa ang Moderna ng clinical trials para sa third booster shot ng awtorisadong bakuna kabilang na ang experimental shots.
Una nang nakatanggap ng emergency use authorization (EUA) ang Moderna para sa mga edad 18 pataas at nagsumite na rin ang naturang drug firm ng aplikasyon sa US para sa EUA ng kanilang COVID-19 vaccine para sa mga edad 12 hanggang 17.
Samantala, noong Agosto, nilagdaan ng pamahalaan ng US ang $1.53 billion deal sa Moderna para sa 100 million vaccine doses.