top of page
Search

ni Lolet Abania | July 3, 2022



Inimbitahan ni US President Joe Biden si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumisita sa Washington sa Amerika, ito ang kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ngayong Linggo.


Gayunman aniya, wala pang iskedyul na itinakda para pumunta si P-BBM.


“No schedule. Invitation as soon as schedule mutually agreed upon ‘by their teams,’” pahayag ni Romualdez sa GMA News.


Ayon sa ambassador, isang letter of invitation ang ibinigay kay Pangulong Marcos ni Second Gentleman Douglas Emhoff.


Si Emhoff ang nanguna sa presidential delegation na ipinadala ni Biden para dumalo sa inagurasyon ni P-BBM na ginanap noong Hunyo 30 sa National Museum of Fine Arts sa Manila.


Hiningan naman ng komento ang kampo ni Pangulong Marcos, subalit wala pa silang inilalabas na pahayag hinggil dito.


 
 

ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | June 11, 2022



Walang planong kumalas sina Pinay parbusters Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa kanilang mga pangarap na makapagparamdam sa professional women's golf sa buong mundo at sabay silang hahataw sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) Shoprite Classic sa Galloway, New Jersey ngayong weekend.

Hahataw ang dalawang pambato ng Pilipinas kasama ng mga malulupit na pangalan sa malupit na tour na nakabase sa Estados Unidos. Kabuuang $1,750,000 ang nasa palayok ng pabuyang puwedeng iuuwi ng mga mananalo sa tatlong araw na patimpalak na tatampukan ng 54 na butas sa par-71 na golf course.


Tiyak na gigil na makabawi sina Pagdanganan at Ardina matapos ang mapaklang mga laro nila sa prestihiyosong US Women's Open na ginanap sa Pine Needles Lodge and Golf Club ng Southern Pines, North Carolina.

Nakapasok sa weekend play si Pagdanganan, dating reyna ng Southeast Asian Games, at nakapagbulsa ng $19,777 sa US Open. Pero ito ay malayo sa trono dahil pang-68 lang siya sa kabuuan.

Samantala, bagamat nakahirit ng titulo na nagkakahalaga ng $30,000 sa Epson Tour si Ardina, 28-taong-gulang, nang magwagi ito sa Copper Rock Championships sa Utah kamakailan, naobliga naman siyang mag-empake pagkatapos lang ng dalawang rounds sa US Open dahil sa lumobong iskor. Ganito rin ang naging kapalaran ni 2021 US Open titlist Yuka Saso na ngayon ay kumakatawan na sa Japan.


 
 

ni Lolet Abania | April 9, 2022



Kinasuhan ang 11 katao, kabilang dito ang anim na Pilipino, ng grand jury sa Massachusetts dahil sa sham marriage scheme o pamemeke ng mga kasal na nagsasaayos umano ng daan-daang “green cards” nang ilegal, ayon sa pahayag ng US Department of Justice.



Ang 11 na kinasuhang indibidwal nitong Biyernes, kabilang ang 6 na Pinoy dahil sa sabwatan umano nila sa pamemeke ng kasal at mga immigration document ay sina:


• Marcialito Biol Benitez, a/k/a “Mars,” 48, Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Engilbert Ulan, a/k/a “Angel,” 39, Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Nino Reyes Valmeo, 45, Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Harold Poquita, 30, Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Juanita Pacson, 45, Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Felipe Capindo David, a/k/a “Pilipi” o “Peebles,” 49, pambansang Pilipino, naninirahan sa Los Angeles

• Peterson Souza, 34, Brazilian, naninirahan sa Anaheim, California

• Devon Hammer, 26, ng Palmdale, California

• Tamia Duckett, 25, ng Lancaster, Inglewood at Palmdale, California

• Karina Santos, 24, ng Lancaster, California

• Casey Loya, 33, ng Lancaster at Palmdale, California


Ayon sa US Justice Department, si Marcialito Biol Benitez umano ang nag-o-operate ng inilarawan nila bilang isang “agency” sa isang brick-and-mortar office at nagtatrabaho doon ang ibang defendants para magsaayos ng mga pekeng kasal sa pagitan ng mga clients at American citizens.


Base sa nasabing marriage, sina Benitez at kanyang staff ay nagsa-submit umano ng mga fraudulent immigration petitions sa US Citizenship and Immigration Services.


Si Benitez at iba pang indictees ay inakusahan din ng pagpa-file ng pekeng domestic violence visas sa kaso ng American spouse na naging “unresponsive or uncooperative.”

Isa sa mga kliyente naman ay residente sa Massachusetts.


Batay sa ulat, ihahanda at isusumite ng “agency” ang mga pekeng petisyon, aplikasyon at iba pang mga dokumento para pagtibayin ang mga pekeng kasal at baguhin ang status ng mga kliyente sa immigration, kapalit ng bayad na $20,000 hanggang $30,000 in cash para sa naturang serbisyo.


“Marriage fraud is a serious crime that threatens the integrity of our nation’s lawful immigration system,” ayon kay United States Attorney Rachael S. Rollins sa isang statement.


“These defendants’ alleged exploitation of this system for profit is an affront to our nation’s tradition of welcoming immigrants and prospective citizens. Their alleged fraudulent behavior makes things harder for the vast majority of immigrants who follow the law and respect our immigration system.”


Samantala, walo sa mga nasasakdal, kabilang na si Benitez, ang dinakip sa California.


Humarap sila sa federal court sa Central District ng California habang haharap sa korte sa Boston sa mga susunod na araw.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page