top of page
Search

ni Lolet Abania | February 22, 2022



Sa kabila ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi pa rin nagpapatupad ng mandatory repatriation ang pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Ukraine, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).


Sa isang interview ngayong Martes kay OWWA Administrator Hans Cacdac, tinatayang may 380 Pilipino ang nasa Ukraine, kung saan marami sa kanila ang naninirahan sa kapitolyo ng Kyiv.


Una nang naiulat na limang Pinoy na, kabilang ang isang sanggol, ang dumating sa bansa na mula sa Ukraine.


Gayunman, ayon kay Cacdac, hindi pa inilalagay ng pamahalaan sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Ukraine, kaya wala pang ipinatutupad na mandatory repatriation o evacuation para sa mga OFWs.


“Sa ngayon, ang approach ay tila wait and see. Tingnan kung ano ang mangyayari. Hindi pa nakataas ang highest alert level sa panig ng pamahalaan natin, sa side ng DFA (Department of Foreign Affairs) at POEA (Philippine Overseas Employment Administration), so wala pang mandatory repatriation,” paliwanag ni Cacdac.


Subalit, sinabi ng opisyal na handa namang tulungan ng Philippine Embassy sa Warsaw ang mga Pinoy sa Ukraine na nagnanais nang umuwi ng bansa.


“Sa huling pagkakaulat sa atin, ay may dalawa na nag-express ng interest na makauwi. Other than that, hindi pa natin nakikita ‘yung tinatawag na mass repatriation dito sa Ukraine,” sabi ni Cacdac.


Samantala, patuloy ang babala ng United States na posibleng salakayin ng Russia ang kalapit na bansa nitong Ukraine.


Batay sa report nitong Lunes (oras sa Russia), inatasan na ni Russian President Vladimir Putin ang kanyang militar na magtungo sa Donetsk at Lugansk, dalawang breakaway regions sa eastern Ukraine, makaraang kilalanin nito ang pagiging “independent” ng mga naturang lugar mula sa Ukraine.


Tiniyak naman ni Cacdac sa publiko na handa ang gobyerno sakaling isagawa na ang evacuation o repatriation para sa mga OFWs na nasa Ukraine.


“We will be ready. We stand ready, of course. This is not the first time that we will be doing this. Meron na ‘yang mga identified relocation points, exit points,” sabi pa ni Cacdac.


Nanawagan din ang opisyal na dapat na magtiwala sa political at security assessment na isinasagawa ng Philippine Embassy sa Warsaw patungkol sa estado ng mga Pinoy sa Ukraine.


“Kaya sila ang nandodoon para sila ang sumuri para sa atin. Siyempre iba pa ‘yung nasasagap natin sa balita, but our people on the ground will make the final call as to whether itataas ‘yung alert level. So far, ang assessment is hindi pa sapat para magkaroon ng Alert Level 4, ‘yung pinakamataas,” giit ni Cacdac.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 22, 2021




Patay ang 15 katao at 11 ang sugatan matapos masunog ang nursing home sa eastern Ukrainian town sa Kharkiv noong Huwebes nang hapon, ayon sa state emergency service.


Nagsimula umano ang sunog sa ikalawang palapag ng two-storey building kung saan 33 katao ang nasa loob. Mabilis namang ipinag-utos ni Ukraine's President Volodymyr Zelenskiy sa interior minister na imbestigahan ang naturang insidente.


Samantala, ayon sa isinagawang criminal investigation ng awtoridad, "careless handling of electric heating devices" ang itinuturong sanhi ng sunog.


 
 

ni Lolet Abania | September 2, 2020



Milyun-milyong bata ang naka-mask na pumasok sa eskuwelahan matapos na ipatupad ng gobyerno na balik-klase na ang mga estudyante sa kabila ng pagtaas ng Coronavirus infections na umabot na sa mahigit apat na milyon sa buong Europe.


Binuksan ang mga paaralan sa Russia, Ukraine, Belgium at France, kung saan ang mga guro at mga bata na nasa edad 11 pataas ay obligadong magsuot ng face coverings at sundin ang mga regulasyong ipinatutupad sa buong kontinente.


Gayunman, nang mag-impose ng lockdowns mula noong March, maraming mga estudyante ang naantala sa kanilang edukasyon, pati na ang mga oras nila sa mga kaibigan. "I've been waiting for this moment for a long time!" sabi ng isang 12-anyos na si Chahda sa AFP, na dumating sa paaralan sa southern French City ng Marseille.


Samantala, ang pinakamalaking school district sa New York City, USA ay nag-anunsiyo ng pag-antala ng in-person classes at public institutions hanggang September 21, matapos na magkaroon ng pag-uusap sa isang kilalang teachers' union na nagbabalak magsagawa ng pag-aaklas sakaling hindi pagtuunan ng pansin ang tungkol sa mga health issues.


Sa Europe, ang desisyon na ipagpatuloy ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan kahit na mabilis na kumakalat ang virus sa maraming bansa ay dahil sa pangambang magkaroon muli ng sunud-sunod na lockdowns at disruption kapag dumating na ang autumn at winter.


"I am convinced that we can and will prevent a second general shutdown," ayon kay Germany's Economy Minister Peter Altmaier. Ayon sa tally ng AFP sa infections, gamit ang official data sa buong Europe, naitalang mahigit sa apat na milyong katao ang tinamaan ng COVID-19, kung saan ang Russia ang may ikaapat na bahagi ng bilang ng mga naimpeksiyon

 
 
RECOMMENDED
bottom of page