top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 4, 2022



Babala ng Department of Agriculture (DA), posible umanong makaranas ng food crisis sa bansa dulot ng iba't ibang mga kadahilanan.


Pagtukoy ni Agriculture Secretary William Dar, isang pangunahing dahilan umano ng daranasing taggutom sa bansa ay ang kaguluhan sa Ukraine na kasalukuyan aniyang nakaaantala sa global food supply chain.


Paliwanag ng kalihim, ito ang dahilan ng kabawasan sa agricultural productivity, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.


Pangamba ng kahilim kung patuloy pang hindi mapataas ang produksiyon ng pagkain hanggang sa susunod na dalawang taon ay mayroong posibilidad na mangyari ang kakulangan ng makakain sa bansa.


Kaugnay nito, nanawagan si Dar sa lahat ng mga stakeholders sa sektor ng agrikultura na pagtuunan ito ng pansin ng mga kawani ng ahensiya.


Gayundin, nagpahiwatig na ang kalihim ng apela sa susunod na administrasyon na dagdagan ang budget ng ahensiya bilang tugon sa mga problemang kahaharapin ng sektor ng agrikultura.


 
 

ni Lolet Abania | March 20, 2022



Sorpresang dinalaw ni Pope Francis nitong Sabado ang mga batang Ukrainian refugees na nadamay sa giyera sa lugar kung saan ginagamot at inaalagaan sa isang pediatric hospital sa Rome.


Isa sa mga larawan na inilabas ng Vatican ay makikitang si Pope Francis habang nakikipag-usap sa isang batang babae na naka-full bandaged ang ulo at tila mayroong tube sa kanyang lalamunan.


Ayon sa Vatican, nasa 19 Ukrainian na mga bata ang kasalukuyang ginagamot sa dalawang sangay ng Bambino Gesu hospital para sa may cancer, neurological conditions o may matinding war injuries dahil sa naganap na pagsabog.


Ani pa Vatican, tinatayang 50 mga bata naman mula sa Ukraine ang ginagamot na sa ospital magmula nang pumutok ang giyera sa naturang bansa.


“The blood and tears of children, the suffering of women and men who are defending their land or fleeing from bombardments shakes our conscience,” pahayag ni Pope Francis sa isang mensahe sa Church conference sa Slovakia.


 
 

ni Lolet Abania | March 13, 2022



Ligtas nang nakarating sa Pilipinas ang 22 Filipino seafarers na mula sa Ukraine nitong Sabado.


Sa ulat, ang mga seafarers ay mga crew members ng MTM Rio Grande, isang oil tanker na naka-docked sa Nika-Tera port sa Ukraine nang lusubin ng Russian forces ang naturang bansa.


Sinalubong naman ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga seafarers nang dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa Pasay City, kahapon.


Ayon sa DFA, nasa 323 Pinoy na ang nagsilikas mula sa Ukraine hanggang nitong Marso 12.


Sa nasabing bilang, 173 indibidwal naman ang nakauwi sa bansa.


Nitong Lunes, ipinag-utos na ng gobyerno ang mandatory evacuation sa lahat ng mga Pinoy na nasa Ukraine sa gitna ng tumitinding labanan sa pagitan ng Eastern European state at Russia.


Iniatas din ng pamahalaan ang pagpapatupad ng total deployment ban sa mga Pinoy na planong magtrabaho sa Ukraine, kabilang na rito ang direct hiring.


Samantala, patuloy ang tensyong nagaganap sa Ukraine ngayong weekend, habang sunud-sunod ang ginagawang paglusob ng Russia na nasa ikatlong linggo na.


Batay sa report ng Reuters, sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky, na nagpadala na ang Russia ng mga bagong tropa matapos na mapatay ng mga Ukrainian forces ang 31 ng battalion tactical groups ng Russia sa labanan.


Subalit, ayon kay Zelensky, nasa tinatayang 1,300 Ukrainian troops naman ang naitalang nasawi.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page