top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 29, 2021




Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang unang araw ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus Bubble ngayong umaga, Marso 29, alinsunod sa ipinatupad na bagong quarantine restrictions ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19.


Batay sa ulat, bawat checkpoints ay iniisa-isa ng mga pulis ang pagtse-check sa mga company I.D., certificate of employment, business permit at iba pang dokumento bilang patunay na puwedeng lumabas ng bahay ang ini-inspect na biyahero o kabilang sila sa authorized person outside residence (APOR).


Kaugnay nito, pahirapan ding makasakay sa mga pampublikong transportasyon dulot ng limitadong kapasidad.


Nauna nang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hanggang 50% capacity lamang ang puwede sa mga jeep, bus, taxi, UV Express, TNVS, service shuttle at tricycle.


Pinapayagan din ang operasyon ng provincial bus ngunit kailangang point-to-point lang ang biyahe at kailangang mga authorized person outside residence (APOR) lamang ang sakay. Pinahihintulutan din ang private motorcycles at pag-backride para sa mga importanteng lakad.


Samantala, ang kapasidad naman ng mga tren ay 20% hanggang 30% lamang. Simula sa Martes ay wala nang biyahe ang MRT-3. Sa Miyerkules ay hindi na rin bibiyahe ang LRT-1 at LRT-2. Sa Huwebes ay wala na ring biyahe ang PNR.


Wala namang magbabago sa guidelines ng aviation na mababa na ang bilang ng mga flights, gayundin sa maritime sector.


Paalala pa ng DOTr, sumunod sa health protocols upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.


Sa ngayon ay tinatayang 9,356 na mga pulis ang nagbabantay sa mahigit 1,000 quarantine control points na inilatag ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at ilan pang lugar na isinasailalim sa ECQ.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 27, 2021




Pinaigting ng pamahalaan ang pagkilos upang matanggal ang bumarang malaking container ship matapos itong masira sa Suez Canal, Egypt kamakailan na lubos na nakaapekto sa mga sasakyang pandagat.


Maging si US President Joe Biden ay nabahala dahil apektado rin sa insidente ang European at US retailers.


Handa namang tumulong ang US upang maalis ang naturang container ship na Ever Given na ino-operate ng Evergreen Marine.


Dahil sa pagbara ng 430 yard o 400-meter long na container ship, ilang araw na trapiko rin sa mga shipping sa buong mundo ang naidulot ng insidente.


Maaari rin umanong umabot nang ilang linggo bago tuluyang maalis ang naturang container ship dahil sa masamang panahon.


Magpapadala rin ang Dutch rescue team ng karagdagang 2 tugboats upang makatulong sa pag-alis ng 1,300 talampakang container ship na may bigat na 200,000 tonelada sa Suez Canal dahil kahit marami nang tugs at dredgers na ginamit ay hirap pa rin itong mailipat.


Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang Suez Canal Authority (SCA) sa mga nais tumulong upang maresolba ang insidente.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 24, 2021




Isinarado ang kinukumpuning bahagi ng southbound lane sa North Luzon Expressway (NLEX) na nagdulot nang mabigat na daloy ng trapiko kaninang madaling-araw, Pebrero 24.


Mula Tabang exit ay mayroong nakalagay na zipper lane kung saan umabot hanggang Sta. Rita Exit ang mahigit apat na oras na traffic.



Hindi tinukoy ng NLEX ang eksaktong kinukumpuni sa nasabing lugar.


Wala ring paunang abiso sa kanilang social media pages hinggil sa isinagawang maintenance.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page