top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 5, 2021



Aabot sa 1 hanggang 10 taong pagkakakulong at multang P5,000 hanggang P1 milyon ang posibleng harapin ng mga sangkot sa pagbebenta ng mga COVID-19 experimental drug gaya Tocilizumab na may malaking patong sa gitna ng shortage ng gamot na ito, ayon sa Department of Health.


"One year to 10 years ang imprisonment and P5,000 hanggang P1 million [na multa], this is based on the discretion of the court. Ito ang gagawin natin when we find facilities or drugstores that are doing or going beyond the suggested retail price," ani Vergeire sa isang public press briefing.


Nabanggit ito ni Vergeire matapos maiulat ang paglaganap ng mga online seller na nagbebenta ng overpriced na Tocilizumab, na ginagamit sana para magamot ang malulubhang kaso ng COVID-19.


Nasa P13,000 hanggang P25,000 ang suggested retail price pero may mga nag-aalok umano ng Tocilizumab na aabot sa P50,000 hanggang P130,000 kada vial.


Inaasahang magtatagal pa ang shortage ng gamot hanggang katapusan ng taon.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 4, 2021



Nagbabala ang Food and Drug Administration hinggil sa mga indibidwal na nagbebenta ng Tocilizumab sa bansa.


Ito ay matapos maging pahirapan ang pagkuha ng supply ng naturang gamot dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Tingin daw ng DOH ay magkakaroon ng kakulangan ng Tocilizumab hanggang sa katapusan ng 2021.


“Kausap na namin ang manufacturers nito, ang Roche Philippines, and they gave us that declaration na hanggang end of the year, mukhang mahihirapan na maka-access pa ng gamot na ito," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.


Mayroon daw kasing mga indibidwal na nagbebenta nito online.


Ayon kay FDA Director-General Eric Domingo, ilegal ang pagbebenta ng Tocilizumab online at paglabag ang pagbebenta nito sa SRP na P20,000 hanggang P28,000 kada vial.


Sinisilip din ng FDA ang pagbebenta ng Tocilizumab sa mga online platforms.


"Bawal po magbenta ng anumang gamot online... Eto pong mga platforms, maraming nakikipagtulungan sa atin.. [Pero] Kinabukasan, meron na naman talagang illegal," ani Domingo.


Nagbabala rin si Vergeire sa mga lalabag sa SRP ng mga gamot lalo na ngayong panahon ng pandemya.


 
 

ni Lolet Abania | August 31, 2021



Malaking hamon sa Department of Health (DOH) sa ngayon ang paghahanap ng pagkukunan ng tocilizumab, isang off-label medicine na ginagamit para gamutin ang mga COVID-19 patients.


“Talagang nahihirapan po tayo mag-source out ngayon ng tocilizumab,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa briefing ngayong Martes, kung saan nakararanas na rin ng global shortage sa naturang gamot.


“Tayo ay sumulat na sa embassy natin ng Switzerland and United States para magpatulong tayo if we can be provided that reserved na allocation, kahit man lang a portion of what should be given to other countries ay makahingi tayo,” sabi ni Vergeire.


Ayon pa sa kanya, pinag-aaralan na ng grupo ng mga eksperto mula sa Living Clinical Practice Guidelines ang posibleng alternatives sa tocilizumab, subalit aniya, kinakailangan pa ang approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).


Sinabi naman ng kalihim na ang mga stocks ng remdesivir, isa pang off-label na gamot na ibinibigay sa mga COVID-19 patients, ay sapat pa sa ngayon.


“Meron pa po tayong mga stocks sa ibang ospital natin dito sa ating bansa and we don’t see any problems with remdesivir currently because we have a direct line also with the supplier,” sabi ni Vergeire.


Samantala, ang Pilipinas ay matinding nakikipaglaban sa ngayon sa coronavirus na pinalala pa ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19, na ayon sa World Health Organization (WHO) ay pinaka-dominant variant habang kinumpirma rin nilang may community transmission na sa bansa.


“The information we have clearly shows that now, already, the Delta variant has emerged as the dominant variant,” pahayag ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO Philippines representative, sa news conference ngayong Martes.


“With this kind of transmission, with these kinds of numbers, we are in community transmission of the Delta variant,” dagdag pa ni Abeyasinghe.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page