top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 30, 2021



Posibleng sa susunod na buwan ay dumating na sa bansa ang mga suplay ng Tocilizumab, ayon sa Department of Health.


“Itong tocilizumab ang medyo nagkaroon tayo ng problema and according sa manufacturer nila, sa supplier nila na kausap natin dito, baka by second week of November, magkaroon tayo ng stocks. So hihintayin natin ulit,” ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang online briefing.


Walang nabanggit si Vergeire kung ilang vials ang nakatakdang dumating.


Matatandaang noong Agosto ay nagkaroon ng shortage ng naturang gamot at lumaganap ang mga nagbebenta nito online sa doble o tripleng halaga.


Noong kasagsagan ng shortage sa supply ay kinonsidera ng DOH ang paggamit ng baricitinib bilang substitute sa tocilizumab.


Samantala, sinabi ni Vergeire na walang kakulangan sa supply ng remdesivir.

 
 

ni Lolet Abania | October 13, 2021



Dalawang pulis mula sa Rizal Province at Quezon City ang napipintong masibak sa serbisyo matapos na maaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na aktibidad, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.


Sa isang statement ng PNP, naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Police Staff Sergeant Ariel Yalung sa Quezon City hinggil sa ilegal na pagbebenta at overprizing ng Tocilizumab, isang gamot na ginagamit laban sa COVID-19.


Isinagawa ng NBI ang operasyon dahil sa mga reklamo na mayroong dalawang indibidwal na nagbebenta umano ng Tocilizumab online sa halagang P95,000, na mas mataas ang presyo kumpara sa suggested price na P25,000.


Naaresto naman ng Integrity Monitoring and Enforcement Group si Police Staff Sergeant June Angeles sa isang entrapment matapos na akusahan na nagde-demand ng pera mula sa asawa ng isa mga deatinee sa San Mateo, Rizal.


Ayon kay PNP chief Police General Guillermo Eleazar nakakulong na ang mga suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.


“Tinitiyak ko na matatanggal sa serbisyo ang dalawa sa aming kasamahan dahil sa kalokohang kinasangkutan nila,” ani Eleazar.


Hinimok naman ni Eleazar ang publiko na agad na ipaalam sa mga awtoridad anumang impormasyon hinggil sa mga pulis na nasasangkot sa kahina-hinala at ilegal na aktibidades.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 5, 2021



Kamakailan lang ay inihayag ng DOH na nagkakaroon na ng shortage sa supply ng Tocilizumab sa bansa dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ngunit sa kabila nito, ang Lungsod ng Maynila ay nagpapamigay ng naturang gamot para sa mga mamamayan nito na mayroong COVID-19.


“Kung sakaling kayo ay mangailangan ng mamahaling gamot na Remdesivir at Tocilizumab, makukuha n’yo ito nang libre sa Lungsod ng Maynila”, pahayag ni Isko.


“Para sa mahirap, middle class, mayaman, nasa public o private hospital: Hangga’t kaya naming kayong abutin, kayo ay aabutin namin”, dagdag pa niya.


Samantala, naglabas ng babala ang DOH sa mga nagtitinda ng naturang gamot online at pinapatungan nang higit sa suggested retail price matapos mapag-alaman na may nananamantala sa kakulangan ng supply nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page