top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 29, 2020


ree


Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagturok ng hindi awtorisadong COVID-19 vaccine sa ilang militar at gabinete, ayon kay Department of Health Undersecretary Eric Domingo, ngayong Martes.


Ayon kay Domingo, hindi pa umano nakapagbibigay ng report ang regulatory enforcement unit at sinabing naghahanap na ang mga ito ng iba pang detalye tungkol sa nangyaring vaccination.


Aniya, “Saan ba nanggaling ang bakuna? Ano ba 'yung assurance natin na totoong bakuna 'yun at na-handle siya properly bago itinurok sa mga, allegedly, sundalo.”


Dagdag pa ni Domingo, tatanungin umano nito ang Philippine Army at Presidential Security Group (PSG) para sa iba pang impormasyon ng mga nakatanggap ng hindi awtorisadong vaccine.


Hindi rin umano alam ni Health Secretary Francisco Duque III kung sinu-sinong gabinete ang naturukan ng vaccine at hindi rin umano ito kasali sa mga naturukan.


Nitong Sabado, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan sa mga military personnel ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese manufacturer na Sinpharm na wala pang approval ng FDA.


Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines, ang mga nakatanggap lamang ng vaccine ay mula sa PSG.


Sinabi rin ni Domingo na hindi pa kinakausap ng Sinopharm ang FDA para sa posibleng aplikasyon.


“Ang Sinopharm po kasi, hindi pa lumalapit sa FDA. Wala pa po silang application na kahit ano dito sa Pilipinas, tapos wala po silang representative rito sa Pilipinas,” ani Domingo.


Susubukan din umanong makipag-usap ng FDA sa Chinese

manufacturer sa tulong ng Chinese Embassy.


Ibinahagi ni Domingo na magiging legal lamang ang paggamit ng vaccine kung ang kumpanya ay magpapasa ng aplikasyon para sa “compassionate special permit” na ibinibigay lamang para sa medicines for emergency at research purposes. Ito rin umano ang permit na nakuha ng COVID-19 medicine na Remdesivir upang maisagawa ang clinical trial sa Pilipinas.


Tinatayang nasa P500,000 hanggang P5 milyon ang multa sa sinumang napatunayang lumabag at gumamit ng vaccine na hindi pa awtorisado ng FDA.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 27, 2020


ree


Imbes na suspendihin ng pamahalaan, babagalan na lamang ang deployment ng mga Pilipinong healthcare workers sa bansang United Kingdom (UK) at Germany matapos makapagtala rito ng bagong variant ng COVID-19.


Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Linggo, papayagan pa rin umanong makalabas at makapagtrabaho sa UK at Germany ang mga healthcare workers basta’t pipirma ang mga ito sa waiver.


Nitong Sabado, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2 linggong pagpapalawig ng travel ban sa mga flights galing sa UK dahil sa natuklasang bagong variant ng COVID-19.


Nagsimula ang travel ban sa UK noong Disyembre 24 at matatapos sana ngayong Disyembre 31, 2020.


Matatandaang ngayong Disyembre rin tinanggal ng pamahalaan ang deployment ban para sa halos 5,000 healthcare workers at pinayagang makalabas ng bansa.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 27, 2020


ree


Inaprubahan na ng House of Representatives ngayong Linggo ang House Bill 7956 na naglalayong ipamahagi sa charity ang lahat ng sobrang pagkain sa mga food establishments sa bansa.


Ang House Bill 7956 o Food Surplus Reduction Act ay naipasa sa lower chamber noong Disyembre 14 at itinaas na sa Senado matapos ang isang araw, ayon sa official website ng House of Representatives.


Kasama sa Bill na ito ang mga restaurants, diners, fast food chains, hotels, food manufacturers, supermarkets at culinary schools.


Ang mangangasiwa ng sanitation ng mga pagkain ay sanitary inspector mula sa lokal na pamahalaan. Makikipagtulungan naman ang Food banks sa social welfare department at lokal na pamahalaan upang maisagawa ang distribusyon.


Para sa mga hindi makakasunod sa batas na ito dahil “unfit for human consumption” ay mumultahan nang hanggang P500,000.


Samantala, P1 milyon naman ang magiging multa sa first offense kung iniwasan ng isang kainan na i-donate ang pagkain.


Ayon sa isa sa mga author ng Bill na ito na si Quezon City 1st District Rep. Anthony “Onyx” Crisologo, ito umano ang isa sa mga paraan upang magamit ang lahat ng available na resources sa bansa at hindi matapon at masayang.


Tinatayang nasa 7.6 milyong Filipino ang nagugutom sa ikatlong quarter ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic at kalahating milyon naman ang nawalan ng trabaho simula nang ipatupad ang quarantine na naitalang pinakamatagal sa buong mundo, ayon sa Social Weather Stations Survey noong Setyembre.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page