top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 3, 2021


ree


Patay ang isang construction worker sa Sta. Rita, Pampanga ngayong Linggo matapos mapagkamalang magnanakaw at mabaril ng isang pulis.


Sa imbestigasyon ng mga pulis, nagsasagawa umano ng dragnet operation ang mga ito sa nangyaring nakawan sa isang pisonet shop sa Barangay San Matias sa bayan ng Sta. Rita nang mapadaan ang biktimang kinilalang si Federico Pineda, 29-anyos.


Ayon kay Police Capt. Renemer James Pornia na hepe ng Sta. Rita Police, sakto umano sa description ng suspek si Pineda at parehong naka-puting sando kaya napagkamalan.


Aniya, “Finlagdown siya however, nag-evade po siya at dinisregard po niya 'yung patrol officer po natin. Nagkahabulan po sila and while 'yung patrolman po natin is nasa motorcycle po, when he drew his firearm, accidentally po nakalabit niya,' yung victim po natin is tinamaan."


Kagagaling lang umano sa selebrasyon ng kaarawan ng anak ang biktima at ihahatid sana ang tiyuhin sa malapit na sabungan nang mangyari ang insidente.


Nagluluksa ngayon ang pamilya ni Pineda at hindi pa rin matanggap ang nangyari sa kaanak.


"Pilit po naming tinatanggap pero talagang masakit po para po sa amin, kasi wala naman kaming alam na ginawang kasalanan ng kapatid ko. Ang liit pa ng mga anak niya...Sana, bago siya gumawa ng hakbang o bago siya bumaril, sana kahit sa paa na lang o kaya 'yung motor na lang niya' yung binaril, pinuruhan niya, eh," sabi ni Michelle Pagauisan, kapatid ng biktima.


Samantala, kinondena ni Pampanga Governor Dennis Pineda ang nangyari at ipinag-utos ang agarang pagkakakulong ng pulis na bumaril sa biktima.


Sa ngayon ay dinisarmahan na ang pulis at kasalukuyang nakakulong sa Sta. Rita Municipal Police Station habang inihahanda ang kaso.


Bukod pa rito, nahuli na rin ang suspek sa pagnanakaw sa pisonet shop at nakuha na rin ang nanakaw na pera. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong robbery at frustrated homicide.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 3, 2021


ree

Nagdiwang ng ika-118 kaarawan nitong Sabado ang pinakamatandang tao sa buong mundo na si Kane Tanaka na matatagpuan sa southwestern Japan.


Ipinanganak noong January 2, 1903 si Tanaka at kinilala ng Guinness World Records bilang world’s oldest living person noong March 2019 sa edad na 116.


Bukod pa rito, nakamit din nito ang all-time Japanese age record noong Setyembre 2020 sa edad na 117 & 261 days.


Sa ngayon, naninirahan sa isang nursing home sa Fukouka si Tanaka. Masaya nitong ipinagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang iba pang residente ng nursing home.


Ayon sa tagapangalaga nito, madalas itong mag-ehersisyo, mag-calculate at maglaro ng Reversi. Malakas din umano itong kumain at ang paborito nito ay chocolate at Coke.


Nang tanungin si Tanaka kung anong sikreto upang humaba ang buhay, sinabi nito na “eating delicious food and studying.” Dagdag pa nito, target nitong maabot ang edad na 120.


"It's a difficult situation due to the coronavirus pandemic, but Kane is fine. I'm happy that she has fun every day," bahagi ng kanyang 61-anyos na apo na si Eiji.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 2, 2021


ree


Arestado ang isang pulis sa Malabon City matapos magpaputok ng baril nitong Media Noche, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana, kinilala ang suspek na si S/Sgt. Karen Borromeo, 39-anyos.


Bandang 7:45 ng gabi, nagpaputok umano ng baril si Borromeo sa harap ng kanilang bahay. Agad na nagsumbong ang mga kapitbahay nito sa mga pulis kaya agad ding naaresto ang suspek.


Aniya, “She will be facing criminal and administrative sanctions.”


Bahagi naman ni Brig. Gen. Eliseo Cruz, Northern Police District (NPD) director, personal umano ang dahilan ng pagpapaputok nito ng baril at hindi dahil magba-Bagong Taon.


“She was having an argument with her live-in partner,” dagdag ni Cruz.


Samantala, nasa 25 kaso ng indiscriminate firing ang naitala sa taong 2020, mas mababa noong 2019 na nakapagtala ng 41 kaso.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page