top of page
Search

ni Thea Janica Teh | September 22, 2020




Umabot na sa kabuuang 451 inmates at staff ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19.


Sa inilabas na monitoring ng BuCor nitong Lunes, 292 dito ay mula sa persons deprived of liberty (PDL) o preso at 159 naman ay mga staff.


Dalawampu’t anim na inmates na ang pumanaw dahil sa virus at may 30 active cases sa BuCor sa buong Pilipinas. Ilan sa mga nagpositibo ay naitala mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City na isa rin sa pinakamalaking pasilidad ng BuCor.


Nakapagtala rin ng 192 nagpositibo sa virus sa national penitentiary, 23 na rito ang namatay at 168 ang gumaling. Bukod pa rito, 52 staff din ang nagpositibo at isa pa lamang ang naitatalang gumaling.


Samantala, 100 ang kumpirmadong nagpositibo sa virus sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. Tatlo sa kabuuang bilang ang namatay na at 83 inmates at 18 staff na ang gumaling.


Sa ibang parte ng bansa, nakapagtala rin na nagpositibo sa virus ang isang staff sa Sablayan Davao, isang staff sa Iwahig Prison and Penal Farm at dalawang staff sa San Ramon Prison and Penal Farms sa Zamboanga. Ang active case na lamang sa mga ito ay sa Iwahig. Ang Leyte Regional Prison na lamang ang nananatiling COVID-19 free.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 22, 2020




Inilunsad ng Ushio Inc., isang Japanese light equipment maker ang kauna-unahang ultraviolet lamp sa buong mundo na kayang pumatay sa COVID-19 nang hindi maaapektuhan ang kalusugan ng mga tao.


Ang “Care 222” UV lamp ay ginawa ng Ushio Inc. kasama ang Colombia University para sa disinfection ng bus, train, elevator, opisina at ilan pang mga lugar na dagsa ng tao. Madalas ginagamit ang UV lamp ngayong panahon ng pandemya para ma-sterilize ang mga bagay na madalas hawakan. Ito rin ay ginagamit sa medical at food-processing industries.


Ngunit, ang UV rays ay hindi magagamit sa mga espasyo kung saan may tao dahil maaari itong magkaroon ng skin cancer at eye problem. Kaya naman gumawa ang Ushio ng UV rays na may wavelength na 222 nanometers na makapapatay ng germs at hindi harmful sa tao.


Sinubukan ng kumpanya na ilagay ang Care 222 sa ceiling. Napatay nito ang 99% virus at bacteria na nasa hangin sa loob lamang ng 6-7 minuto. Bukod pa rito, umabot din ito sa mga gamit na may 2.5 metrong layo sa UV lamp.


Naniniwala rin at sinabi ng Hiroshima University na epektibo ang UV lamp na ito bilang pamatay sa COVID-19. Ang Care 222 ay may bigat na 1.2 kilograms at kasinglaki ng hardcover book. Ito ay may halagang 300,000 yen o $2,860.


Sa ngayon, tumatanggap lamang ng order ang kumpanya mula sa medical institution ngunit, magiging available rin sa lahat kapag naisaayos na ang produksiyon. Inaasahang ilalabas ang Care 222 sa darating na January 2021.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 22, 2020




Pansamantalang makararanas ng water service interruption ang ilang lugar sa Parañaque at Las Piñas City mula Setyembre 24-25, ayon sa Maynilad.


Ilan sa mga lugar na mawawalan ng tubig nang 9:00 ng gabi ng Setyembre 24 hanggang 6:00 ng umaga ng Setyembre 25 ang Barangay La Huerta at San Dionisio sa Parañaque.


Samantala, mawawalan din ng tubig sa Barangay D. Fajardo, E. Aldana, Ilaya at Manuyo Uno sa Las Piñas simula 9:00 ng gabi hanggang kinabukasan nang 7:00 ng umaga.


Ito ay para maisagawa ang leak repair activity sa Quirino Avenue, Lopez Jaena Street, Victor Medina Street at Quirino Avenue.


Kaya naman pinaalalahanan ng Maynilad ang mga residente rito na mag-ipon ng tubig upang may magamit sa mga araw na binanggit.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page