top of page
Search

ni Thea Janica Teh | September 29, 2020




Inanunsiyo ng pamahalaang lokal ng San Juan na kinakailangan munang magparehistro bago dumalaw sa sementeryo sa mga araw na planong pumunta.


Dahil sa pagsasara ng mga sementeryo sa Undas upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, inaanyayahan ang lahat na dumalaw nang mas maaga sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.


Sa inilabas na Executive Order ni Mayor Francis Zamora, nilalaman nito na kinakailangan munang mag-pre-registration sa mga araw na itinakdang puwedeng dumalaw. Ito ay mula Oktubre 15 hanggang 28 at Nobyembre 5 hanggang 15.


Bukod pa rito, dalawang oras lamang ang puwedeng itagal ng mga dadalaw kada batch at 30% lamang ng kapasidad ng sementeryo ang papapasukin.


Kaya naman para sa mga residente na dadalaw sa San Juan Public Cemetery, maaaring magpa-schedule at tumawag sa San Juan Undas Hotline na 7728-9818.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | September 24, 2020




Hello, Bulgarians! Namahagi ng 53 Patient Transport Vehicle (PTV) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pangunnguna ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma nitong Lunes, Setyembre 21 sa Nissan North Edsa, Quezon City.


Ayon kay GM Garma, ito na umano ang pinakamaraming naipamahagi ng ahensiya ngayong 2020.


Ilan sa mga nabigyan ng PTV ay ang City of Manila, NCR, Munisipalidad ng Bataan, Isabela, Quirino, Pampanga, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Sorsogon, Bulan, Capiz province, Iloilo, Negros Occidental, Bohol, Negros Oriental, Southern Leyte, Northern Samar, Zamboanga del Sur, Bukidnon, Misamis Oriental, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Norte at marami pang iba.


Ito ay 100% donasyon ng ahensiya sa lahat ng benepisaryo. Ang halaga ng isang Nissan Urvan Patient Transport Vehicle ay P1,585,063 kasama na ang detachable patient bed.


Ilan pa sa mga programa ng ahensiya ay ang Medical Access Program (MAP), Calamity Assstance Program, Medicine Donation Program at marami pang iba na nagbibigay ng tulong hindi lang sa LGU at ospital kundi sa lahat ng Filipino sa buong bansa.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 22, 2020




Pinaghahanap ngayong Martes ng Philippine National Police (PNP) ang isang Facebook user matapos magpanggap bilang si PNP Chief Police Gen. Camilo Cascolan para manghuthot sa pamamagitan ng private message sa Messenger.


Isang malapit na kaibigan ni Cascolan umano ang nagsumbong sa hepe tungkol dito. Kuwento ng kaibigang hindi pinangalanan, inalok umano ng nagpapanggap na Cascolan ang kanyang pamangkin ng reassignment sa gustong puwesto sa halagang P10,000.


Sa ngayon ay nagsagawa na ng case-build up operation at posibleng maharap sa kasong anti-cybercrime law ang suspek, ayon kay Police Gen. Dennis Agustin ng PNP Anti-Cybercrime Group.


Pinayuhan naman ni PNP Spokesperson Police Co. Ysmael Yu na huwag basta-basta maniniwala sa ganitong modus. Dagdag pa ni Yu, laganap ang mga ganitong krimen lalo na ngayong panahon ng pandemic dahil hindi nakakalabas ang mga suspek at sa online nagkakalat ng modus.


Sa katunayan, simula nang magtalaga ng lockdown sa Luzon dahil sa COVID-19 pandemic, umabot na sa 76 katao ang nahuli at kinasuhan sa 113 magkakahiwalay na insidente ng cybercrime.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page