top of page
Search

ni Thea Janica Teh | October 12, 2020



Inanunsiyo ngayong Lunes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na susunugin na ang nasamsam na ipinagbabawal na droga sa darating na Oktubre 15 at ito ay gaganapin sa Trece Martires, Cavite.


Ayon kay PDEA spokesman Derrick Carreon, naghahanda na umano sila sa darating na Huwebes sa pagsusunog ng halos dalawang toneladang droga sa isang destruction site na matatagpuan sa Trece Martires, Cavite.


Ito ay isa sa mga direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sunugin ang lahat ng nakumpiskang shabu upang maiwasan ang pag-recycle nito. Kaya naman, nakipagtulungan ang PDEA sa Philippine National Police sa pagsasagawa nito.


Una nang ibinahagi ni PDEA Chief Director General Wilkins Villanueva na may kabuuang 2.82 toneladang shabu ang kinakailangan nang sunugin.


Noong Agosto, pinangunahan ni Villanueva kasama si PNP Chief Archie Francisco Gamboa ang destruction sa halos P13 bilyong halaga ng ilegal na droga.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | October 9, 2020




Hello, Bulgarians! Pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) na hindi konektado at awtorisado ang anumang social media accounts at pages na nanghihingi ng bayad sa mga miyembro at pensiyunado nito kapalit ng paggawa ng kanilang SSS account.


Kasama rin dito ang pag-sumite ng kanilang mga aplikasyon sa mga benepisyo tulad ng retirement at mga aplikasyon ng pautang sa SSS.


Pinapayuhan ang lahat na ingatan ang kanilang SSS accounts sa mga mapanlinlang na mga indibidwal at siguraduhin na lahat ng gagawing aplikasyon online ay sa pamamagitan lamang ng My.SSS accounts na maaaring i-access sa www.sss.gov.ph at SSS Mobile App.


Binabalaan din ng SSS ang mga online fixer na sila ay may kriminal at sibil na pananagutan. Ito ay paglabag sa Section 17 ng Batas Republika 11199 o ang SS Act of 2018 at may karampatang multa na aabot hanggang P5,000 o pagkakakulong na hindi bababa sa 6 na buwan at maaaring umabot ng 1 taon, o parehong kaparusahan, depende sa magiging desisyon ng korte.


Bukod pa rito, ang paggamit ng online fixers ay labag din sa Batas Republika 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.


Upang isumbong ang mga pinaghihinalaang nagsasagawa ng online fraud at mga online fixer, maaaring mag-email sa SSS Special Investigation Department sa fid@sss.gov.ph o magpadala ng mensahe sa alinmang social media accounts ng SSS gaya ng SSS Facebook page, “Philippine Social Security System,” Instagram account, “mysssph,” at Twitter account, “PHLSSS.” Hinihimok din naman sila na sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates,” upang makatanggap ng tamang impormasyon mula sa SSS.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 9, 2020




Tumagilid ang isang trailer truck sa bahagi ng Ayala Boulevard papuntang Taft Avenue nitong Biyernes nang madaling-araw.


Kakaliwa dapat papuntang Ayala Boulevard mula Romualdez Street ang truck ngunit natumba ito.


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mabilis umano ang takbo ng truck at hinihinalang mabigat ang dalang kargamento kaya tumagilid.


Hindi na naabutan ng MMDA ang driver ng truck.


Sa ngayon ay pansamantalang sarado ang bahagi ng Ayala Boulevard papuntang Taft Avenue habang inaalis ang tumagilid na truck.


Kaya naman, nagbukas ng isang counterflow lane sa kabilang bahagi ng Ayala Boulevard papuntang Taft upang makadaan pa rin ang mga motorista.


Bukod pa rito, maaari ring kumanan sa Natividad Lopez Street na papunta rin sa Taft Avenue.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page