top of page
Search

ni Thea Janica Teh | October 14, 2020




Umabot na sa 250,000 Overseas Filipino Workers (OFW) ang napauwi sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa National Task Force against COVID-19.


Sa Kapihan sa Manila Bay forum ngayong Miyerkules, ibinahagi ni retired Major General Restituto Padilla na may kabuuan nang 254,388 returning overseas Filipino (RFO) ang nakabalik sa ating bansa mula May hanggang October 13.


Noong isang buwan, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umabot sa 500,000 OFWs ang naapektuhan ng krisis. Maaari pa umano itong tumaas sa 700,000 kung hindi agad masosolusyunan ng pamahalaan ang pandemya.


Ayon naman kay DOLE Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, patuloy pa rin ang pagbibigay ng mga trabaho sa mga OFWs na bumalik sa bansa sa ilalim ng information technology at business process outsourcing sectors.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 14, 2020




Inanunsiyo ng pamahalaang lokal ng Quezon City ngayong Miyerkules na hindi muna huhulihin at titiketan ang mga siklistang hindi nagsusuot ng helmet.


Magsisimula sana sa darating na Oktubre 15 ang pagpapatupad ng ordinansa na naglalayong hulihin ang mga siklistang walang suot na helmet.


Ayon kay Elmo San Diego na head ng Quezon City Department of Public Order and Safety, mamimigay muna ang lokal na pamahalaan ng 5,000 helmet bago ipatupad ang ordinansa.


Bukod pa rito, binabaan din ng Quezon City Council ang halaga ng multa sa sinumang lalabag.


Magsisimula sa P300 ang multa para sa mga first-time offender habang P500 naman para sa second-time offender at P1,000 para sa third-time offender.


Pinaalalahanan din ng Quezon City ang mga siklista na laging magsuot ng helmet para sa kanilang kaligtasan.


Isa ang bike sa naging transportasyon ng mga frontliner at iba pang trabahador simula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa at ipagbawal ang pampublikong sasakyan dahil sa COVID-19 pandemic.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 12, 2020



Inanunsiyo ngayong Lunes ni Sariaya Quezon Mayor Marcelo P. Gayeta na nagpositibo ito sa COVID-19 pati na rin ang kanyang asawa na si Marivic Gayeta.


Sumailalim nitong Oktubre 10 sa swab test ang buong pamilya ni Mayor Gayeta pati na rin ang mga staff nito. Tanging ang mag-asawa lamang ang nagpositibo sa virus.


Ayon kay Mayor Gayeta, isinapubliko niya ang kanyang kondisyon upang maging paalala sa kanyang mga kababayan na magdoble-ingat sa panahon ng pandemya. Dagdag pa nito, wala umanong pinipili ang virus.


Wala namang dapat ikabahala ang mga kababayan nito dahil asymptomatic ang mag-asawa at ngayon ay sumasailalim na sa home quarantine.


Bukod pa rito, inanunsiyo rin ni Mayor Gayeta sa kanyang mga kababayan na iwasan muna ang social gathering tulad ng birthday party.


Araw-araw umiikot sa bayan ng Sariaya si Mayor Gayeta kaya naman hindi pa nito matukoy kung paano at saan nahawa ang dalawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page