top of page
Search

ni Thea Janica Teh | October 20, 2020




Magbubukas na sa darating na Disyembre ang 18-km Skyway 3 Expressway at magiging libre ang toll fee sa lahat ng motorista sa loob ng isang buwan.


Ayon kay San Miguel Corp. President Ramon Ang, tiwala itong madadaanan na ang Skyway sa Disyembre kahit na naging maulan ang pagtatapos nito.


Maagang pamasko rin umano ito para sa mga motorista dahil libre ang toll fee sa buong Disyembre.


Ang Skyway 3 ay kumokonekta sa North at South Luzon Expressway at inaasahang mas mapapabilis ang pagbiyahe na mula 3 oras ay 20 minuto na lamang.


“With Skyway 3, we will improve the daily commutes and lives of so many Filipinos. We will lessen their time spent in traffic on the road, we can increase both their productivity and time spent with their families,” sabi ni Ang.


Samantala, mas mabilis na rin ang biyahe mula Magallanes hanggang Balintawak sa loob lamang ng 15 minuto; Balintawak hanggang NAIA sa loob lamang ng 15 minuto at Valenzuela hanggang Makati sa loob lamang ng 10 minuto.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 20, 2020



Inanunsiyo ngayong Martes ng Games and Amusements Board (GAB) at Department of Health (DOH) ang napagkasunduang agreement patungkol sa pagbibigay ng medical assistance sa mga professional boxers, MMA fighters at Muay Thai fighters.


Sa pinirmahang Memorandum 2020-0445 ni Secretary Francisco Duque III, inaprubahan na ng DOH ang request ng GAB na palawigin pa ang validity ng agreement hanggang Disyembre 31, 2020 na expired na dapat nitong August 25.


Ayon kay Duque, sa ilalim ng DOH memorandum, “Upon the request of GAB due to the effects of the COVID-19 pandemic to their professional careers, the 28 selected DOH hospitals, 3 specialty hospitals, and other pertinent DOH offices are directed to continue the provision of free medical services to boxing and MMA professionals."


Lubos namang nagpapasalamat si GAB Chairman Baham Mitra sa pagtanggap ng DOH sa kanilang request.


"Considering that the mandatory diagnostic, medical, and neurological tests proved to be costly for many GAB licensees, this extension is indeed a big help to our pro boxers, MMA and Muay Thai fighters, especially during these difficult times," dagdag ni Mitra.

Sa kasalukuyan, kinakailangan ng boxing at iba pang sports division na sumailalim at makapasa muna ang mga atleta sa kumpletong medical examination ng GAB Medical Section.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 20, 2020




Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang 13 lugar sa Luzon dahil napapanatili ng bagyong Pepito ang kanyang lakas papunta sa Aurora at Isabela province, ayon sa PAGASA ngayong Martes.


Kabilang sa 13 lugar na nakapailalim sa TCWS No. 2 ay ang La Union, Pangasinan, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, bahaging Timog ng Isabela (Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Burgos, San Manuel, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo at Angadanan.


Kasama rin diyan ang Alicia, San Mateo, Ramon, San Isidro, Echague, San Agustin, Jones, Santiago City, Cordon), bahaging Timog ng Ilocos Sur (Sugpon, Alilem, Tagudin), hilagang bahagi ng Zambales (Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria, Santa Cruz, Botolan, Cabangan) at hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar).


Samantala, 12 lugar naman sa Luzon ang nakapailalim sa TCWS No. 1 kabilang ang Abra, Kalinga, Mountain Province, Bulacan, Pampanga, Bataan, Metro Manila, Rizal, hilagang bahagi ng Camarines Norte (Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Vinzons), Catanduanes at ilan pang natitirang bayan sa Quezon at Zambales.


Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyong Pepito sa 195 kilometrong silangang bahagi ng Baler, Aurora nitong ala-una nang hapon. Ito ay may maximum sustained wind na 65 km per hour at may bugso ng hangin na nasa 80 kph.


Maaari rin umanong mag-land fall ang bagyo sa pagitan ng 7pm at 11pm ngayong Martes sa Aurora-Isabela area.


Bukod pa rito, maaari pa itong lumakas at maging tropical storm sa darating na Huwebes kung kailan din inaasahan na lalabas na ito ng bansa.


Pinaalalahanan ng PAGASA ang lahat ng residente na mag-ingat dahil posibleng bumaha at magkaroon ng landslide dahil sa malakas na pag-ulan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page