top of page
Search

ni Thea Janica Teh | October 23, 2020




Inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang lalaking hinihinalang rebelde na kabilang sa New People’s Army (NPA) sa Pasig City nitong Huwebes.


Kinilala ngayong Biyernes ng awtoridad ang suspek na si Esteban Sergio Sales, 59-anyos at miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla, Bicol Region Party Committee at hinihinala ring miyembro ng Komite Seksiyon sa Platon (KSPN 1) at Komite on Section sa Iskwad (KSSI 1).


Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas, si Sales ang tinaguriang most wanted person sa bansa. Ibinahagi rin ni Sinas na nagbigay ng pabuyang P700,000 ang pamahalaan para sa makahuhuli kay Sales.


Naghain ng warrant of arrest ang mga pulis para sa kasong murder at malicious mischief laban kay Sales sa bahay nito sa Mars St., Pinalad, Centennial 2.


Sangkot umano si Sales sa pagpatay sa isang rebelde na pauwi sa Camarines Sur noong 2000.


Sa ngayon ay hawak na ito ng awtoridad at dinala na sa Regional Special Operations Group custodial facility.

 
 
  • BULGAR
  • Oct 25, 2020

ni Thea Janica Teh | October 23, 2020




Inanunsiyo ngayong Biyernes ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Simbahan ng Quiapo na kanselado na ang Traslacion ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.


Ang Itim na Nazareno ay isang life-sized image ni Hesus na kulay itim ang balat at nakaluhod na may pasang-krus. Ang Traslacion nito ay ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Enero taun-taon at inililibot mula Quirino Grand Stand hanggang Quiapo. Ito ay dinadaluhan ng milyun-milyong deboto dahil ito umano ay nagbibigay ng milagro.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 22, 2020



Ipinasara nitong Miyerkules ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng Muntinlupa City ang isang outlet ng Peryahan ng Bayan sa Brgy. Tunasan dahil sa ilegal na operasyon.


Sa inilabas na pahayag ng public information office ng lungsod, nahuli umano itong lumabag sa health protocols nang pinuntahan ng BPLO kasama ang Public Order and Safety Office.


Bukod pa rito, napag-alaman ding wala itong sapat na permit tulad ng local business permit upang magpatuloy sa operasyon.


Wala rin umano itong naipakitang permit mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).


Nahuli ng Southern Police District ang 11 lalaki at 3 babaeng cabo, checker at cashier ng outlet na naabutang mga nagre-remit ng mga perang pantaya at listahan ng taya na nagkakahalaga ng P9,000.


Matatandaang suspendido pa rin ang operasyon ng Peryahan ng Bayan o Peryahan Games matapos itong ipatigil ng PCSO noong Pebrero.


Kaya naman, pinaalalahanan ang publiko na i-report sa awtoridad kung may mahuling nagpapatuloy pa rin ng operasyon tulad nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page