top of page
Search

ni Thea Janica Teh | November 3, 2020





Umabot sa 9 na local government units (LGUs) sa bansa ang kinilalang COVID-19 high-risk areas ng OCTA Research group dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso at pagtaas ng hospitalization occupancy.


Sa inilabas na report ngayong Martes ng grupo, maaari umanong makaranas sa mga susunod na linggo ang mga LGUs ng “hospital burden” o kakulangan ng pasilidad at medical frontliners. Kabilang sa 9 na LGUs dito ay ang:

  • Makati City (NCR)

  • Malabon City (NCR)

  • Baguio City (Luzon)

  • Itogon, Benguet (Luzon)

  • Tuba, Benguet (Luzon)

  • Lucena, Quezon (Luzon)

  • Iloilo City (Visayas)

  • Catarman, Northern Samar (Visayas)

  • Pagadian, Zamboanga del Sur (Mindanao)


Kaya naman inabisuhan ng mga eksperto ang mga LGUs na mas paigtingin ang contact tracing, testing, isolation at magpatupad ng localized lockdown upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar.


Aniya, “We reiterate that the positive downward trends in the Philippines and in the NCR may be reversed… if the government, the private sector, and the public become less vigilant and complacent in the fight against COVID-19.”


Dagdag pa ng grupo, paghandaan din umano ng mga LGUs ang evacuation strategies dahil sa patuloy na pagdating ng mga bagyo sa ating bansa.


Sa ngayon, nakapagtala na ng kabuuang 387,161 kaso ng COVID-19 ang bansa, 348,967 rito ay gumaling na at 7,318 ang namatay.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 3, 2020




Pitong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang patay matapos mahuli sa gitna ng Sulu sea malapit sa Sulare island at makipagbarilan sa mga militar nitong Martes nang madaling-araw.


Ang mga militanteng nakasakay sa dalawang speed boat ay nasa ilalim umano ng Mundi Sawadjaan at Radullan Sahiron, ayon kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr.


Una nang kinilala ng mga militar si Sawadjaan bilang mastermind ng twin bomb noong Setyembre 24 sa Jolo na pumatay sa 17 katao kabilang ang 2 suicide bombers.


Bukod pa rito, namatay din sa barilan ang kapatid ni Sawadjaan na si Madsmar.


Dagdag pa ni Vinluan, ang halos 25 minutong pagpapalitan ng bala ang naging sanhi ng paglubog ng mga sinasakyang bangka ng mga suspek.


Plano umano ng mga suspek na magsagawa ng pagkidnap sa Mindanao. Sila rin umano ang salarin sa pagdakip ng mga foreigners at mga residente sa kanilang lugar pati na rin sa bansang Malaysia.


Sa ngayon ay isinasagawa pa rin ang retrieval operation ng mga suspek sa lumubog na mga bangka.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 2, 2020


Umapela si Catanduanes Governor Joseph Cua sa lahat ng telecommunication companies sa agarang pagbabalik ng kanilang linya matapos ang pananalanta ng Bagyong Rolly.


Aniya, "Sa ngayon po, wala talagang communication kami. Unless kung puwede sana mapaboran natin 'yung mga telco company na ma-establish kaagad, ma-restore kaagad 'yung telecommunication para magkaroon ng contact kami sa pamilya ng mga taga-Catanduanes diyan sa Manila o abroad."


Sinabi rin ni Cua na halos 65% ng mga bahay na gawa sa light materials at 20% na malalaking bahay ang nasira ng bagyo.


Malakas umano ang Bagyong Rolly kung ikukumpara sa mga super typhoon na dumaan sa kanilang probinsiya.


Sa katunayan ay ngayong Lunes lamang nagkaroon ng komunikasyon ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa national government kasama si Presidential Spokesperson Harry Roque at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad.


Ayon naman kay Jalad, natanggap na ng Globe at Smart ang request at sinabing isasagawa na ang restoration.


Bukod pa rito, sinabi rin ni Jalad na sa darating na Martes ay may darating na food packs para sa mga pamilyang naapektuhan sa Catanduanes.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page