top of page
Search

ni Thea Janica Teh | November 18, 2020




Naglaan ng P1.8 bilyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang lubos na naapektuhan ng dumaang mga bagyo.


Sa inilabas na pahayag ng DOLE, naglaan umano ito ng P312 milyon para sa mga kuwalipikadong manggagawa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at P307 milyon naman para sa mga informal sector workers sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Cagayan Valley.


Bukod pa rito, namahagi rin ang DOLE ng 100 fiberglass boots para sa mga mangingisda sa Cagayan province na nagkakahalaga ng P10 milyon. Naglaan din ng P14 milyon para sa 3,000 informal sector workers sa Calabarzon.


Tinatayang nasa P190 milyon naman ang inilaan para sa 34,000 apektadong manggagawa sa Mimaropa habang P500 milyon naman para sa 74,000 manggagawa sa Bicol.


Nasa P24 milyon ang inilaan para sa apektadong manggagawang kabilang sa pribadong sektor na ipinamahagi noong Martes.


Matatandaang hinagupit ng Bagyong Rolly, Quinta at Ulysses ang ilang parte ng Luzon kaya idineklara ang ilang lugar sa state of calamity.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 17, 2020




Patay ang isang abogado na si Eric Jay Magcamit matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Southern Palawan sa bayan ng Narra ngayong Martes nang umaga.


Ayon sa inisyal na report ng mga pulis, agad na binaril ng 2 suspek ang biktima pagkababa nito sa kanyang sasakyan.


Si Magcamit ang ika-52 legal professional na namatay simula 2016 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Nagsalita naman ang Integrated Bar of the Philippines Palawan chapter at sinabing ang pagkamatay ni Magcamit ay isang insidente bilang “attack to the legal order and justice system by means of fear and violence”.


Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa nangyaring insidente at pinaghahanap na ang dalawang suspek.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 16, 2020




Umabot na sa P2.14 bilyong halaga ng agrikultura ang nasira ng Bagyong Ulysses sa Region I, II, III, Calabarzon, V at CAR, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Samantala, tinataya namang nasa P482.85 milyong halaga ng imprastraktura ang nasira sa Region I, V at MIMAROPA.


Ibinahagi rin ng NDRRMC na nananatiling nasa 67 ang mga namatay dahil sa bagyo, 21 ang nasugatan at 13 ang kasalukuyan pa ring pinaghahanap.


May kabuuang 2,074,301 indibidwal o 523,871 pamilya ang lubos na naapektuhan ng Bagyong Ulysses.


Nitong Linggo ay binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Cagayan upang matingnan ang sitwasyon ng lugar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page